Hesperian Health Guides
Kalusugan ng pagiisip
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 29: Mga refugee at napalikas na kababaihan > Kalusugan ng pagiisip
Mga nilalaman
Mga sanhi ng problema sa kalusugan ng pag-iisip
Dapat makayanan ng babaeng umangkop sa biglaan at puwersahang pagbabago para matulungan ang pamilya niya na makaraos at mabuhay.
Hinaharap ng mga babaeng refugee at napalikas ang marami sa mga hirap at kagipitan na nasa ibaba, na maaaring magdulot o magpalala ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip. Kasama sa mga problema sa pag-iisip ang sobrang pagkalungkot o walang anumang nadadama (panlulumo), ninenerbiyos o nag-aalala (pagkabalisa), o pakiramdam na hindi kayang pangibabawan ang mga kakila-kilabot na pangyayari sa nakaraan (matinding reaksyon sa trauma).
- Pagkawala ng tahanan. Dahil natatanging lugar ang tahanan na madalas may kaunting awtoridad ang babae, maaaring lubhang napakasakit ang pagkawala nito.
- Pagkawala ng suporta ng pamilya at komunidad. Bilang tagaalaga ng pamilya, kailangang mabigyan ng babae ng kaligtasan ang mga anak at suporta ang kapartner at mga magulang. Kung namatay sa labanan o sumama sa puwersang militar ang kanyang asawa at nakatatandang anak na lalaki, kailangan din siyang maging pinuno ng pamilya. Maaaring matakot siya at madama na mag-isa niyang papasanin ang mga responsibilidad na ito. Puwedeng mangyari ito kahit may ibang nakatatanda sa pamilya, dahil madalas hindi sila makasuporta sa kanya tulad nang dati.
- Pagiging saksi o biktima ng karahasan.
- Pagkawala ng pagsasarili at kapakipakinabang na trabaho. Kahit na hawak pa ng babae ang importanteng gawain ng pangangalaga sa pamilya, maaaring mas limitado na ngayon ang buhay niya sa ibang usapin. Halimbawa, bago lisanin ang tahanan, maaaring responsable siya sa pagtatanim, paghahabi, pananahi at paggawa ng tinapay. Kung hindi na niya magawa ang mga ito, maaari siyang malungkot at makadama na wala nang silbi.
- Siksikang pamumuhay. Kung walang magalawan, mas mahirap sa babae na umangkop sa dagdag na mga pasanin sa pangangalaga ng pamilya.
- Kahirapang magdalamhati o magluksa. Maaaring namatayan ng kapamilya ang babaeng refugee o pinalikas bago pa marating ang bagong tirahan, pero hindi magawa ang tradisyonal na seremonya sa libing o pagluluksa. Kapag nasa ligtas na lugar na, maaaring imposible pa ring maglibing o magluksa sa tradisyonal na paraan. Sa maraming mga lugar, kababaihan ang responsable sa pagsasagawa ng mga seremonyang ito, na mahalaga para makapagdalamhati at matanggap ang kamatayan ng mahal sa buhay.
Mga palatandaan ng problema sa kalusugan ng pag-iisip
Para sa impormasyon tungkol sa mga palatandaan ng problema sa kalusugan ng pag-iisip tulad ng panlulumo, pagkabalisa, at matinding reaksyon sa trauma, tingnan ang kabanata sa “Kalusugan ng Pag-iisip”.
Pagkilos para sa mas mahusay na kalusugan ng pag-iisip
Dagdag na impormasyon
relasyong nagtutulunganAng pinakamahusay na paraan para tulungang mapangibabawan ang problema sa kalusugan ng pag-iisip at mapigilan ang paglala ay ang pakikipag-usap sa ibang babae tungkol sa mga nadadama, ikinababahala at iniintindi. Eto ang ilang mga mungkahi para mahikayat ang mga babaeng kilala mo na makinig at sumuporta sa isa’t isa:
- Mag-organisa ng mga aktibidad para may panahong magkasama-sama ang mga babae, tulad ng klase para sa nutrisyon at literasiya, o pag-aalaga ng bata at mga pangrelihiyon na aktibidad. Dagdagan ang pagsisikap na makasali ang mga babaeng mukhang takot o walang ganang makisangkot. Madalas sila ang pinakamalaki ang pangangailangang lumahok at makipagusap sa iba.
Isang grupo ng mga babaeng refugee na galing sa Guatemala ang nakadama ng malalim na kawalan nang lisanin nila ang kanilang lupain. Nagsama-sama sila para magtanim ng gulay at bulaklak. Nakatulong ito sa kanila na makadama ng pagiging malapit sa lupa, na maging parang komunidad sila muli, at makapaghatid ng kaunting pagkain sa kani-kanilang pamilya.
- Mag-organisa ng grupong damayan.
- Makipagtulungan sa ibang babae para makahanap ng paraan na makapagdalamhati at makapagluksa. Baka kaya ninyong iangkop ang ilan sa mga tradisyonal na ritwal sa bagong sitwasyon. Kung hindi kaya, maglaan man lang ng kaunting panahon para makapagdalamhati kayo bilang grupo.
- Maging isang mental health worker. Maaari kang magorganisa ng grupo ng magkakaibigan para makipag-usap sa mga babaeng may problema sa kalusugan ng pag-iisip, kahit hindi sila humihingi ng tulong. Alamin kung may sanay na mental health worker sa inyong komunidad o tauhan ng simbahan na sanay sa pagpapayo na maaari ring makatulong.