Hesperian Health Guides
Batayang panga ngailangan
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 29: Mga refugee at napalikas na kababaihan > Batayang panga ngailangan
Mga nilalaman
Pagkain
Maraming mga refugee at napalikas na kababaihan ang walang sapat na pagkaing dala bago tumalilis o habang naglalakbay. Sa pagdating sa bagong tirahan, maaaring wala pa ring sapat na pagkain. O maaaring walang sapat na sari-saring pagkain para maging masustansya ang diyeta.
Malnutrisyon ang isa sa nangungunang sanhi ng kamatayan ng mga babaeng refugee at pinalikas.
Puwede mong mapahusay ang diyeta kung:
- makikisali sa distribusyon ng pagkain. Dapat ibigay nang direkta sa mga babae ang pagkain, dahil maaaring hindi kasing-pamilyar ang lalaki sa mga pangangailangan ng pamilya. Dagdag pa, mas malamang pakainin ng mga babae ang pamilya mula sa pagkaing natanggap sa halip na ipagpalit ito sa mga armas o alkohol.
- igiit na makakuha ang kababaihan ng patas na pagkain sa kalalakihan at makakain sa parehong oras.
- ipaglaban ang dagdag na pagkain para sa mga babaeng buntis, nagpapasuso at malnourished o may sakit.
- tiyaking may kaldero at kagamitang panluto ang kababaihan.
- makipagtulungan sa ibang mga babae sa pagluluto. Kahit na sa isang sentral na lugar hinahanda ang pagkain, puwedeng makisali ang mga babae. Magbibigay ito sa kanila ng kaunting kontrol sa diyeta ng kanilang pamilya.
Emerhensyang Pamamahagi ng Pagkain
Kahit sa sitwasyon ng emerhensya, dapat masangkot ang kababaihan sa pamamahagi ng pagkain. Pinagtitibay nito ang importanteng papel ng kababaihan sa pamamahala ng pagkain. Sa Kenya, halimbawa, sinikap ng Oxfam na palakasin ang tradisyonal na papel ng kababaihan sa lipunan sa pamamagitan ng pamimigay ng pagkain direkta sa kanila. Ipinamamahagi ang pagkain sa lantad na lugar, sa pangangasiwa ng isang hinalal na komite ng mga nakatatanda. Hinihikayat ang mga babae na magbigay ng kanilang opinyon tungkol sa ginagawa. Pinagpapatuloy ang ganitong klase ng pamamahagi hanggang sa bumuti ang lokal na suplay ng pagkain.Tubig at panggatong
Madalas limitado ang tubig at panggatong sa pagluluto ng mga babaeng refugee at pinalikas. Minsan kailangan itong kunin mula sa lugar na malayo sa kampo at hindi ligtas. O maaaring hindi malinis ang tubig at magkakasakit ang tao kapag ininom nila. Mas nagpapahirap sa kababaihan ang lahat ng problemang ito dahil sila ang responsable sa paglalaba at pagluluto para sa sarili at mga pamilya.
Makakatulong ang mga ito:
- Matutong mag-isterilisa ng tubig.
- Humingi sa mga tumutulong na organisasyon ng mga lalagyan ng tubig na hindi masyadong mabigat buhatin.
- Hilingin sa kinauukulan na magpatrolya sa mga lugar na pinagkukunan ng tubig at panggatong, na tiyaking ligtas ito at kayang puntahan ng kababaihan. Kapag kukuha ka ng tubig o panggatong, sumama sa iba.
Proteksyon mula sa sekswal na karahasan
Isang paglabag sa karapatang pantao ang sekswal na karahasan.
Dagdag na impormasyon
karahasan laban sa kababaihanKaraniwan ang panggagahasa at sekswal na karahasan kapag napapalikas ang mga tao. Nangyayari ito dahil:
- maaaring magdemanda ang mga guwardya, awtoridad ng gobyerno at manggagawa ng sekswal na kapalit sa pagkain, proteksyon, legal na papeles at iba pang tulong.
- kung masyadong siksikan ang lugar, maaaring mapuwersa ang kababaihan na makasama ang mga estranghero, o kahit mga taong nakaaway. Nasa mas malaking panganib ang mga babaeng napipilitang tumira kasama ang mga estranghero.
- madalas nagagalit o naiinip ang mga lalaking refugee na nawalan ng mga oportunidad sa dating tirahan. Lumalala ang mga problemang ito kapag nakita nila ang mga kababaihan na bumabalikat ng bagong responsibilidad. Dahil maaaring may armas ang mga lalaki, puwedeng maging marahas ang pakikitungo nila sa mga babae. Lalong nangyayari ito kapag gumagamit ng alkohol o droga ang mga lalaki.
- maaaring umatake ang mga taong nasa malapit na komunidad.
Maraming mga paraan para mapigilan ang mga pag-atake:
Baka maatake ka kung kailangan mong maglakad nang malayo para sa pagkain, tubig, panggatong o para gumamit ng palikuran o paliguan.
- Dapat sikapin ng mga babaeng manatiling kasama ang kanilang mga pamilya’t kaibigan. Dapat lumagay sa ligtas na lugar na hiwalay sa mga lalaki ang mga babaeng walang asawa at batang babae na walang magulang o matandang nag-aalaga.
- Dapat hikayatin ang mga lalaking walang gaanong ginagawa na magsimula ng mga aktibidad tulad ng mga pagsasanay, palaro o mga pangkulturang aktibidad.
- Dapat direktang mamahala ang mga babae sa pamamahagi ng mga batayang pangangailangan, tulad ng pagkain, tubig at panggatong, para hindi nila kailangang makipagnegosasyon para sa mga ito.
- Dapat ayusin ang mga kampo para maging malapit at maliwanag ang mga palikuran at iba pang pasilidad para sa batayang pangangailangan. Dapat ding magdemanda ang mga babae ng dagdag na proteksyon sa gabi, kasama na ang mga babaeng guwardya.
- Sikaping mag-areglo ng mga pulong ng mga babae’t lalaki para pag-usapan ang pagpigil sa sekswal na karahasan. Tiyaking naiintindihan ng lahat ang mga panganib. Puwedeng maisama ang proteksyon laban sa karahasan sa ibang mga programa, tulad ng mga pulong para sa kalusugan at nutrisyon.
- Humiling ng edukasyon tungkol sa pag-abuso ng alkohol at droga.
Kung inatake ka:
- Humiling agad ng pisikal na eksaminasyon mula sa isang babaeng health worker. Maaaring mapigilan mo ang pagbubuntis at mga impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP) at HIV sa pamamagitan ng gamot. Kung may posibilidad na buntis ka, tiyaking matalakay sa health worker ang LAHAT ng iyong mapagpipilian— pagpapalaglag, pagpapa-ampon, o pagtanggap mo ng sanggol.
- Kung mukhang ligtas na gawin, isumbong mo ang pag-atake. Dapat mag-imbestiga ang mga opisyal. Tandaan na hindi mo kailangang sagutin ang anumang tanong na ayaw mo, laluna yung tungkol sa nakaraan mong sekswal na karanasan.
- Makipag-usap tungkol sa dinaanan mo sa isang may kasanayang health worker. Makakatulong ito na makita mong hindi ka dapat sisihin sa atake, at maraming tao ang nakapangibabaw na sa ganitong karanasan. Kung walang mental health worker na makakausap, tingnan ang kabanata sa “Kalusugan ng Pag-iisip”.
- Sa ilang mga kultura, tinitingnan ang panggagahasa na pagpalya ng babae na pangalagaan ang kanyang pagka-birhen o ang dignidad ng kasal. Kung galit o nahihiya ang pamilya mo dahil sa nangyari, maaaring kailangan din nila ng pagpapayo o counseling.
- Kung kakayanin mo, baka gustuhin mong lumipat sa mas ligtas na lugar, yung malayo sa umatake sa iyo. Hilingin na sumama rin ang iyong mga pamilya’t kaibigan, kung gusto mo.