Hesperian Health Guides
Mga babala na palatandaan
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 18: Karahasan laban sa kababaihan > Mga babala na palatandaan
Bale-wala kung gaano mo kamahal ang isang tao. Hindi siya mababago ng pagmamahal. Siya lang ang puwedeng magpasya na baguhin ang sarili.
Kapag naging marahas ang relasyong mapang-abuso, lalong mas mahirap umalis. Habang mas matagal na nakikisama ang babae, mas lumalakas ang kontrol ng lalaki sa kanya, at mas lumiliit ang tiwala niya sa sarili. May mga lalaking mas malamang maging marahas kaysa sa iba. May ilang palatandaan na maaaring magbabala na magiging marahas ang lalaki. Kung nakikita mo ang mga ito, at may paraan ka para kumalas sa relasyon, mag-isip nang maige.
Tanungin mo ang sarili mo nito:
- Nagseselos ba siya kapag nakipagkita ka sa ibang tao, o inaakusahan kang sinungaling? Kung mapansin mong binabago mo ang kilos mo para lang hindi siya magselos, nakokontrol ka na niya.
- Sinusubukan ba niyang ilayo ka sa mga kaibigan at pamilya, o sa paggawa ng mga bagay nang nagsasarili? Hindi mahalaga kung ano man ang idahilan niya. Hinihiwalay ka sa makakasuporta sa iyo. Mas madali kang maaabuso kung wala kang ibang mapupuntahan
- Iniinsulto ka ba o ginagawang katawatawa sa harap ng ibang tao? Baka magsimula kang maniwala sa sinasabi niya. Dahil dito, baka maisip mo na tama lang ang masamang pagtrato sa iyo.
- Ano ang ginagawa niya kapag nagagalit? Nagbabasag o nagtatapon ba siya ng mga gamit? Napagbuhatan ka na ba niya ng kamay, o tinakot na sasaktan? May ibang babae na ba siyang nasaktan? Pinapakita ng lahat ng ito na may problema siyang kontrolin ang sarili.
- Naiinsulto ba siya ng mga taong may awtoridad, tulad ng kanyang guro, boss o tatay? Maaaring sa pakiramdam niya’y wala siyang kapangyarihan. Dahil dito, baka subukan niyang mangibabaw sa ibang tao sa ibang larangan ng buhay niya, sa paggamit ng dahas.
napalabas ba niyang alkohol, dro
- Pinapalabas ba niyang alkohol, droga o tensyon ang dahilan ng mga ginagawa niya? Kung iba ang sinisisi niya, maaari magpaasa siya na magbabago ang lahat kung magkaroon siya ng bagong trabaho, makalipat sa ibang bayan, o makatigil sa paggamit ng droga o alkohol.
- Ikaw ba o ibang tao ang sinisisi niya sa kanyang mga ginagawa, o tinatanggi na may mali siyang ginagawa? Mas malamang hindi siya magbago kung sa tingin niya ay ikaw ang may kasalanan.