Hesperian Health Guides

Sekswal na panggigipit o harassment

Sa kabanatang ito:

Ang sekswal na panggigipit o harassment ay hindi gustong sekswal na atensyon mula sa amo, tagapamahala o sinumang lalaki na may kapangyarihan sa babae. Kasama rito ang mga salitang sekswal na gumagambala sa babae, paghawak sa paraang sekswal, o pagpilit na makipagtalik. Nasa panganib nito ang lahat ng babae. Walang pinipiling lugar—nagtatrabaho man siya para sa pamilya sa kanayunan o sa isang pabrika sa kalunsuran.

Maraming mga dahilan kung bakit mahirap para sa babae na humindi sa sekswal na panggigipit:

  • Maaaring takot siyang mawalan ng trabaho na kailangan niya para suportahan ang sarili at pamilya.
lalaking nasa likod at nakahawak sa babae habang nagpapatakbo siya ng makinang panahi
  • Maaaring pinalaki siya na sundin at respetuhin ang gusto ng nakatatandang lalaki at mga lalaking nasa kapangyarihan
  • Maaaring kamag-anak ang lalaki, at baka natatakot siya na kung hihindi o magrereklamo, magmumukhang masama ang lalaki.

Pero anuman ang sitwasyon ng babae, mali ang sekswal na panggigipit. Labag din ito sa batas sa maraming bansa. Kung makaranas ka nito, sikaping may mapagsabihan at mahingan ng suporta. Puwede mo ring ibahagi sa ibang babae ang naranasan mo. Hindi mo man kayang mapahinto, puwede kang makatulong sa iba na umiwas sa pagbabahagi mo ng kuwento.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017