Hesperian Health Guides
Ano ang pinakamainam na panlunas?
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 2: Paglutas ng mga problema sa kalusugan > Ano ang pinakamainam na panlunas?
Nakakasama o nakakabuti ba ang panlunas?
Kahit tiyak ni Ka Pedro na may mga gamot na makakalutas sa problema, gusto ni Juanita ng dagdag na impormasyon bago magpasya. Halimbawa, may mga lunas na gawang-bahay na madalas nakakatulong sa nanay at lola niya kapag may sakit. Pero bakit hindi tumalab ang panlunas na sinubukan niya? Eto ang paliwanag ni Ka Pedro:
Sa kaso ni Juanita, nakasubok siya ng tatlong klase ng panlunas: | ||
Puwede sanang makatulong nang mabuti ang tsaa mula sa buhok ng mais kung may impeksyon sa sistema ng ihian si Juanita. Pinapalakas nito ang pag-ihi, kaya naaanod palabas ang mga mikrobyo. Pero malamang hindi nakatulong ang tsaa kay Juanita dahil hindi sa ihian ang impeksyon niya |
|
|
Nakakasama at hindi dapat ginagawa ang paglalagay ng halamang-gamot sa loob ng puwerta. Maaari itong magdulot ng iritasyon o masamang reaksyon sa puwerta, o pagmulan ng delikadong impeksyon. | ||
Panlunas na hindi nakakasama ang pagpalibot sa tiyan ng halamang-gamot. Hindi ito nagpapalala sa sakit, dahil nasa labas lang ng katawan. Pero hindi rin ito nakakatulong. |
|
Sinabi ni Ka Pedro kay Juanita na puwedeng pag-aralan ang panlunas at kung gaano ito kahusay sa pakikipag-usap sa iba’t ibang taong nakasubok na nito. Eto ang ilang puwedeng itanong:
- Bakit mo ito ginagamit?
- Kailan mo ito ginagamit?
- Paano mo ito ginagamit?
- Anong nangyayari kapag ginamit mo ito?
- Gaano kadalas itong makatulong sa problema?
- Nangyari na ba na masama ang resulta?
Pag-isipan mong maige ang sinasabi ng iba’t ibang tao. Tapos, kapag sinubukan mo ang panlunas, bantayan mo ang iyong mga palatandaan para malaman kung nakakatulong nga ito. Mag-ingat sa sabay-sabay na pagsubok ng maraming panlunas.
Nang makumbinse si Juanita na modernong gamot ang pinakamainam na panlunas, binigyan siya ni Ka Pedro ng ilang pildoras ng doxycycline at ciprofloxacin at pinabalik matapos maubos sa loob ng isang linggo. Pinaliwanag din na dapat malunasan ng parehong gamot ang asawa niya sa pagbalik nito, at kailangan maging mas ligtas ang paraan ng pagtatalik nila.
Bumalik naman si Juanita sa sumunod na linggo. Naubos na niya ang lahat ng tableta, pero hindi pa rin nawala ang mga palatandaan niya. Sinabi din niya na lumalala pa ang kanyang discharge at nagiging dilaw na ang kulay. Kaya kinonsulta ni Ka Pedro si Valeria, isang health worker na mas maraming pagsasanay.
Sang-ayon si Valeria na may INP (impeksyon na naihahawa sa pagtatalik) nga si Juanita. Pero dahil hindi nakatulong ang mga gamot, ang duda ni Valeria ay gonorrhea na may resistensya sa ciprofloxacin ang kumapit kay Juanita. Pinaliwanag ni Valeria na maraming klase ng may resistensyang gonorrhea ang dala-dala ng mga dayuhang sundalo sa base militar sa baybay, at nahahawa ang mga lokal na babaeng nakakatalik nila. Nirekomenda ni Valeria na pumunta si Juanita sa lungsod para sa mas kumpletong iksaminasyon, at para ma-test siya kung may gonorrhea, syphilis (isa pang INP) at kanser. Makakakuha rin siya ng mas bago at epektibong gamot kung kinakailangan.
Mga panganib at pakinabang
Umuwi si Juanita para mag-isip kung ano ang gagawin. Magagasta niya ang kalakhan ng naiipon ng pamilya para makapunta sa lungsod at makabili ng mga gamot. Dahil mawawala siya nang mga dalawang araw (papunta lang, halos 6 na oras na ang biyahe sa bus at paglalakad), at nasa baybay ang kanyang asawa, kailangan din niyang maghanap ng mag-aalaga sa kanyang mga anak.
Takot si Juanita na magagalit ang asawa kapag nalaman na gumasta siya nang napakalaki para sa doktor. Pero takot din siya na kung hindi magpapagamot, lulubha pa ang lagay niya. Sinabi ni Valeria na kung hindi siya magagamot, maaaring maipasa sa sanggol ang impeksyon sakali mang magbuntis siya. Sa kalaunan, malamang ay mababaog siya, magkakaroon ng matinding pananakit sa puson at problema sa sistema ng ihian at pagregla. Puwede ring magkaroon ng maraming seryosong problema sa kalusugan ang kanyang asawa.
Sobra ang pagdadalawang-isip ni Juanita kaya pumunta siya uli kay Valeria. Nang ipaliwanag ni Juanita ang mga pangamba niya, pinayuhan siyang tingnan ang problema nang ganito:
- Bubuti ang pakiramdam ko at matutuloy-tuloy ang pag-aalaga sa pamilya.
- Puwede pa akong magdagdag ng anak.
- Hindi ko mahahawahan ang sanggol sakali mang mabuntis ako.
- Baka magalit si Raul ‘pag nalaman niya.
- Gagastahin ko ang bahagi ng naipon namin.
Kaya pumunta si Juanita sa lungsod para magpagamot. Doon, sinabi ng mga doktor na mayroon nga siyang gonorrhea at malamang chlamydia, pero walang palatandaan ng ibang INP o iba pang problema. Pinaliwanag nilang hindi na tumatalab sa kanilang bansa ang gamot na ininom niya. Nagbigay
sila ng mas bagong gamot para kay Juanita at sa kanyang asawa.