Hesperian Health Guides
Pagpapahusay ng kalusugan sa pag-iisip sa inyong komunidad
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 27: Kalusugan ng pag-iisip > Pagpapahusay ng kalusugan sa pag-iisip sa inyong komunidad
- nagkaproblema sa kalusugan ng pag-iisip sa nakaraan.
- nawalan ng kapamilya o nahihiwalay sa kanilang mga pamilya.
- nakasaksi ng karahasan o may marahas na mga partner.
- kakaunti ang suportang panlipunan.
Magmatyag ng ibang inaasal na maaaring magpahiwatig ng problema sa kalusugan ng pag-iisip. Kung nagdududa ka na may problema ang babae, kilalanin mo siya nang mas mabuti. Pakinggan ang sinasabi ng ibang tao sa inaasal niya at sa pagbabagong nangyari. Dahil madalas may mga ugat sa pamilya o komunidad ang mga problema sa kalusugan ng pag-iisip, suriin kung paano ito maaaring nag-ambag sa problema.
Magsimula sa mga kalakasan ng babae. Lahat ng babae’y nakapagbuo ng mga paraan para umangkop sa mga araw-araw na problema. Tulungan siyang matukoy ang mga positibong paraan ng pagharap niya sa problema noon, at kung paano niya magagamit ang mga kalakasang ito sa sitwasyon ngayon..
Kumilos sa balangkas ng mga tradisyon at kultura ng babae. Lahat ng komunidad ay may tradisyonal na mga paraan ng pagharap sa mga problema sa kalusugan ng pag-iisip, tulad ng dasal at ritwal. Hindi palaging nakakatulong ang mga ito, pero dapat palagi itong isaisip at gamitin hangga’t maaari. Sa abot ng makakaya, sikaping matuto tungkol sa mga tradisyon ng babae at kung paano ito puwedeng maging bukal ng lakas para sa kanya. Anumang makakatulong sa babae na makilala o mabigyang kahulugan ang kanyang karanasan ay makakatulong sa kanyang kalusugan ng pag-iisip.
Tandaan na walang madaliang solusyon sa mga problema sa kalusugan ng pag-iisip. Mag-ingat sa sinumang nangangako ng ganito.
Ang pinakamahalagang bahagi ng anumang panglunas ay ang mapadama sa babae na may suporta at pagmamalasakit sa kanya. Sikaping isali ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa pagbibigay ng lunas.
Humingi ng tulong kung kinakailangan mo. Kung wala kang karanasan sa problema sa kalusugan ng pag-iisip, sikaping makipagusap sa isang mental health worker na mayroon. Maaaring mabigatan ka sa pakikinig sa problema ng iba, laluna kung marami sila. Matyagan mo ang sarili kung nakakadama ka ng bigat o tensyon, kung nawawalan ka ng ganang tumulong sa iba, o kung madali kang mairita o magalit. Mga palatandaan ito na ginagawa mong sariling problema ang problema ng iba. Humingi ng tulong, at sikaping magdagdag ng pahinga at pagrelaks para mas epektibo kang makapagtrabaho.