Hesperian Health Guides

Pagbubuhat at pagdadala ng mabibigat na bagay

Sa kabanatang ito:

Mga problema sa kalusugan

babaeng may nakapatong na batya ng tubig sa ulo, may bitbit na basket sa kamay, at may sanggol na daladala sa likod Kahit saan, nakakaranas ng problema sa likod at leeg ang kababaihan, madalas dahil sa pagbubuhat ng mabigat na bagay sa araw-araw na trabaho. Puwedeng magdulot ng malubhang pagpuwersa sa katawan (strain) ang pagbubuhat ng tubig, kahoy at malaking bata sa malayong distansya.

Ang mga batang babaeng nagbubuhat ng maraming mabibigat na bagay—laluna ng tubig— ay nagkakaproblema sa likod at gulugod. Nagiging masama rin ang pagtubo ng kanilang buto sa balakang, na maaaring tumungo sa mapanganib na pagbubuntis sa hinaharap.

Dahil sa pagbubuhat ng mabigat, maaaring makunan nang mas madalas ang kabataang babae, at magkaroon ng buwa (prolapsed uterus) ang mga nakatatanda at yung kapapanganak lang.

Pag-iwas:

Ligtas na pagpulot at pagbuhat:

Mas madaling iwasan ang mga problema sa likod kaysa gamutin ito. Hangga’t maaari, mga paa’t binti mo ang pagtrabahuhin— huwag ang likod.

  • Gamitin ang kalamnan ng paa at binti—hindi ng likod—kapag may pupulutin at bubuhatin. Kapag may bubuhating bagay o bata mula sa lupa, lumuhod para pulutin sa halip na ibaluktot ang katawan.
babaeng nakaluhod ang isang paa habang binubuhta ang maliit na bata babaeng tumatayo hawak ang bata
  • Panatilihing tuwid ang likod, balikat at leeg sa abot nang makakaya.
  • Huwag magbuhat o magdala ng mabigat na bagay kapag buntis o kapapanganak.
  • Magpatulong sa pagbubuhat ng mabigat na bagay. Mukhang mas mabilis na ikaw na lang ang gumawa. Pero sa kalaunan, baka mas maubos ang panahon mo dahil sa mga pinsala sa likod.

Ligtas na pagdala at pagkarga:

babaeng naglalakad na may bigkis ng panggatong na kahoy na kinakarga sa likod
  • Kargahin ang bagay nang malapit sa iyong katawan.
  • Kung maaari, kargahin ang bagay sa likod sa halip na sa gilid ng katawan, para hindi solohin ng mga kalamnan sa isang panig ng katawan ang lahat ng trabaho. Dagdag pa, nasosobrahan ng pilipit ang gulugod kapag nagdadala ng bagay sa iisang gilid. Magdudulot ito ng pagpuwersa (strain) sa likod.
  • Kung kinakailangan mong magdala ng bagay sa isang balikat o kamay, madalas pagpalitin ng panig, para patas ang trabaho ng kalamnan sa magkabilang bahagi ng likod, at patas din ang pagpilipit ng gulugod. O kaya’y hatiin ang dinadala at kargahin sa magkabilang gilid.
  • Iwasang magkarga ng bagay na nakabigkis (strap) sa ulo. Mapupuwersa (strain) ang kalamnan sa leeg.
Kung mayroon ka nang mga problema sa likod:
WWHND10 Ch26 Page 399-2.png
  • Matulog sa iyong likod na may unan o nakarolyong tela sa ilalim ng iyong mga tuhod. O kaya’y matulog na nakatagilid na may nakarolyong tela sa iyong likod at isa pa sa pagitan ng iyong mga tuhod, para manatiling tuwid ang iyong katawan at masuportahan ang gulugod.
  • Araw-araw na gawin ang mga ehersisyo sa susunod na pahina para mapalakas ang mga kalamnan sa iyong likod at puson. Tumigil kung may anumang ehersisyo na nagdudulot ng pananakit.
  • Sa araw, sikaping nakatuwid hangga’t maaari ang iyong likod. Huwag sumadlak o yumukyok na paharap.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017