Hesperian Health Guides

Ano’ng gagawin

Sa kabanatang ito:

Gumawa ng planong pangkaligtasan

Pag-isipan ang mga bagay na ito kahit na sa palagay mo, hindi na mauulit ang karahasan.

Walang kontrol ang babae sa karahasan ng kanyang partner, pero makakapili siya kung paano tutugon. Puwede ring magplano siya kung paano magiging ligtas ang sarili at mga anak hanggang sa huminto ang karahasan.

Kaligtasan bago maulit ang karahasan

  • Magsabi sa kapitbahay. Makiusap na puntahan ka o humingi ng tulong kung marinig na nasa alanganin ka. Baka may kapitbahay, lalaking kamag-anak o grupo ng babae o lalaki na makakapunta bago ka masaktan nang malubha.
inaalo ng babaeng may sanggol ang isa pang babae na umiiyak
Maghanap ng taong mapagkakatiwalaan mo na makakatulong ayusin at timbangin ang mga nadadama mo at pag-isipan ang mga puwedeng gawin.
  • Mag-isip ng ispesyal na kataga o senyales na magsasabi sa iyong anak o ibang kapamilya na humingi ng tulong.
  • Turuan ang mga anak mo ng pagpunta sa isang ligtas na lugar.

Kaligtasan habang may karahasan

  • Kung natatantya mong magiging marahas siya, sikaping mangyari ito sa lugar na walang sandata o bagay na makakasakit sa iyo, at kung saan puwede kang makatakas o makalayo.
  • Gamitin ang pinakamahusay mong pagtaya ng sitwasyon. Gawin ang anumang kailangan para mapakalma siya at manatiling ligtas.
  • Kung kailangang lumayo ka, pag-isipan kung paano ka tatakas. Saang lugar pinakaligtas pumunta?

Kaligtasan kung naghahanda nang umalis ang babae

babaeng naggagantsilyo
Mayroon ka bang kasanayang magagamit para kumita ng ekstra?
  • Mag-impok ng pera sa kahit papaanong paraan. Ilagay ang pera sa ligtas na lugar (malayo sa bahay) o magbukas ng sariling deposito sa bangko para mas kaya mong tumayo sa sarili.
  • Kung kayang gawin nang ligtas, mag-isip kung paano bawasan ang pag-asa sa kanya, tulad ng pakikipagkaibigan, pagsali sa isang grupo, o pagsama ng mas madalas sa iyong pamilya
  • Alamin kung may ‘shelter’ o iba pang serbisyo para sa mga babaeng inabuso. Mga ispesyal na tirahan ito kung saan makakatuloy nang pansamantala ang mga inaabusong babae at anak nila. Sikaping malaman bago ka umalis kung may mapupuntahan ka.
  • Makiusap sa piling kaibigan o kamag-anak kung makukupkop ka o mapapahiram ng pera. Tiyaking hindi sila magsasabi sa asawa mo.
  • Kumuha ng kopya ng mahahalagang dokumento, tulad ng iyong ID o record sa bakuna ng iyong anak. Mag-iwan ng kopya sa bahay at magpatago ng kopya sa isang taong pinagkakatiwalaan mo.
  • Mag-iwan ng pera, kopya ng mga dokumento, at ekstrang damit sa isang taong pinagkakatiwalaan mo para mabilis kang makakaalis.
  • Kung magagawa nang ligtas, mag-ensayo ng plano sa pagtakas kasama ang mga anak mo, at tingnan kung uubra ito. Tiyaking hindi magsasabi kahit kanino ang mga anak mo.

Kung aalis ka

babaeng nagsasalita
Gusto kong iwan ang asawa ko, pero wala akong sariling pera. Kaya pinatulong ako ng tiya ko na magbenta sa palengke. Kumita rin ako mula sa pag-aalaga sa anak ng ibang tao. Pagkatapos ng 2 taon, nakapag-ipon na ako. Kaya isang araw, kinuha ko ang mga bata at umalis. Minsan mahirap mabuhay sa perang kinikita ko, pero hindi kasinghirap sa buhay na palaging binubugbog.

Kung magpapasya kang aalis, kailangan maging handa ka sa ilang mga bagong problema na haharapin mo:


Kaligtasan. Pinakadelikadong panahon para sa babae ang pagkatapos niyang umalis. Nawalan ng kontrol ang lalaki at madalas gagawa ito ng anumang bagay para maibalik iyon. Posibleng totohanin niya ang banta na pumatay. Dapat tiyakin ng babaeng nasa ligtas na lugar siya na hindi alam ng lalaki, o protektado ang tinutuluyan niya. Hindi niya ito dapat ipaalam kahit kanino—baka mapuwersa ng lalaki na magtapat kung nasaan siya.

Pag-asa sa sarili para mabuhay. Kailangan mong humanap ng paraan para masuportahan ang iyong sarili at mga anak mo. Kung puwede kang makitira sa iyong kaibigan o kamag-anak, gamitin mo ang panahong iyan para makakuha ng dagdag na edukasyon o matuto ng bagong hanapbuhay. Para makatipid, baka puwede kang makibahagi ng tirahan sa isang babae na naabuso rin.

Pakiramdam o emosyon. Maraming gagawin para magpundar ng bagong buhay, at baka madama mo na sobrang laki nito. Baka matakot ka at malungkot dahil hindi ka sanay na mag-isa sa bagong lugar. Baka hahanap-hanapin mo ang iyong partner—anupaman ang nagawa niya sa iyo. Kapag sobrang hirap ang bagong buhay, baka malimutan mo kung gaano kasama ang iniwan mo. Bigyan mo ng panahon ang sarili na malungkot sa pagkawala ng iyong partner at dating buhay. Sikaping magpakatatag. Tingnan kung may makikita kang ibang babae na pareho mo ang sitwasyon. Puwede ninyong suportahan ang isa’t isa.

Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017