Hesperian Health Guides

Bakit nananakit ng babae ang lalaki?

Sa kabanatang ito:

Maaaring maipaliwanag ng mga dahilang ito kung bakit inaabuso ng lalaki ang asawa niya, pero hindi ito nagbibigay sa kanya ng karapatan na gawin iyon.

Baka magsabi ng maraming dahilan ang lalaki sa pananakit niya— lasing siya, nawalan ng kontrol, o na ‘dapat lang’ ang nangyari. Pero pinipili ng lalaki ang karahasan dahil paraan ito para makuha niya ang gusto, o ang inaakala niyang karapat-dapat sa kanya bilang lalaki.

Kapag hindi madama ng lalaki na hawak niya ang kanyang buhay, maaaring gumamit siya ng karahasan para subukang kontrolin ang buhay ng iba. Natural lang na naising makontrol ang sariling buhay sa normal na paraan, pero mali na subukang kontrolin ang buhay ng iba, laluna sa pamamagitan ng karahasan. Narito ang ilang dahilan kung bakit nananakit ng babae ang ilang mga lalaki:

Madalas mangyari ang mga marahas o mapangabusong relasyon kung mas malakas ang kapangyarihan ng isang tao sa iba

  1. Mabisa ang karahasan.
    • Natatapos agad ng lalaki ang pagtatalo na hindi kailangang pagusapan ang totoong problema o maghanap ng totoong solusyon.
    • Puwedeng nakakapasigla sa lalaki ang away, mataas ang enerhiya niya pagkatapos, at gusto niyang maulit ang pakiramdam na ito.
    • Kung mandadahas ang lalaki, ‘nananalo’ siya at natutupad ang gusto. Malamang magpaubaya na lang sa susunod ang babae para hindi masaktan, at lumalakas lalo ang poder ng lalaki.

  2. Mali ang pananaw ng lalaki sa ‘pagiging lalaki.’
    • Kung naniniwala siya na para maging lalaki, dapat makontrol ang kilos ng babae, maiisip niyang okey lang na saktan ito.
    • May ilang naniniwala na ‘karapatan’ nila ng ilang mga bagay— ‘mabuting’ asawa, mga anak na lalaki, paggawa ng lahat ng desisyon sa pamilya—dahil lang sa sila ang lalaki.

  3. Sa tingin ng lalaki, kanya ang babae, o kailangan niya ito.
    • Kung ‘malakas’ ang babae, maaaring mangamba ang lalaki na mawala sa kanya ito, o na hindi na siya kailanganin. Gagawa siya ng paraan para umasa na lang sa kanya ang babae.
    lalaking nag-aalok ng batang babae sa nakatatandang lalaki
    Kung sa isip ng mga lalaki ay ari-arian nila ang mga babae, mas malamang isipin din nila na karapatan nilang tratuhin ang mga ito sa anumang paraang gusto nila.


  4. Wala na siyang ibang alam na asal o paraan ng pagkilos.
    • Kung nakita ng lalaki ang kanyang tatay o ibang tao sa kanyang buhay na gumagamit ng dahas kapag mahirap o may tensyon ang buhay, maaaring wala na siyang natutuhang ibang paraan ng pag-asal.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017