Hesperian Health Guides
Kabanata 26: Trabaho
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 26: Trabaho
Kapag nagtatrabaho ang babae para manatiling malinis at may pagkain ang pamilya, at para kumita ng pangsuporta sa kanila, dalawang gawain ang kanyang pinapasan.
Halos lahat ng babae ay gumugugol sa pinakamalaking bahagi ng buhay nila sa pagtatrabaho. Sila’y nagsasaka, naghahanda ng pagkain, naghahakot ng panggatong at tubig, naglilinis at nag-aalaga sa mga anak at iba pang kapamilya. Madami rin ang nagtatrabaho para may pera na pangsuporta sa pamilya. Pero hindi napapansin ang karamihan sa trabaho ng kababaihan, dahil hindi ito tinuturing na kasinghalaga ng trabaho ng kalalakihan.
Nagdudulot ng problema sa kalusugan ang mga trabaho ng kababaihan at kalagayan ng pagtatrabaho nila—na madalas ay hindi rin napapansin. Nilalarawan sa kabanatang ito ang ilan sa mga naturang problema, mga sanhi, at mga paraan para lunasan. Pero hangga’t hindi nababago ang kalagayan sa pagtatrabaho, hindi talaga malulutas ang mga problema. Kailangan sama-samang kumilos ang mga babae para mapatupad ang mga pagbabago.