Hesperian Health Guides

Pagpapa halaga sa sarili

Sa kabanatang ito:

Kapag nadadama ng babae na may importante siyang kontribusyon sa pamilya at komunidad, sinasabing may mahusay siyang pagpapahalaga sa sarili. Alam ng babaeng may mahusay na pagpapahalaga sa sarili na karapat-dapat siyang igalang.

Sa pagkabata nagsisimulang mabuo ang pagpapahalaga sa sarili. Nakabatay sa pagtrato ng mga importanteng tao sa buhay ng babae—tulad ng mga magulang, kapatid, kapitbahay, guro, at lider ispiritwal—ang lakas ng pagpapahalaga sa sarili na nakukuha niya. Kung tatratuhin siya ng mga taong ito bilang babaeng dapat bigyang atensyon, kung pupurihin siya kapag may ginawang maganda, at kung hihikayatin siyang subukan ang mga bagay na mahirap gawin, magsisimula siyang makaramdam ng pagpapahalaga.

Sa ilang mga kaso, mahirap para sa mga babaeng makabuo ng mahusay na pagpapahalaga sa sarili. Halimbawa, kung higit na edukasyon o pagkain ang binibigay sa kapatid na lalaki, maaaring madama ng mga babaeng mas mababa ang halaga nila dahil lamang sa pagiging babae. Kung palagi silang pinupuna, o hindi pinapansin ang mabigat na trabaho nila, mas malamang lumaki silang mababa ang tingin sa sarili. Sa kalaunan, maaaring hindi sila maniwalang dapat tratuhin sila nang maayos ng asawa; kumain nang kasingdami ng kinakain ng iba; maalagaan kapag may sakit; o magpaunlad ng mga kasanayan. Kapag ganito ang pakiramdam ng mga babae, maaaring isipin pa nila na natural at tama lamang ang kawalang-halaga nila sa pamilya at komunidad— samantalang ito’y tunay na di makatuwiran at di makatarungan.

pinapapasok ng babae ang dalawang batang lalaki sa eskuwelahan habang mag-isang nakaupo sa tabi ang batang babae Noong bata pa siya, pakiramdam ni Malika ay mas mababa ang pagpapahalaga sa kanya kaysa mga kapatid niyang lalaki. Sa tingin ng pamilya, may sapat na halaga ang mga batang lalaki para paaralin, pero siya’y wala


Importanteng bahagi ng maayos na kalusugan ng pag-iisip ang pagpapahalaga sa sarili. Madadama ng babaeng maganda ang pagpapahalaga sa sarili na mas kaya niyang umangkop sa araw-araw na mga problema, at mas kaya niyang kumilos para mapabuti ang kanyang buhay at komunidad.

Pagbubuo ng pagpapahalaga sa sarili

Makakaimpluwensya ang pagpapahalaga sa sarili ng babae sa mga pagpapasya niya tungkol sa kalusugan.

Hindi madali ang pagbubuo ng pagpapahalaga sa sarili. Hindi kasi puwedeng magpasya lang ang babae na mas pahalagahan ang sarili. Sa halip, kailangan niyang baguhin ang mga nakatanim na paniniwala na baka hindi niya namamalayan ay umugat na sa kanya.

Madalas ang mga pagbabagong ito ay kailangang maganap nang hindi direkta, sa mga karanasang magmumulat sa babae na makita ang sarili sa bagong paraan. Puwedeng dumaan ang pagbabago mula sa mga kakayahang taglay na ng babae, tulad ng abilidad niyang magbuo ng mga malapit at mapagsuportang relasyon sa iba, o sa pagaaral ng mga bagong kasanayan. Halimbawa:

Mula sa pagkabata pa, inaasahan si Malika na manahimik at sumunod sa mga utos. Nang mag-18 taong gulang siya, pinilit siya ng ina na pakasalan ang isang tauhan ng militar. May ibang iniibig si Malika, pero binalewala lang ng nanay niya. Mahalagang tao ang sundalo.


Nagbabasa si Malika para sa ilang mga bata sa ilalim ng puno
Matanda na si Malika nang matuto siya ng mga bagong kasanayan at magsimulang higit na pahalagahan ang sarili.

Matapos ang ilang taong pagsasama at maka-4 na anak si Malika, huminto na sa pag-uwi sa gabi ang kanyang asawa. Binabalita ng mga kaibigan na may kasama itong ibang mga babae. Nagreklamo si Malika sa nanay niya, pero sinabihan siyang tiisin lang ito—ganoon daw talaga ang buhay. Sa kalaunan iniwan siya ng asawa para makisama sa girlfriend nito. Sobrang lungkot at kawalang-halaga ang nadama ni Malika.

Isang araw nabigyan ng pagkakataon si Malika na sumali sa isang programa na magtuturo ng pag-alaga ng mga bata sa paaralan ng komunidad. Nagpasya siyang sumubok, kahit hindi pa siya nakaranas na magtrabaho sa labas ng bahay. Nabago si Malika ng pag-aaral ng bagong kasanayan at pagsama sa mga bata at ibang kababaihan sa pagsasanay. Nakita niyang may halaga siya na labas sa pag-aasawa at puwede siyang maging produktibong manggagawa. Nagsimulang magisip si Malika ng magagawa niya para sa pamilya at ng pangarap niyang matupad sa kanyang buhay.

Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017