Hesperian Health Guides
Klase ng panggagahasa at sekswal na pag-atake
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 19: Panggagahasa at sekswal na pag-atake > Klase ng panggagahasa at sekswal na pag-atake
Madalas mas nahihirapan ang babaeng humingi ng tulong kapag kilala niya ang lalaki. Mas mahirap din siyang makaramdam ng kaligtasan kung kailangan niyang makita ito muli.
Maraming ibaāt ibang uri ng sekswal na pag-atake. Pero ilan lang sa mga ito ang tinuturing ng maraming tao na panggagahasa. Halimbawa, minsan may sitwasyon sa buhay na nagtutulak sa babaeng makipagtalik kahit hindi naman niya gusto. Puwede itong mangyari sa mag-asawa. Tinatanim sa isip ng babaeng may asawa na tungkulin nila ang makipagtalik, gusto man nila o hindi. Kahit hindi pinaparusahan ng lipunan ang ganitong klase ng puwersahang pagtatalik, mali pa rin ito.
Para sa ibang babae, paraan para mabuhay ang pakikipagtalikā para makakuha ng suporta sa mga anak, para may matirahan o magkapera nang kaunti, o para manatili sa trabaho. Anuman ang dahilan, hindi dapat mapuwersa ang babaeng makipagtalik.
Sa anumang relasyon, puwedeng tanggapin o tanggihan ng babae ang isang sekswal na atensyon. Kung tatanggi siya, puwedeng mamili ang lalaki na igalang siya at tanggapin ang kanyang pasya, subukang baguhin ang kanyang isip, o puwersahin siya. Kahit kilala ng babae ang lalaki at nag-āooā siya, kung hindi naman talaga siya maka-āhindi,ā panggagahasa rin ito.
Anumang pagkakataon na mapuwersa ang babaeng makipagtalik, may kasabay man na iba pang karahasan o wala, makakapagdulot ito ng problema sa kanyang kalusugan at emosyon.
Panggagahasa ng taong kilala ng babae
Karamihan ng mga babaeng nagagahasa ay kilala ang lalaking gumahasa sa kanila. Kung kailangan pa ng babae na patuloy na makaugnay ang lalaki, mahihirapan siyang mapangibabawan ang nangyari at makapagsabi sa iba.
Panggagahasa ng asawa o dating asawa. Kung dahil sa batas o tradisyon, itinuturing ng lalaki na ari-arian niya ang asawang babae, maaaring isipin niyang may karapatan siyang makipagtalik kailanman niya magustuhan, kahit ayaw ng babae.
Puwedeng magahasa ang babae ng boyfriend niya. Maaaring sabihin ng boyfriend na may karapatan siyang makipagtalik dahil nakagasta na siya ng pera, dahil dati na silang nakapagtalik, dahil ānilandiā siya ng babae, o dahil inalok na niya ng kasal. Pero kung pinuwersa ang babae, panggagahasa pa rin ito. Maaaring mahirapan ang babaeng ilahad ang ganitong klase ng panggagahasa, dahil natatakot siyang sisisihin ng iba.
Sekswal na panggigipit o harassment. Maaaring puwersahing makipagtalik ang babae ng kanyang kasamahan sa trabaho, ng kanyang tagapamahala o amo para manatili sa trabaho. Puwedeng takutin siyang tatanggalin o paparusahan kung sasabihin niya sa iba.
Panggagahasa ang sekswal na paghipo sa bata. |
Sekswal na pang-aabuso sa mga bata. Maaaring magahasa ang batang babae o lalaki ng isang lalaki sa pamilya o sinumang nakatatanda. Kung magawa ng ama, amain, tiyo, kapatid na lalaki, pinsan o sinumang kapamilya na makipagtalik sa kanya ang bata, o mahawakan ang bata sa sekswal na paraan, panggagahasa ito. Mahalagang unawain na maaaring nalilito ang mga bata at hindi nila ganap na nauunawaan ang nangyayari sa kanila, laluna kung may tiwala sila sa taong nang-aabuso. Puwedeng hindi alam ng ibang miyembro ng pamilya ang abuso, o itanggi nila ang nangyayari, o sisihin ang bata. Hindi kailanman tama na sisihin ang taong nagahasa, pero mas lalo na kung siyaāy bata.
Panggagahasa ng taong di kilala
Ito ang klase ng panggagahasa na nasa isip ng karamihan kapag narinig ang katagang āpanggagahasa.ā Puwedeng dukutin ang babae mula sa lansangan, o atakehin sa bahay niya. Lubhang nakakatakot ang ganitong uri ng panggagahasa, pero mas bihira ito kaysa sa panggagahasa ng taong kilala ng babae.
Gang rape. Maaaring gahasain ang babae ng lampas sa isang lalaki. Minsan sinisimulan ng isa na gahasain ang babae, nakikita ng iba at sumasama. O minsan nagsasama-sama ang mga kabataan at batang lalaki at nanggagahasa para patunayan ang āpagkalalakiā sa isaāt isa.
Panggagahasa sa kulungan. Maraming babae ang nagagahasa ng pulis o guwardiya ng presuhan matapos maaresto. Karaniwan din ang panggagahasa sa pagitan ng mga lalaking preso para masukat kung sino ang mas makapangyarihan.
Kailangan ng ispesyal na pangangalaga ang mga dumanas ng panggagahasa sa panahon ng giyera. Kung mabuntis ang babae, maaaring magdusa siya at ang anak mula sa alaala na nagahasa siya ng mga kalaban ng bayan.
Isang anyo ng torture ang panggagahasa kapag ginamit sa digmaan. |
Giyera. Madalas ginagamit ng mga sundalo o mandirigma ang panggagahasa para sindakin ang mga babae at komunidad, at para hiyain ang mga tao. Maaaring gahasain ng grupo ng mga sundalo ang kababaihanā bataāt matandaāsa harap ng kanilang pamilya para ipakita ang kapangyarihan nila. Maaaring ikulong sa mga kampo ang kababaihan, at puwersahin sa prostitusyon o sekswal na pangaalipin para mabuhay, maligtas ang mga anak, o makakain.