Hesperian Health Guides

Mga uri ng karahasan

Sa kabanatang ito:

Maraming paraan ang sinusubukan ng kalalakihan para magka-poder laban sa kababaihan. Isa lang ang pambubugbog sa mga ito. Pero lahat ay nakakasakit sa babae.

Isipin mo na gulong ang bilog na ito. Kapangyarihan at kontrol ang nasa sentro dahil ito ang dahilan sa lahat ng mga aksyon. Bawat seksyon ng gulong ay isang asal na ginagamit ng marahas na lalaki para kontrolin ang babae. Karahasan ang nasa gilid—ang nagbibigkis sa lahat ng ito at nagbibigay ng lakas.

gulong na inilalarawan sa taas, na may 8 bahagi: Kontrol sa Pera, Sekswal na Abuso, Pagsisi sa Babae, Paggamit ng Anak, Dahil Siya “Ang Lalaki”, Pananakot, Paghiwalay sa Ibang Tao, Emosyonal na Abuso
  • Emosyonal na Abuso: Iniinsulto ng lalaki ang babae, minamaliit, o itinatanim sa isip niya na nawawalan siya ng bait.
  • Kontrol sa Pera: Sinisikap ng lalaki na hindi kumita ng sariling pera ang babae. Sa kanya pinapaasa sa kailangang pera. O pinipilit magtrabaho at kinukuha ang lahat ng kita.
  • Sekswal na Abuso: Pinapagawa ang babae ng mga sekswal na akto na labag sa kalooban, o sinasaktan ang mga sekswal na bahagi ng katawan. Tinatrato na parang kagamitan.
  • Pagsisi sa Babae: Pinapalabas ng lalaki na hindi nangyari ang pang-aabuso, na hindi ito seryoso, o na kasalanan ng babae.
  • Paggamit sa Anak: Ginagamit ng lalaki ang mga anak para mag-atubili ang babae, o para sarili ang sisihin, o para masaktan ito.
  • Dahil Siya “Ang Lalaki:” Ginagamit na katuwiran ang pagiging lalaki para alilain ang babae. Siya ang gumagawa ng lahat ng desisyon, at sinasabing walang karapatang tumutol ang babae.
  • Pananakot: Gumagamit ang lalaki ng tindig, kilos, tono ng boses o pananakot na nagbibigay sa babae ng pangamba na masasaktan siya.
  • Paghiwalay sa Ibang Tao: Kinokontrol ng lalaki ang lahat ng ginagawa ng babae—sino ang puwedeng makita at makausap at saan puwedeng pumunta


Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024