Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Para magkaroon ng pagbabago, dapat tigilan ang pag-iisip na ‘ganyan talaga’ o ‘ kasalanan ng babae’ ang karahasan. Eto ang ilang mga ideya para makatulong na mahinto ang karahasan sa inyong komunidad.

Pag-usapan

Mag-ingat! Sa ibang komunidad, maaaring mapanganib ang pagkilos laban sa karahasan.

Pag-uusap tungkol sa abuso ang unang hakbang para mabago ito. Subukang maghanap ng ibang mga babae na may parehong problema sa mga marahas at abusadong lalaki, at magpalitan ng ideya sa isa’t isa. Maghanap ng mga lalaking naniniwala na mali ang karahasan. Gawing paksa ng usapan ang karahasan. Gawin itong bagay na mali sa paningin ng tao.

Bumuo ng mga serbisyong tutulong sa mga babaeng umaalis

WWHND10 Ch18 Page 324-1.png
  • Magtatag ng shelter o bahay na kupkupan sa pinakamaagang kakayanin. Gawin itong tago at sekreto.
  • Kumuha ng suporta mula sa iba—laluna sa mas malalaki at malalakas na organisasyon. Halimbawa, tingnan kung may alyansa ng mga organisasyong pangkalusugan na makakatulong. Puwede ring makipag-usap sa mga ginagalang na tao sa komunidad na may tiwala kayo. Kumbinsehin ang pinakamaraming lalaki na puwedeng makilahok at makiisa sa inyo.
  • Tulungan ang kababaihan na matuto ng mga karapatan nila sa ilalim ng batas. Maaaring may mga ispesyal na batas tungkol sa pamilya at karahasan na magagamit nila.
  • Humanap ng paraan para mabigyan ng bagong kasanayan ang kababaihan, para may paraan ang mga naabusong babae na suportahan ang sarili.

Gumamit ng tulak panlipunan o social pressure

Ano’ng mga puwersa sa lugar ninyo ang tumutulak sa tao na huwag gawin ang bagay na mali sa tingin ng nakakarami? Sa ibang lugar, ito’y ang pulisya. Sa iba naman, maaaring militar, pamilya o relihiyon. Sa karamihan ng lugar, kumbinasyon ito ng mga nabanggit.

Himukin ang mga lider ng komunidad at ibang lalaki na magsalita kontra sa karahasan, at ipakita ang pag-ayaw sa mga lalaking nambubugbog ng asawa. Subukang magamit ang lahat ng puwersa na gumagana sa lugar ninyo para mapigilan ang karahasan ng lalaki sa babae.

Sa ibang mga bansa, nag-organisa ang kababaihan para magkaroon ng batas na nagpaparusa sa mga lalaking nang-aabuso sa asawa nila. Pero hindi palaging mabisa ang mga ito. Sa ibang lugar, ang mga taong dapat magpatupad ng batas—laluna ang mga pulis, abugado at husgado—ay hindi maasahan na tutulong. Pero kung gumagana pareho ang sistemang legal at pulisya sa inyong lugar para protektahan ang kababaihan, sikaping matuto nang husto tungkol sa mga batas at karapatan ng kababaihan.

nakangiti na batang babae at lalaki na nagpapatuyo ng mga pinggan habang naghuhugas ang nakangiting babae

Hubugin ang mga anak sa pamumuhay na hindi marahas. Puwede kang magsimula ng pagbabago sa tahanan—tulungan ang mga anak na maghanap ng mapayapang paraan sa paglutas ng problema. Turuan ang mga batang lalaki na irespeto ang sarili at irespeto ang mga babae.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017