Hesperian Health Guides
Kabanata 29: Mga refugee at napalikas na kababaihan
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 29: Mga refugee at napalikas na kababaihan
Sa bawat 10 refugee at napalikas na tao sa mundo, 8 ang mga babae
Ang refugee ay mga taong tumatawid ng hangganan ng kanilang bansa patungo sa ibang bansa dahil natatakot na hindi sila ligtas sa sariling mga tahanan. Ang mga napalikas na tao ay yung napuwersang iwan ang tahanan pero nananatili sa sariling bansa. Maraming mga refugee at napalikas na tao ang biktima ng isang grupo na nakahawak sa kapangyarihan na may prejudice (galit o masamang pagtingin) laban sa ethnic na grupo, relihiyon, nasyonalidad o pampulitikang paninindigan ng iba. Kung kontrolado ng grupong ito ang mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain at tubig, kailangan ng mga taong lisanin ang tahanan nila para mabuhay.
Mga babae’t bata ang bumubuo ng higit sa 80% ng mga refugee at napalikas na tao, madalas dahil namatay na sa labanan ang mga lalaki o napuwersang iwan ang mga pamilya nila. Tulad ng lahat ng mga refugee at napalikas na tao, kailangang protektahan ang kababaihan sa puwersahang pagpapabalik sa kanilang tahanan. Kailangan din nila ng mga batas na nagbibigay ng mga karapatang pang-ekonomiya at sosyal, para makakuha sila ng batayang mga pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan, damit at pangangalagang pangkalusugan. Bilang mga babae, kailangan nila ng ispesyal na proteksyon sa armadong atake at sekswal at pisikal na abuso.
Tumututok ang kabanatang ito sa ilan sa mga pangkalusugang problema ng mga kababaihang refugee at napalikas. Pinakamahalaga, tinitingnan ng kabanatang ito ang papel na puwedeng gampanan ng kababaihan sa kanilang bagong komunidad.