Hesperian Health Guides

Kalusugang reproduktibo

Sa kabanatang ito:

Madalas nahihirapan ang mga babaeng refugee at napalikas na makakuha ng tamang pangangalaga sa kalusugan. Maaaring mahirap sa mga health worker na abutin ang mga napalikas na tao sa mga mapanganib o malayong lugar. O kung may serbisyo man, maaaring hindi alam ng mga health worker ang lengguwahe ng mga babaeng tinutulungan nila o ang mga kultural na paniniwala at gawi na nakakaapekto sa pangangalagang pangkalusugan.

Dagdag pa sa mga pangkalahatang problemang ito, madalas nakakaligtaan ang natatanging pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan. Kasama sa mga ito ang:

manggagawang pangkalusugan o health worker na nakikipag-usap sa buntis na babae sa labas ng tolda
  • pangangalaga habang nagbubuntis at nanganganak. Kailangan ng kababaihan ng regular na pangangalaga bago manganak (prenatal care) at mga hilot o komadrona na nakakaintindi sa tradisyonal na mga gawain sa pagpapaanak.
manggagawang pangkalusugan o health worker na nakikipag-usap sa isang babaeng may kalong na bata
Walang serbisyo dito para sa pagpaplano ng pamilya. Klinika ito para sa mga emerhensiya.
  • pagpaplano ng pamilya. Sa maraming komunidad ng mga refugee, napakabilis dumami ng mga pagsilang. Bahagi ng dahilan ang madalas na pagpalya ng mga ahensya na magbigay ng impormasyon o suplay ng pagpaplano ng pamilya. Dagdag pa, halos walang privacy sa siksikang kampo ng mga refugee para gamitin ang mga paraang ito, at kulang ng ligtas at pansariling taguan ng mga gamit.
  • mga suplay para sa buwanang regla.
  • impormasyon at panlunas sa mga INP at HIV.
  • mga health worker na bihasa sa pagdiagnose ng mga seryosong problema sa kalusugan ng kababaihan tulad ng pelvic na impeksyon at kanser sa cervix.
  • ligtas na pagpapalaglag. Madalas wala nito, laluna kung kontra dito ang mga ahensyang nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan.
  • dagdag na calcium, iron, folic acid, iodine, at vitamin C sa diyeta, laluna para sa mga babaeng buntis at nagpapasuso.
  • pangangalaga ng mga babaeng health worker. Hindi puwedeng maeksamin ng lalaki ang ilang mga babae dahil bawal ito sa kanilang kultura.

Mga paraan para mapabuti ang kalusugan ng kababaihan

babae na nakikipag-usap sa isa pa sa loob ng grupo na nag-aaral tungkol sa condom
Nakakatuwa na tinuturuan din tayo ng pagpaplano ng pamilya sa mga klase sa nutrisyon!

Maaaring mapabuti mo ang serbisyong pangkalusugan sa pagiging taga-ugnay ng serbisyo at ng inyong komunidad ng mga refugee. Tulungan ang mga health worker na maunawaan ang tradisyon at pangangailangan ng iyong kababayan. Puwede mo ring hilingin ang ilan sa mga pagbabagong ito:

  • Kung malayo ang klinika, hilingin na dagdagan ang oras na bukas ito kahit minsan lang bawat linggo. Hilingin na may babaeng health worker sa araw na iyon, laluna kung hindi puwedeng maeksamin ng lalaki ang mga babae sa inyong komunidad.
  • Kung hindi alam ng health worker ang inyong lengguwahe o hindi nauunawaan ang mga nakagawian ninyo sa pagpapaanak, hilingin na magpaliwanag sa kanila ang tagapaanak o komadrona mula sa inyong komunidad.
  • Humiling ng mga pagtuturo tungkol sa pagpaplano ng pamilya, HIV, mga INP, prenatal na pangangalaga at panganganak at nutrisyon para sa mga babaeng nagdadalaga at may edad na. Ipaalala sa tauhan ng health center na kailangan ng kababaihan ng pribadong lugar para matalakay ang mga INP.
  • Humiling ng dagdag na pagkain para sa mga babaeng buntis at nagpapasuso. Kung walang sapat na pagkain para sa masustansyang diyeta, dapat mabigyan sila ng mga pildoras na bitamina.
  • Hilingin na mabigyang ng pagsasanay ang mga health worker sa paglunas sa mga ispesyal na pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan.
Pagiging isang health worker

Maraming mga kampo ang nagsasanay sa mga babaeng refugee na maging community health worker (CHW), hilot at tagapagturo sa kalusugan dahil kaya nilang magsalita sa lengguwahe ng mga refugee at tumulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng buong kampo.

Sa Camp Kakuma sa hilagang Kenya, halimbawa, kasangkot nang husto sa pangangalagang pangkalusugan ang mga babaeng refugee mula sa timog Sudan. Maraming mga hilot ang nabigyan ng dagdag na pagsasanay at kagamitan sa pagpapaanak, at ang ibang mga babae ay mga CHW at tagapagturo sa kalusugan na ngayon.
manggagawang pangkalusugan o health worker na nagtuturo sa babae tungkol sa nutrisyon sa labas ng tolda
Sinasanay sila sa paraang kakayanin nilang magtrabaho kapwa sa timog Sudan at Kenya kapag umalis na sila ng kampo. Sinabi ni Sara Elija, isang refugee mula sa Sudan, na ang bagong papel niya bilang tagasanay ng mga hilot ay nagbibigay sa kanya ng pag-asa na makapagtrabaho kapag hindi na siya refugee.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017