Hesperian Health Guides
Mga Bagong Panganak na Sanggol at Pagpapasuso: Mga Gamot
HealthWiki > Bagong Kapag Walang Doktor > Kabanata 27: Bagong Panganak na Sanggol at Pagpapasuso > Nilalabanan ng Antibiotics ang Impeksyon
Mga nilalaman
Bagong Panganak na Sanggol at Pagpapasuso: Mga Gamot
Ampicillin at amoxicillin:
antibiotics na malawak ang tinatablan
Ang ampicillin at amoxicillin ay uri ng penicillin na malawak ang tinatablan. Ibig sabihin, mas maraming klase ng bacteria ang pinapatay ng mga ito kaysa sa ibang gamot sa pamilya ng mga penicillin. Madalas pwedeng pagpalitin ang dalawa. Kung nirerekomenda ang ampicillin sa librong ito, madalas pwedeng gamitin kapalit ang amoxicillin, sa tamang dami o dosis (tingnan sa ilalim).
Napakaligtas ng ampicillin at amoxicillin at malaki ang pakinabang para sa mga sanggol at maliliit na bata. Pareho silang mainam sa paglunas ng pulmonya at impeksyon sa tainga. Mainam din ang ampicillin sa paglunas ng meningitis at iba pang matinding impeksyon sa mga bagong panganak.

May tendensya ang dalawang gamot, lalo na ang ampicillin, na magdulot ng pagkaduwal at pagtatae. Iwasang ibigay sa mga batang nagtatae na kung may maipapalit din lang na ibang antibiotic.
Pagbubutlig ang isa pang madalas na side effect. Malamang palatandaan ng allergy sa penicillin ang mga butlig na makati na lumilitaw at nawawala paglipas ng ilang oras. Itigil agad ang pagbigay ng gamot at huwag nang bigyan ulit ang bata ng penicillin. Kung ma-allergy uli, maaaring mas malala at malagay pa sa panganib ang buhay. Para sa ibang mga problema, pwedeng erythromycin ang ipalit. Maaaring hindi allergy ang mga butlig na hindi nakaalsa tulad ng tigdas, na madalas lumilitaw isang linggo makaraan simulan ang gamot at tumatagal nang ilang araw bago mawala. Pero imposibleng matiyak kung galing nga ito sa allergy o hindi, kaya madalas mas mahusay nang itigil ang gamot.

Nagiging karaniwan na ang resistensya sa mga gamot na ito. Depende kung saan ka nakatira, maaaring hindi na ito tumalab sa staphylococcus, gonorrhea, shigella, o iba pang mga impeksyon.

Epektibo ang ampicillin at amoxicillin kung iinumin. Para mabigyan ng tableta o kapsula ang sanggol, durugin ang pildoras o ilabas ang pulbos mula sa kapsula at hatiin para makuha ang tamang dami. Ihalo ito sa kaunting gatas mula sa suso. Ipainom sa sanggol ang gatas na may gamot sa pamamagitan ng tasa o kutsara. Pwede ding iiniksyon ang ampicillin, pero gawin lang ito para sa matinding mga sakit tulad ng meningitis, o kung nagsusuka o hindi makalunok ang sanggol.
Tulad ng ibang antibiotics, minsa’y nagmumungkahi kami ng pinakamaikli’t mahabang panahon nang paggamot. Ituloy ang gamot hanggang mawala na ang lahat ng palatandaan ng impeksyon (pati lagnat) sa loob ng 24 oras. Kung may HIV ang bata, ibigay ang gamot sa pinakamahabang bilang ng araw na nakalista. Mayroon din kaming mungkahi sa pinakamababa’t mataas na dosis na ibibigay. Sa pangkalahatan, ibigay ang mababang dosis sa batang mas mapayat o impeksyon na di-gaanong matindi, at ang mataas na dosis sa batang mas mataba o impeksyon na mas matindi.
AMOXICILLINPara sa karamihan ng bagong panganak
¼ ng 250 mg na kapsula O KAYA
½ kutsarita (2.5 ml) ng 125 mg/5 ml na syrup O KAYA
¼ kutsarita (1.25 ml) ng 250 mg/5 ml na syrup.
Ibigay hanggang may 24 oras nang wala kahit anong palatandaan ng impeksyon.
AMPICILLINPara sa karamihan ng bagong panganak
½ ng 250 mg na kapsula O KAYA
1 kutsara (5 ml) ng 125 mg/5 ml na syrup.
Ibigay hanggang may 24 oras nang wala kahit anong palatandaan ng impeksyon.
Para sa matinding impeksyon sa bagong panganak tulad ng pulmonya o meningitis
Mag-iniksyon ng kumbinasyon ng ampicillin at gentamicin sa gilid ng kalamnan ng hita. Tingnan sa Mga Gamot, Pagsusuri, at Panlunas (ginagawa pa lamang) kung paano mag-iniksyon. Tingnan din ang mga babala sa gentamicin.
Erythromycin
Tumatalab ang erythromycin sa maraming impeksyon na kaya ng penicillin, pero mas mahal nang kaunti. Sa maraming bahagi ng mundo, mas mabisa na ang erythromycin kaysa sa penicillin para sa ilang mga kaso ng pulmonya. Magagamit din ito para sa diphtheria at pertussis.
Para sa mga taong may allergy sa mga penicillin, mainam na pamalit ang erythromycin. Magagamit din itong kapalit ng tetracycline para sa maraming mga impeksyon.

Madalas nagdudulot ang erythromycin ng pagkaduwal at pagtatae, lalo na sa mga bata. Huwag gamitin nang lampas sa 2 linggo dahil maaaring magdulot ng paninilaw o jaundice.

¼ ng 250 mg tableta na dinurog at hinalo sa kaunting gatas mula sa suso o tubig.
Para sa mastitis sa nagpapasusong nanay
Gentamicin
Napakalakas na antibiotic mula sa aminoglycoside na pamilya ang gentamicin. Maibibigay lang ito sa pamamagitan ng iniksyon o suwero (sa ugat). Kaya ng gamot na itong makapinsala ng bato at pandinig kaya dapat gamitin lang sa mga emerhensya.
Para sa pulmonya o meningitis sa mga sanggol at bata, magbigay ng kombinasyon ng gentamicin at ampicillin.

Dapat ibigay ang gentamicin sa eksaktong tamang dosis. Kung sosobra, maaaring makapinsala sa bato o magdulot ng permanenteng pagkabingi. Magbigay ng tamang dosis ayon sa timbang ng bata – huwag ibatay sa edad ng bata. Huwag din magbigay ng gentamicin nang lampas sa 10 araw. Iwasan ang mga mataas na konsentrasyon ng gamot (10 mg/ml ay mas mainam sa 40 mg/ml).
Ceftriaxone
Isa itong matapang na antibiotic na magagamit para sa sepsis at meningitis, pero ikalawa lang sa pagpipilian para sa mga impeksyong iyon dahil mas mapanganib na gamot ito para sa bagong panganak. May ispesyal na pakinabang ang gamot na ito para sa gonorrhea, kasama ang impeksyong gonorrhea sa mata ng bagong panganak.

Maaaring masakit iiniksyon. OK lang na haluan ng 1% lidocaine kung alam mong gawin.

Huwag ibigay sa sanggol na kulang sa 1 linggo ang edad. Iwasang gamitin sa mga sanggol na maagang naipanganak o sobrang liit (kung may posibilidad na napaaga ang pagsilang). Huwag ibigay kung may paninilaw.

Para sa gonorrhea sa bagong panganak na 7 araw o mas matanda pa
Para sa karaniwang laking sanggol na bagong panganak na mga 3 kg ang timbang, mag-iniksyon ng 150 mg.
Para sa bagong panganak na 3 kg, mag-iniksyon ng 225 mg minsan bawat araw.
Para sa mas matandang sanggol na 6 kg, mag-iniksyon ng 450 mg minsan bawat araw.