Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Nang makapaggamot si Juanita at bumuti ang pakiramdam, madaling akalain na lutas na ang problema niya sa kalusugan. Pero alam niyang hindi ito totoo. Pagbalik ng asawa niya mula sa baybay, maiimpeksyon siya muli kung hindi ito iinom ng gamot at gagamit ng condom. Nakipag-usap siya kay Suyapa at iba pang babaeng may asawang nasa baybay. Nagkasundo silang humingi ng payo kay Valeria.

Pag-uugat ng mga problema sa kalusugan

Sumang-ayon si Valeria na hindi pa nalulutas ang mga problema sa kalusugan ni Juanita, dahil naririyan pa ang marami sa mga kondisyong lumikha ng problema. Para matulungan ang lahat na makita ang mga kondisyong ito, nagmungkahi siyang gawin ang laro na tinatawag na “Pero bakit...?”

Pinatipon sila ni Valeria nang paikot, at sinabihan sa subukang sagutin ang mga tanong niya:


si Valeria, isang maggagawang pangkalusugan o health worker, na nagtatanong sa isang grupo ng kababaihan na nagsasabi naman ng kanilang mga sagot
Q:  Bakit nagkasakit si Juanita?
A:  Dahil sa gonorrhea at chlamidya.
Q:  PERO BAKIT siya nagka-
gonorrhea at chlamydia?
A:  Dahil nahawahan siya ng kanyang asawa.
Q:  PERO BAKIT may gonorrhea at chlamydia ang kanyang asawa?
A:   Dahil nakikipagtalik siya sa ibang babae.
Q:  PERO BAKIT siya nakikipagtalik
sa ibang babae?
A:  Dahil ang turo sa mga lalaki, hindi nila kailangang pigilan ang pagnanasa, at matagal siyang nalalayo sa asawa.
Q:  PERO BAKIT matagal siyang nalalayo sa kanyang asawa?
A:  Dahil kulang ang lupa niya para mapakain ang pamilya kaya kailangan magtrabaho sa baybay na ilang buwan ang tagal.
Q:  PERO BAKIT kakapiraso ang kanyang lupa?
A:  Dahil mayayaman ang may-ari ng kalakhan ng lupa. (Isang mahabang talakayan ang sumunod sa sagot na ito.)
Q:  Ano pang ibang dahilan kung bakit
naimpeksyon
si Juanita?
A:  Dahil ayaw mag-condom ng asawa niya
Q:  PERO BAKIT ayaw gumamit ng condom ang kanyang asawa?
A:  Dahil hindi niya alam kung paano kumakalat ang INP.
At sige-sige pa.


Nang makagawa na ang mga babae ng mahabang listahan ng mga sanhi, minungkahi ni Valeria na igrupo ang mga ito. Sa pag-grupo, mas madaling makita ang iba’t ibang kondisyon na nagdudulot ng mga problema sa kalusugan.

Mga sanhing pisikal: mga mikrobyo o parasitiko, o pinsala sa katawan, o kulang sa kailangan ng katawan

Mga sanhi mula sa kapaligiran: mga kondisyon sa paligid na pumipinsala sa katawan, tulad ng usok mula sa pagluluto, kawalan ng malinis na tubig, o siksikan na tirahan

Mga sanhi mula sa lipunan: ang sistema ng pakikitungo o pagtrato ng tao sa isa’t isa, kasama ang mga pagtingin, ugali at paniniwala

Mga sanhi na pampulitika at pang-ekonomiya: Mga sanhing may ugnayan sa kapangyarihan—sino ang may hawak at paano; at pera, lupa at kabang-yaman—sino ang mayroon at sino ang wala

Nang igrupo ng mga babae ang mga sanhi ng problema ni Juanita, ganito ang nagawa nilang  lista:

mga babaeng nakatingin sa kanilang listahan ng mga sanhi
Maganda ang listahan, pero ano ang magagawa natin tungkol dito?
    PISIKAL
  • mikrobyo ng gonorrhea
  • mikrobyong may resistensya
  • mas madaling kapitan ng inp ang katawan ng babae kaysa lalaki, laluna pag pinahina ng maraming pagbubuntis
    PAMPULITIKA & EKONOMIYA
  • liblib ang bayan, kaya lumuluwas ang mga lalaki para magtrabaho
  • nagkakalat ng may resistensyang mikrobyo ang mga dayuhang sundalo
  • sa bayan, walang bagong gamot o lab na pang-iksamen sa gonorrhea na ditinatablan ng dating gamot
KAPALIGIRAN
  • liblib ang bayan, malayo sa lungsod
  • sira-sira ang kalsada
    PANLIPUNAN
  • madalas makipagtalik sa iba ang mga lalaki
  • ayaw gumamit ng condom dahil hindi daw ito gawa ng "tunay na lalaki" kulang sa edukasyon sa inp
  • kulang sa edukasyon sa inp
  • hindi madaling makakuha ng mga condom

Pag-oorganisa para lutasin ang mga problema sa kalusugan sa komunidad

Ang susunod na hakbang, sabi ni Valeria sa mga babae, ay tingnan ang iba’t ibang sanhi at magpasya kung alin ang kaya ninyo at iba pang taga-komunidad na baguhin. Tapos, pag-isipan ang kailangang aksyon para magawa ang mga pagbabago.

Matapos ang mahabang usapan, nagpasya ang mga babae na malamang hindi nila kayang baguhin ang pag-alis ng mga lalaki para magtrabaho—o kahit pigilan silang makipag-seks sa iba. Pero sa palagay nila, kayang pagamitin ng condom ang mga asawa nila kung mas malalaman ng mga ito ang tungkol sa INP, at kung mura lang ang condom. Eto ang napagkasunduan nilang aksyon:

tatlong babaeng nag-uusap kung ano ang gagawing aksyon o pagkilos
Hilingin natin na makipag-usap si Ka Pedro sa mga lalaki tungkol sa impeksyon sa ari. Tutal, ginagalang at pinapakinggan siya.
Mag-ensayo tayo ng pakikipag-usap sa mga asawa natin sa paggamit ng condom.


Titingnan ko kung kaya ng health center na magbigay ng libreng condom.

Nagmungkahi ang ibang miyembro ng grupo ng ganitong mga pagkilos:

  • Mag-organisa ng grupo sa komunidad para talakayin ang mga problema sa kalusugan, at isama ang INP sa mga paksa.
  • Habang naglalaba sa ilog ang mga babae, makipag-usap sa kanila tungkol sa INP at kung paano ito iiwasan.
  • Makipag-usap sa mga anak na lalaki tungkol sa INP bago sila lumuwas papunta sa baybay.


Ang huling hakbang, sabi ni Valeria, ay ang gumawa ng plano para matupad ang mga mungkahing ito. Sabi niya, dapat sagutin ng plano ang mga tanong na ito:

  • Ano ang gagawin natin? Anong mga hakbang ang kailangan?
  • Kailan natin gagawin ito?
  • Sino ang kasama sa paggawa?
  • Sino ang responsable para matiyak na matupad ang plano?
  • Paano natin malalaman kung gumagana nga ang plano?
tatlong babaeng nakatingin sa kanilang plano ng pagkilos
Sanhi: hindi nagko-condom ang mga lalaki.
Aksyon: tulungan ang mga lalaking matuto kung paano kumakalat ang inp.
Ano/sino: makikipag-usap si ka pedro sa mga lalaki tungkol sa inp at kung paano mapipigilan ng condom ang pagkalat nito.
Anong gamit ang kailangan: condom
Sino ang responsable: si Juanita, lalapit kay ka Pedro.
Paano susukatin: kung magsimulang
gumamit ng condom ang mga lalaki.

Para matulungan kang gamitin ang paraang ito sa paglutas ng mga problema sa kalusugan, narito ang listahan ng lahat ng hakbang. Nasa kaliwa ang mga hakbang at sa kanan ang mga bahagi ng kuwento ni Juanita na kakabit nito. Kung may problema ka sa kalusugan, maaari mo itong gamitin para matulungan kang maalala ang paraan sa pagsusuri at pagkilos para lutasin ang problema.


Mga Hakbang Ang Kuwento ni Juanita
1. Magsimula sa pagdududa. 1. Hindi alam ni Ka Pedro ang sanhi ng problema. Kailangan niya ng dagdag na impormasyon.
2. Alamin ang lahat ng posibleng malaman tungkol sa problema. Magtanong. 2. Inusisa ni Ka Pedro si Juanita para malaman kung ano ang posibleng sanhi ng problema.
3. Isipin ang lahat ng mga sakit na maaring magdulot ng parehong palatandaan. 3. Inisip ni Ka Pedro ang mga sakit na ganoon nga ang palatandaan: INP, iba pang impeksyon sa puwerta, o kanser.
4. Maghanap ng impormasyong magpapahiwatig kung ano ang pinakaposibleng kasagutan. 4. Sinikap alamin ni Ka Pedro kung puwedeng INP ang sanhi ng sakit ni Juanita.
5. Magpasya kung anong sagot ang malamang tama. 5. Nagpasya si Ka Pedro na malamang may INP si Juanita.
6. Magpasya sa pinakamainam na panlunas. 6. Hindi alam ni Ka Pedro kung anong mikrobyo ang sanhi ng impeksyon, kaya pumili siya ng panlunas na tumatalab sa ilang mga INP.
7. Kung walang resulta, magsimula sa umpisa. 7. Ininom ni Juanita ang mga gamot pero hindi siya umige at nagkaroon pa ng dagdag na palatandaan. Kaya humingi ng tulong si Ka Pedro kay Valeria.
8. Hanapin ang mga ugat ng problema. 8. Pinag-isipan ni Juanita at ng mga kaibigan niya ang mga dahilan kung bakit may ganitong klase ng sakit sa kanilang komunidad, tulad ng kahirapan, hindi pantay na pag-aari ng lupa, mga ugaling inaasahan sa babae’t lalaki, at kakulangan ng impormasyon
9. Igrupo ang mga sanhi para pagisipan kung ano ang maaaring magawa para harapin ito. 9. Inilagay ng mga babae ang mga sanhi sa grupong pisikal, kapaligiran, panlipunan, pampulitika at pang-ekonomiya.
10. Pagpasyahan kung anong mga sanhi ang kaya ninyo at ng inyong komunidad na baguhin. 10. Nagpasya silang kumilos sa mga panlipunang sanhi. Tingin nila puwedeng mapagamit ng condom ang mga partner nila.
11. Pagpasyahan kung anong mga aksyon ang kailangan para matupad ang mga pagbabago. 11. Nagpasya silang mag-ensayo kung paano kakausapin ang mga partner nila na gumamit ng condom, tingnan kung kayang magbigay ng libreng condom ang health center, at hilingin kay Ka Pedro na makipag-usap sa mga partner nila tungkol sa mga INP.
12. Gumawa ng plano para matupad ang mga pagkilos. 12. Nagplano sila sa bawat aksyon na gusto nilang gawin.




Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017