Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

babaeng nag-iisip habang tumitingin sa mga nakapaskil na naglilista ng kaunting bentahe at maraming panganib ng pagputol ng ari
Baka DAPAT itigil na ang pagputol sa ari ng babae.
lalaking nagsasalita
Matapos ang lahat ng problemang dinaanan naming mag-asawa sa pagtatalik at panganganak, hindi ko papayagang maputulan ang dalawa kong anak na babae.

Kung hindi ka tiyak sa pakiramdam mo tungkol sa pagputol sa ari ng babae, timbangin ang mga panganib para matulungan kang magpasya. Sulit ba ang benepisyo ng pagputol sa dulot nitong mga problema sa kalusugan? Palaging nagbabago ang kultura para harapin ang bagong pangangailangan ng komunidad. Puwede bang mabago rin ang kaugaliang ito?

Ano ang puwedeng gawin:

Kung hindi ka sang-ayon sa kaugaliang ito, maraming mga paraan para matulungan mo ang mga batang babae sa komunidad:

  • Kung isa kang ina, tulungan ang mga anak mo na madama na mahal at pinapahalagahan sila, naputulan man o hindi.
  • Himukin ang mga anak mong babae na magpatuloy ng edukasyon at matuto nang sapat para makapagpasya sa sariling buhay at kinabukasan. Lahat ng bata’y may karapatan sa magandang kalusugan at edukasyon.
  • Ibahagi ang impormasyon sa mga babae’t lalaki sa komunidad tungkol sa mga problema sa kalusugan na dulot ng pagputol sa ari. Makipagtulungan sa kanila para sa pagbabago.
  • Alamin kung ano ang ginagawa ng mga organisasyon ng kababaihan sa inyong komunidad o rehiyon.
  • Kung isa kang health worker na nagpuputol sa ari ng babae, ipaliwanag ang mga panganib sa mga nagpapagawa nito.
  • Kumuha ng pagsasanay kung ano’ng gagawin sa mga problema sa kalusugan mula sa pagputol sa ari ng babae.
  • Makipagtulungan sa mga lider na tradisyunal at relihiyoso para sa pagbabago. Hindi sinusuportahan ng relihiyon ang pagputol sa ari ng babae, pero hindi ito masyadong naiintindihan. Sikaping matalakay ito kasama ang mga lider relihiyoso sa inyong lugar.

Para maganap ang totoong pagbabago sa inyong komunidad, dapat magtulungan ang mga tao para matapos na ang nakakapinsalang ugali na ito.

  • Maghanap ng paraan para mapahina ang pagtangkilik sa mga seremonya sa pagputol sa ari sa inyong komunidad. Maghanap ng ibang ritwal na magmamarka sa pagtatapos ng pagkabata ng kababaihan at pagtuntong nila sa hustong gulang. Puwedeng kasama sa mga ritwal na ito ang dasal sa mga ninuno, o mga sakripisyong hindi nakakapahamak sa kababaihan. Sa maraming mga lugar, may mga ritwal sa pagtatapos ng pagkabata na hindi nakakapahamak sa kalusugan ng mga babae.
grupo ng mga lalaki at babae na nagtatalakayan o nag-uusap
  • Kilalanin ang mahalagang papel sa kalusugan ng komunidad ng mga hilot o tradisyunal na tagapaanak. Dahil madalas nagpuputol ang mga hilot, kailangan silang maturuan tungkol sa masasamang epekto nito. Maghanap ng mga paraan kung paano mapapalitan ang mga regalong tinatanggap nila pagkatapos ng seremonya sa pagputol, at maghanap ng ibang paraan na magagamit ang tulong nila sa komunidad. Kung mapapalitan ng ibang ritwal ang pagputol, isali ang mga hilot bilang mahalagang bahagi sa pagbigay at pagtanggap ng anumang handog.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017