Hesperian Health Guides
Kabanata 3: Ang sistemang medikal
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 3: Ang sistemang medikal
Kung may sinanay na health worker na nagbibigay ng batayang serbisyong pangkalusugan sa komunidad, lahat ay nakakakuha ng mas mahusay na pangangalaga sa mas murang halaga.
Karamihan ng lugar sa mundo ay may iba’t ibang klase ng pangangalagang pangkalusugan. Halimbawa, mayroong community health worker, komadrona (midwife) at hilot, doktor at nurse. Puwedeng nagtatrabaho sila mula sa sariling bahay, klinika, health center o ospital. Puwedeng nasa pribadong sektor sila (sumisingil ng pera para sa serbisyo), o sinusuportahan ng komunidad, gobyerno, simbahan o iba pang organisasyon. Minsan mahusay ang kanilang pagsasanay at kagamitan—at minsan naman ay hindi. Sama-sama, tinatawag silang sistemang medikal.
Gumagamit ang karamihan ng kombinasyon ng modernong medisina at tradisyunal na paraan para gamutin ang sarili. Sa maraming kaso, ito lang ang kailangang gawin. Pero minsan kailangan nila ng pangangalaga mula sa sistemang medikal.
Kaya lang, maraming babae ang problemado sa pagkuha ng mahusay na pangangalaga. Puwedeng kulang ang pera nila para magpatingin sa klinika o bumili ng gamot. O baka walang health worker sa kanilang komunidad. Kahit makarating ng klinika, mahirap ding makipag-usap sa health worker tungkol sa problema. Minsan wala sa klinika o ospital ang serbisyong kailangan nila.
Dagdag na impormasyon
Paglutas ng mga problema sa kalusuganMagbibigay ang kabanatang ito ng ilang ideya kung paano makakuha ang kababaihan ng mas mabuting payo at serbisyong medikal. Magmumungkahi din ito ng mga paraan sa pagtutulungan ng kababaihan para mabago ang sistemang medikal, at sa gayon mas tumugon sa pangangailangan nila.