Hesperian Health Guides
Antibiotic na mga Panlunas sa Mata
HealthWiki > Bagong Kapag Walang Doktor > Kabanata 27: Bagong Panganak na Sanggol at Pagpapasuso > Antibiotic na mga Panlunas sa Mata
Ginagamit ang mga antibiotic na pinapahid (ointment) at pinapatak sa mata para protektahan ang mga mata ng bagong panganak mula sa matinding impeksyon at pagkabulag na maaaring maganap kung sa panahon ng pagsilang, ang nanay ay may impeksyong naihahawa sa pagtatalik na nasa puwerta. Pero kung matindi ang impeksyon sa mata, ipainom o iiniksyon ang antibiotics.
Ang 1% tetracycline O KAYA 0.5% – 1% erythromycin ointment ay ginagamit para proteksyon mula sa impeksyon matapos ipanganak at para sa hindi matapang na impeksyon ng bacteria sa mata. Isang beses lang gamitin, sa loob ng 2 oras matapos ang pagsilang.
Kung walang antibiotic na ointment sa mata, pwede kang gumamit ng 1 patak ng 2.5% na timpla ng povidone-iodine or 1 patak ng 1% timpla ng silver nitrate sa bawat mata. Nagiging mas konsentrado ang silver nitrate habang tumatagal at natutuyo – kaya huwag gumamit ng lumang silver nitrate. Susunugin nito ang mata ng sanggol. Kung may pagdududa, mas mabuti na lang na huwag gumamit ng silver nitrate.
Para gamitin ang ointment, maingat na ibuka ang talukap ng mata at magpiga ng kaunting ointment na ilalatag mula sa panloob hanggang panlabas na dulo ng talukap. Para sa pinapatak, ibuka ang ibabang talukap ng mata at maglagay ng dalawang patak papasok. Huwag idikit ang tubo o botelya sa mata.