Hesperian Health Guides
Kung gagahasain ka
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 19: Panggagahasa at sekswal na pag-atake > Kung gagahasain ka
Imposibleng malaman ngayon pa lang kung paano tutugon ang isang babae kapag may nagtangkang manggahasa sa kanya. Napupuno ng poot ang ilang babae at nakakadama ng lakas na hindi nila akalaing meron sila. Ang iba naman ay parang hindi makagalaw. Kung mangyayari ito sa iyo, tandaan na gagawin mo ang kaya mong gawin.
Narito ang ilang mga ideya na maaaring makatulong sa iyo habang may nangyayaring sekswal na pag-atake :
- Huwag umiyak, magsumamo, o bumigay. Madalas ay hindi ito nakakatulong. Madalas, mas marami pa ang pinsala ng mga babaeng sumubok nito kaysa sa mga babaeng lumaban.
- Manatiling alerto. Matyagan nang mabuti ang rapist. Baka may mga pagkakataong hindi siya nakatingin sa iyo, o na nawawalan siya ng kontrol.
- Subukan ang iba’t ibang bagay. Sumipa, sumigaw, makipagtawaran, lokohin mo siya— gawin ang anumang maiisip mong magawa para matantya ng lalaki na hindi ka madaling biktimahin. Sikaping matanim sa isip niya na tao ka, hindi isang bagay.
Kung maraming tao ang nakahandang manggahasa sa iyo, o kung may sandata ang lalaki, maaari ka pa ring pumalag, pero madalas mas mainam na hindi lumaban sa pisikal na paraan.
- Kung kilala mo ang nanggagahasa, sabihan mo siya ng nararamdaman mo. Huwag hayaan ang paniniwala na gusto ng mga babae na magahasa. Ipamukha sa kanya kung ano’ng ginagawa niya sa iyo.
- Kung hindi mo kilala ang nanggagahasa, sikaping makabisa ang kanyang hitsura. Gaano siya kalaki? Mayroon ba siyang peklat, marka, o tato. Ano’ng klaseng damit ang suot niya? Sikaping tandaan ang mga ito para masabi mo sa pulis at mabigyan ng babala ang kababaihan sa iyong komunidad.
- Gamitin ang pinakamahusay mong pagtatantya. Ikaw lang ang makakapagpasya kung gaano kalakas lalaban. Sa ibang sitwasyon ng panggagahasa, halimbawa sa digmaan, maaaring walang dahilan na buhayin ka pa ng nanggagahasa kung lalaban ka.