Hesperian Health Guides

Paano maiwasan ang panggagahasa

Sa kabanatang ito:

Walang tama o maling paraan ng pagkilos para maiwasan ang panggagahasa. Pero may mga bagay na magagawa ang babae para mabawasan ang panganib niya mula sa ilang klase ng panggagagasa. Nakabatay ang magagawa ng babae sa kung gaano niya kakilala ang lalaki; gaano kalakas ang takot niya; at gaano kalaki ang panganib na kaharap niya. Tandaan, kung magahasa ang babae, hindi ito dahil pumalya siya sa pag-iwas. Na-rape siya dahil ginamitan siya ng puwersa ng mas malakas sa kanya.

Maaring makatulong ang mga ito sa pag-iwas sa panggagahasa

tatlong babae na magkakatabing nakaupo habang nagtatrabaho sa labas
Protektahan ang sarili.

Magtrabaho kasama ang iba.

  • Magtrabaho kasama ang ibang babae, para mas ligtas at mas malakas.
  • Huwag papasukin sa bahay ng sinumang nagpapakaba sa iyo. Kung nag-iisa ka, huwag ipaalam sa kanya.
  • Sikaping huwag maglakad nang nag-iisa, laluna sa gabi. Kung kailangang gawin, lumakad nang taas noo na parang may kumpiyansa ka. Karamihan ng rapist ay naghahanap ng babaeng mukhang madaling atakehin.
  • Kung sa palagay mo ay sinusundan ka, subukang maglakad sa ibang direksyon, o lumapit sa ibang tao, bahay o tindahan. O harapin mo siya at malakas na tanungin kung ano’ng kailangan niya.
Dagdag na impormasyon
pagtatanggol sa sarili
  • Magdala ng malakas na pang-ingay, tulad ng silbato. Magdala din ng pangdepensa sa sarili. Puwedeng kahoy o baston na pamalo, bagay na mai-spray sa mata niya, o kahit mahapding pulbos—tulad ng paminta o chili powder—na puwede mong hipan sa mata.
  • Kung inaatake ka, sumigaw nang pinakamalakas na kaya mo o gamitin ang silbato. Kung hindi ito umubra, saktan mo siya nang mabilis para makatakas ka.

Pag-iwas sa panggagahasa ng taong kilala mo

Matutong magtiwala sa pakiramdam mo. Karamihan ng babae ay tinuturuan mula pagkabata na dapat palaging magalang at hindi nakakasakit sa iba. Kaya kung may ginawa ang iba na hindi na komportable sa kanya, madalas hirap ang babae na kumilos batay sa nararamdaman niya. Pero mag-ingat kung:

  • may bumabagabag sa iyo na parang may hindi tama.
  • natatakot ka, o parang gusto mo nang umalis.
  • hindi ka na komportable sa mga sinasabi o minumungkahi ng tao.
  • hindi mo nagugustuhan ang pisikal na kontak o pagdikit na ginagawa niya.
nag-iisip ang kabataang babae habang hawak ang braso niya ng kabataang lalaki
Ayaw kong magmukhang tanga na tatakbuhan ko siya... Mukhang wala lang naman ito.
Magtiwala sa iyong nararamdaman. Mas maige na lang na sumama ang loob niya kung mali ka, kaysa magahasa ka.

Maaaring mahirap umaksyon sa mga pakiramdam na ito dahil takot ka sa iisipin ng ibang tao. Dagdag pa, kung kilala o may pagtangi ka sa taong kasangkot, baka ayaw mong aminin na makakagawa siya ng kasamaan sa iyo. Pero pinakamabuti palagi na magtiwala sa pakiramdam mo at umalis sa isang sitwasyong hindi ka komportable bago pa may masamang mangyari.

Maghanda sa pag-alis:

  • Umiwas sumama nang mag-isa sa isang taong hindi komportable ang pakiramdam mo, o hindi mo gaanong kilala.
  • Dapat palagi kang may paraan na makauwi kung magpasya kang aalis. Mas mabuting huwag sumama sa isang lugar na hindi mo kayang umuwi nang walang tulong mula sa sinamahan mong tao.
  • Sabihan siya na hindi ka komportable sa mga pananalita o paghawak niya. Kung hindi niya ito babaguhin, lumayo sa pinakamaagang panahon.
Kung mayroon siyang kapangyarihan sa iyo (halimbawa, kung siya’y iyong amo, doktor, guro, o isa siyang opisyal):

Kung hindi makontrol ng lalaki ang babae sa pamamagitan ng sekswal na karahasan, maaaring subukan niyang makakuha ng kontrol sa ibang paraan. Maging mapagmatyag dito.

  • Sa una pa lang na may gawin siyang bagay na hindi ka komportable, sabihan mo siyang huminto. Kung sinusubukan niyang samantalahin ang kanyang poder, maghahanap siya ng madaling takutin. Ipaalam mo sa kanya na hindi ka natatakot. Mas malamang hindi ka niya tatratuhin nang masama (halimbawa’y patatalsikin ka, hindi gagamutin, o aayaw sa hinihiling mo) kung mapapahinto mo bago pa siya makagawa ng bagay na puwede siyang mapahiya.
  • Kausapin ang ibang mga babae. Malamang hindi lang ikaw ang ginipit niya. Kung kailangan mo pang makipag-ugnayan sa kanya, sikaping magsama ng kaibigan para hindi mo siya makasama nang mag-isa. Balaan ang ibang babae na mag-ingat.

Tulunganang mga bata na makaiwas sa sekswal na pang-aabuso

Minsan nagtutuloy-tuloy nang ilang taon ang sekswal na pang-aabuso sa mga bata. Maaaring takutin ang batang babae na may masamang mangyayari sa kanya, o papatayin siya kung may pagsasabihan.

  • Turuan ang mga bata sa posibilidad na maaari silang hawakan sa sekswal na paraan, at kung paano pag-ibahin ang paghipo na nagpapadama ng pagmamahal, at paghipo na sekswal.
  • Kung maaari, paghiwalayin sa pagtulog ang mga batang babae at lalaki, laluna pagkalampas ng edad 10 o 11.
  • Tiyakin na alam ng mga bata kung sino ang puwede nilang kausapin kung may mangyayari sa kanila.
  • Maniwala sa batang nagsasabi na hindi siya komportableng kasama ang isang nakatatanda o batang mas matanda sa kanya—kahit sino pa ang tao na iyon.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017