Hesperian Health Guides
Mapamin salang epekto ng karahasan
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 18: Karahasan laban sa kababaihan > Mapamin salang epekto ng karahasan
Kababaihan
Ang karahasan ay nakakapagdulot sa mga babae ng:
- kakulangan ng sigla o pagpapahalaga sa sarili.
- problema sa kalusugan ng pag-iisip, tulad ng pagkabalisa, at problema sa pagkain at pagtulog. Para umangkop sa karahasan, baka simulan ng babae ang mga mapaminsala o walang-ingat na asal—tulad ng pagdodroga, paglalasing o pakikipagtalik sa marami
- matinding sakit at pinsala: baling buto, paso, black-eye, sugat at pasa, pananakit ng ulo, tiyan o kalamannan na maaring magtuloytuloy ng ilang taon pagkatapos ng pang-aabuso
- problema sa sekswal na kalusugan. Maraming babae ang nakukunan dahil binubugbog habang buntis. Maaari rin silang dumanas ng di gustong pagbubuntis, mga impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP) o HIV/AIDS dulot ng sekswal na abuso. Madalas tumutungo ang sekswal na abuso sa takot na makipagtalik, masakit na pakikipagtalik, at kawalan ng sekswal na pagnanasa.
- kamatayan.
Mga Bata
Kapag inaabuso sa bahay ang babae, natatanim sa isip ng mga bata na ganito dapat tratuhin ang kababaihan. |
Kapag nakikita ng mga bata na inaabuso ang nanay nila, madalas nakakapagdulot ito ng:
- galit o agresibong asal—na kumokopya sa karahasan. O maaaring sobrang tahimik sila at nasa tabi lang palagi para hindi mapansin.
- masamang panaginip at iba pang mga takot. Madalas hindi kumakain nang mabuti, at mas mabagal ang paglaki at pagkatuto ng mga bata sa pamilyang may karahasan, kumpara sa ibang mga bata. Mas marami rin silang sakit, tulad ng sakit sa tiyan, sakit sa ulo, at hika.
- pinsala at kamatayan kung sa kanila mabaling ang karahasan.
Komunidad
Sa komunidad, puwedeng magdulot ang karahasan ng:
- siklo ng karahasan na magtutuloy sa susunod na mga henerasyon.
- pagpapatuloy ng maling pananaw na likas na mas magaling ang kalalakihan kaysa kabababihan.
- paghina ng kalidad ng buhay ng lahat, dahil nababawasan ang paglahok ng kababaihan sa buhay ng komunidad kapag pinapatahimik o pinapatay ng karahasan.
Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017