Hesperian Health Guides

Ano ang gagawin kung nagahasa ka

Sa kabanatang ito:

Magkakaiba ang karanasan ng bawat babae sa panggagahasa. Pero may ilang bagay na dapat mong gawing para tulungan ang sarili na pangibabawan ito. Una, itanong mo sa sarili ang mga ito:

  • Sino ang puwede mong hingan ng tulong?
  • Gusto mo bang magsumbong sa pulis?
  • Saan ka makakapunta para sa medikal na pangangalaga?
  • Gusto mo bang subukan na maparusahan ang nanggahasa?
Huwag sisihin ang sarili. Hindi mo ginustong magahasa. Wala kang ginawa na nagbigay ng karapatan sa lalaki na puwersahin kang makipagtalik.


Kailangan mo ng kasama para hingahan ng lungkot, sakit, takot o galit; para alalayan ka sa medikal na pangangalaga; at para tulungan kang magpasya kung ano ang gagawin. Pumili ng taong matatag, maaasahan, may malasakit sa iyo, at pinagkakatiwalaan mong hindi magsasabi sa iba. Minsan masyadong masama ang loob ng asawa o mga magulang kaya hindi rin sila makabigay ng sapat na suporta.

Kung may kilala ka na nagahasa

  • Ipanatag ang kalooban niya na hindi niya ito kasalanan.
  • Alalayan siya. Pakinggan ang kanyang hinaing, tulungan siyang magpasya kung ano’ng kailangan niya, at tiyakin sa kanya na kaya niyang ipagpatuloy ang buhay.
  • Igalang ang kanyang kahilingan na mapag-isa at matiyak ang kaligtasan. Huwag sabihin kahit kanino, maliban kung gusto niyang ipasabi.
  • Samahan siya sa pagpunta sa health worker; sa pagbibigay ng pahayag sa pulis; sa pakikipag-usap sa taong may kasanayang makinig at sumuporta sa kanya; sa pakikipagkita sa abugado; at sa pagpunta sa korte kung gusto niyang gawin ang mga ito.
  • Huwag ipagtanggol ang nanggahasa kung kilala mo. Panganib siya sa lahat ng babae sa komunidad.
hinihimas ang likod at kinakausap ng babae ang isa pang babae na mukhang malungkot
Naniniwala ako sa iyo. Hindi mo ‘yon kasalanan. Tutulungan kita.


Kailangang gawin nang maingat ang desisyon na gamitin ang batas.

Kung walang health worker, makakatulong ang impormasyon para mapigilan at malunasan ang ilan sa mga problema.

Dagdag na impormasyon
pang-emerhensyang kontrasepsyon
  • May sasama ba sa iyo na makipag-usap sa pulis?
  • Nakatulong na ba ang batas sa ibang babae na nagahasa sa inyong komunidad?
  • Gusto mo bang manatiling pribado ang panggagahasa? Kaya ba ng pulis na magtago ng pribadong impormasyon?
  • Tinakot ka ba ng nanggahasa ng dagdag na kapahamakan kung magsusumbong ka?
  • Kung mahuli ang nanggahasa at mapatunayan ang krimen, paano siya parurusahan?


Kung iniisip mong iulat ang panggagahasa sa pulis, gawin mo ito sa pinakamaagang panahon. Huwag maghugas bago pumunta, at dalhin sa isang bag ang suot mo nang magahasa ka. Makakatulong ang mga ito na mapatunayan mong nagahasa ka. Magsama ng kaibigan, at hilingin na babaeng health worker, kung maaari, ang mag-eksamin sa iyo.

Kung hindi mo gustong pumunta sa pulis, o kung matatagalan ka bago makapunta, kailangan mong magpatingin sa isang health worker—kahit hindi ka masyadong nasaktan. Sabihin mo sa health worker na nagahasa ka. Dapat suriin ka niya para sa mga sugat o punit, at bigyan ng ilang gamot para mapigilan ang pagbubuntis at mga impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP). Hilingin na isulat ang lahat ng matuklasan niya dahil makakatulong itong patunayan sa pulis o sa ibang taga-komunidad na nagahasa ka. Hilingin na isulat ang lahat ng matuklasan niya dahil makakatulong itong patunayan sa pulis o sa ibang taga-komunidad na nagahasa ka.

Kung papunta ka sa pulisya

babaeng pulis na nakikipagpulong sa dalawang babae sa loob ng opisina
Sa ilang bansa, nakipagtulungan sa pulis ang kababaihan para magkaroon ng mga babaeng pulis na may ispesyal na pagsasanay para tumulong sa mga biktima ng panggagahasa at karahasan.

Palaging magdala ng kasama kung pupunta sa pulisya.

Sa karamihan ng mga lugar, isang krimen ang panggagahasa. Pero maaring napakatagal at napakahirap patunayan na nagahasa ka.

Tatanungin ng pulis kung ano ang nangyari. Kung kilala mo ang nanggahasa, sabihin kung sino. Kung hindi mo kilala, kailangan mong ilarawan siya. Baka kailangan mong sumama sa pulis para sikaping makita siya. Maaaring ipa-eksaminasyong medikal ka sa isang medikolegal na doktor na katrabaho ng pulisya. Hindi ito eksaminasyon para lunasan ka. Ito’y para makatulong patunayan na nagahasa ka.

Kung maaresto ang nanggahasa, kailangang matukoy mo siya sa harap ng pulis o ng husgado sa korte. Kung may paglilitis, sikaping maghanap ng abugado na may nahawakan nang mga kaso ng panggagahasa. Sasabihan ka ng abugado kung ano’ng aasahang mangyari, at tutulungan kang maghanda para sa paglilitis. Palaging magdala ng kasamahan mo.

Hindi madali ang pagpunta sa korte dahil sa panggagahasa. Sa pagkukuwento kung ano’ng nangyari, baka maramdaman mo na parang ginagahasa ka muli. Hindi magiging mapang-unawa lahat. Susubukan ng ilan na sisihin ka o sabihing nagsisinungaling ka.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017