Hesperian Health Guides

Mga babae bilang lider

Sa kabanatang ito:

Kapag binuo ang mga programa na hindi kinokonsulta ang mga babaeng maaapektuhan nito, mas mahina ang bisa ng mga ito.

grupo ng mga babae na nag-uusap-usap Dapat makalahok ang mga babae kailanman gumagawa ng plano o pasya na makakaapekto sa mga refugee at pinalikas na tao. Dapat ding himukin ang mga babae na maging lider sa kanilang bagong komunidad. Nagbubuo ito ng pagpapahalaga sa sarili, binabawasan ang pangungulila at panlulumo, naghihikayat ng pag-asa sa sarili, nagtataguyod ng kaligtasan ng kababaihan, at tumutulong sa mga nagbibigay ng serbisyo na makaiwas sa mga kamalian.


Eto ang ilang paraan para makapamuno ang kababaihan:

  • Lumahok sa pagpaplano kung paano iayos ang bagong tirahan—halimbawa, saan ilalagay ang mga kasilyas, halamanan at kuhanan ng tubig.
  • Mag-organisa ng hiwalay na pulong ng kababaihan at kalalakihan tungkol sa kaligtasan, batayang pangangailangan, nutrisyon at paglahok ng komunidad.
dalawang babae, isa may saklay, ang nakikipagkita sa isang lalaki at babae mula sa ahensyang nagbibigay-tulong
  • Hikayatin ang mga babaeng sabihin ang pakiramdam nila sa kanilang sitwasyon. Maghalal ng pinuno na puwedeng makipagusap sa nagpapatakbo ng kampo.
  • Tumulong sa mga kampanya sa impormasyong publiko.
  • Mag-organisa ng programa sa nutrisyon at pagsasanay para sa health worker.
  • Mag-organisa ng sentro sa pangangalaga ng mga bata. Mahalagang paraan ang pangagalaga ng mga bata para tulungan ang mga babaeng lumahok sa aktibidad na puwede silang makipag-usap sa iba.

WWHND10 Ch29 Page 456-3.png

  • Mag-organisa ng paaralan para sa mga bata. Mahalagang usapin para sa mga babae ang anak nila kahit sa panahon ng kagipitan. Sinasabi ng United Nations na lahat ng batang refugee ay may karapatan sa edukasyon, pero kakaunting programa ang naitatayo. Minsan sobrang laki ang mga klase o maaaring kulang ang mga guro.
  • Tumulong mag-organisa ng mga klase sa pagbabasa, pagtuturo ng mga kasanayan, musika at palaro para sa kababaihan at kalalakihan.
Nang makarating kami sa Honduras, hinang-hina kami sa pagtatago sa mga burol at paglalakad nang malayo para umabot sa ligtas na lugar. Marami kaming kasamang may sakit at malnourished na bata’t matanda. Wala kaming dinatnan dito, kaya sama-samang nagtrabaho ang mga babae para magbuo ng nutrition center. Tapos nakumbinse namin ang lokal na parokya na magbigay ng dagdag na pagkain para sa mga sentro, at nagsimula kaming magtanim ng gulay at mag-alaga ng manok, kambing at kuneho para maidagdag sa pagkaing hinahanda namin sa sentro. Lumaki na ang mga proyekto namin at ngayon, kaya na naming magbigay sa lahat ng pamilya sa kampo ng kaunting itlog, kapirasong karne, at ilang gulay nang minsan man lang bawat buwan.


Kailangan naming magkumpuni ng damit at sapatos, kaya nag-organisa kami ng munting pagawaan at kinumbinse namin ang mga ahensya na dalhan kami ng ilang makina at kasangkapan sa pananahi. Mananahi ang ilan sa mga babae at marunong gumawa ng sapatos ang isang matandang lalaki, at tinuro nila sa iba ang mga kasanayan nila. Taas-noo kami sa mga nagawa namin dito—naipakita naming kaya ng mga babae ang higit pa sa pagluluto.

Sinanay kami ng mga ahensya na maging manggagawa sa kalusugan at nutrisyon, at ng pag-aalaga ng mga hayop. Natuto kaming magkuwenta at magplano ng mga gastusin para mapamahalaan naming mag-isa ang mga proyektong ito. Dahil sa karanasan namin sa mga proyekto, maraming mga babae ang lider na ngayon sa kampo. Kapag nakabalik kami sa aming bansa, kaya na naming magpatakbo ng mga proyekto sa komunidad at negosyo.

—Aleyda, isang taga El Salvador na refugee sa Colomoncagua, Honduras

Paraan para kumita

dalawang babaeng nag-uusap habang may dalang pagkain

Buti na lang binigyan tayo ng pagkain, pero meron pa akong ibang kailangang bilhin para sa pamilya.
Marunong akong gumawa ng mga damit... Baka puwede tayong magtayo ng maliit na patahian?

Kailangan ng mga pagpipilian ng mga babaeng refugee at pinalikas para hindi sila mapuwersang magbenta ng seks para mabuhay at suportahan ang kanilang pamilya.

Madalas nahihirapan ang mga babaeng refugee at pinalikas na makahanap ng sapat na trabaho para suportahan ang kanilang pamilya. Maaaring kulang sila sa kasanayan para makatrabaho sa kanilang bagong tahanan o hirap kumuha ng permiso para magtrabaho. Pero kahit sa sitwasyong ito, madalas may ilang trabaho pa ring magagawa ang mga babae.

Halimbawa, namamasukan bilang katulong sa bahay ang ilang babaeng refugee o nagtatrabaho bilang health worker sa mga organisasyong nagbibigay ng tulong. Minsan nagbibigay din ang mga organisasyong ito ng pera sa mga babae para magsimula ng proyekto sa tradisyunal na aktbidad ng kababaihan tulad ng handicrafts. Pero dahil mahirap sumuporta ng pamilya sa ganitong mga aktibidad, dapat subukan din ng mga babaeng alamin ang mga malalaking proyekto—tulad ng pagtatanim ng puno o pagtatayo ng tirahan—na mas malaki ang kita. O kaya, kung bibigyan ang mga babae ng kapirasong lupa, puwede silang magtanim ng makakain ng pamilya o maibebenta. At kung may kasanayan ang babae, puwede siyang makatrabaho sa isang propesyon o maliit na negosyo.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017