Hesperian Health Guides
Kabanata 30: Pagputol sa ari ng babae
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 30: Pagputol sa ari ng babae
Isinulat ang kabanatang ito ng mga babaeng nakatira at nagtatrabaho sa mga komunidad kung saan kaugalian ang pagputol sa bahagi ng ari ng babae.
Minsan tinatawag itong excision.
Sa ilang mga komunidad, kailangang maputol ang ari ng babae bago siya maging asawa at ina, at sa ilang kaso, bago makaangkin ng ariarian.
Sa mahabang kasaysayan ng mundo, may mga kaugalian para magmukhang kaakit-akit ang babae, o palakihin ang tsansa na mapakasal, kahit pa masama para sa kalusugan. Halimbawa, sa ilang lugar sa Europe, inaakalang mas maganda ang babaeng napakaliit ng baywang. Kaya mula pagkabata, pinipilit silang mag-‘corset’, isang balabal na telang matigas. Sa sobrang higpit ng pagtali sa baywang at balakang, minsan ay nababali ang tadyang, at hindi makakain o makahinga nang tama. Napakahirap na gumawa ng anumang bagay, maliban sa umupo nang walang imik o maglakad nang mabagal.
Sa ilang bahagi ng China, mas mataas ang katayuan ng babae kung maliit na maliit ang mga paa. Kaya binabali ang buto sa paa ng ilang batang babae at mahigpit itong binabalot ng tela. Sa paglaki, baluktot na ang kanilang paa at kaya lang nilang maglakad nang mabagal.
Nahinto na ang mga kaugaliang ito, pero sa ibang bahagi ng mundo, patuloy ang ibang mga kaugalian. Isa na rito ang pagputol sa ari ng babae. Ginagawa ito sa maraming komunidad sa Africa, sa ilang komunidad sa Middle East, at sa kaunting bahagi ng Southeast Asia. Pinuputol ang bahagi ng ari ng babae—bata pa o hindi na. Ginagawa ito sa iba’t ibang dahilan, karamihan batay sa kultura at tradisyon. Madalas sanhi ito ng malaking pagdiriwang sa komunidad.
Hindi pinapatigil ng pagputol sa ari ang pangangailangan ng babae sa pagmamahal at pakikisama, o bumabago sa kanyang moral na asal. Pero nakakasagabal ito sa normal na takbo ng kanyang katawan, at puwedeng makasama sa relasyon niya sa kanyang asawa o partner. Nagdudulot din ng maraming problema sa kalusugan ang pagputol. Ang ilan sa mga problemang ito ay puwedeng magdulot ng matagalang pinsala o kamatayan.