Hesperian Health Guides
Ang kuwento ni Juanita
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 2: Paglutas ng mga problema sa kalusugan > Ang kuwento ni Juanita
Mga nilalaman
Nakatira si Juanita sa isang maliit na baryo sa kabundukan ng bansang Honduras. Nagtatanim silang mag-asawa ng mais sa isang maliit na piraso ng lupain. Hindi sapat ang inaani nila para mapakain ang 3 anak. Kaya ilang beses bawat taon, lumuluwas si Raul, ang asawa ni Juanita, kasama ang ibang kalalakihan para magtrabaho sa plantasyon ng saging na malapit sa baybay.
Mga 3 linggo matapos makabalik si Raul mula sa huling pagluwas nito, may napansin si Juanita. Mas marami kaysa karaniwan ang lumalabas na discharge mula sa kanyang ari. Tapos nagsimula siyang makaramdam ng sakit sa pag-ihi. Alam ni Juanita na may problema, pero hindi niya alam kung ano.
Nagpasya si Juanita na humingi ng tulong kay Suyapa na kaibigan niya. Pinayuhan siya nito na uminom ng tsaa mula sa buhok ng mais. Sabi ni Suyapa, nakatulong daw ito noon nang sumakit ang pag-ihi niya. Sinubukan nga ni Juanita ang tsaa—pero hindi naalis ang discharge at pananakit. Kaya nirekomenda naman ni Suyapa ang panlunas ng kaibigan niyang si Maria sa pananakit matapos manganak. Binigyan si Maria ng komadrona ng isang piraso ng tela na may halamang-gamot para itali palibot sa tiyan. Nang subukan ito ni Juanita at hindi tumalab, naisip niyang baka mas mainam kung ipasok ang halamang-gamot sa loob ng puwerta. Pero wala rin, at patuloy siyang nababahala sa mga nararamdaman niya.
Sa huli, nagpasya si Juanita na puntahan ang isang health worker, si Ka Pedro. Nahihiya siya na magpa-iksamen sa lalaki. Pero natatakot na siya na baka malala na ang kanyang problema.
Ano ang problema?
- Kailan mo unang napansin ang problema?
- Anong mga palatandaan na naghinala ka na may problema nga?
- Gaano kadalas ang mga palatandaang ito? Pakilarawan mo nga.
- Nagkaroon ka na ba noon ng mga palatandaang ito? Ang mga kapamilya o kasamahan mo sa komunidad?
- May nagpapalala o nagpapabuti ba sa mga palatandaang ito?
May mga sakit na mahirap pag-iba-ibahin
Nakinig nang mabuti si Ka Pedro sa paglalarawan ni Juanita ng pananakit at discharge. Pinaliwanag niya na madalas, malalaman sa mga palatandaan kung ano sa pangkalahatan ang problema sa kalusugan. Pero minsan, may ilang mga sakit na pare-pareho ang palatandaan. Halimbawa, ang pagbabago sa dami, kulay o amoy ng lumalabas sa puwerta ng babae ay maaaring dahil sa:
- isang impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP)
- impeksyon sa puwerta na hindi INP
- pelvic inflammatory disease (PID) —impeksyon sa matris at mga tubo nito—na madalas ay dulot ng INP
- kanser sa cervix o bukana ng matris
Para mas luminaw kung ano nga ang sanhi ng problema, kailangang malaman ni Ka Pedro kung gumagamit ng condom si Juanita at ang asawa niya, at kung may ibang katalik ang sinuman sa kanila. Inamin ni Juanita na duda siya na may ibang katalik ang asawa niya, dahil ilang buwan kung umalis ito para magtrabaho. Kaya lang, hindi nila ito pinag-uusapan, kaya hindi siya tiyak. Pero sa huling pag-uwi, nagreklamo ang asawa niya na masakit ang pagihi, na sinisi lang sa nakain sa baybay.
Mula sa dagdag na impormasyong ito, sinabi ni Ka Pedro na suspetsa niyang may INP si Juanita. Malamang daw ay gonorrhea (tulo) o chlamydia. Dahil mahirap pag-ibahin, mas mainam na maggamot na lang para sa dalawang ito.