Hesperian Health Guides
Trabaho kaugnay ng tubig
Madalas kababaihan ang naghahanap at nagdadala ng lahat ng tubig para sa pamilya. Kababaihan din ang gumagawa ng karamihan sa paglalaba at paglilinis, at madalas siyang nagpapaligo sa mga anak. Lahat ng trabahong ito’y mahalaga para sa kalusugan ng babae at ng pamilya niya. Kaya lang, sanhi din ng mga problema sa kalusugan ang mga trabahong ito.
Problema sa kalusugan mula sa trabaho sa tubig:
- Ang mga babae na mahabang panahong nakadikit sa kontaminadong tubig ay nakalantad sa mga parasitiko at mikrobyo na nasa loob at paligid ng tubig. Mas malamang na maimpeksyon sila ng schistosomiasis, guinea worm, mikrobyong sanhi ng river blindness at cholera, at iba pang sakit mula sa parasitiko.
- Ang mga babaeng nasa ilog sa ibaba ng mga pagawaan o malaking sakahan ay maaaring nakalantad sa mga kemikal na nasa tubig. Sanhi ng maraming problema sa kalusugan ang mga kemikal. Para sa dagdag na impormasyon, tingnan ang susunod na pahina.
- Tubig ang isa sa pinakamabigat na binubuhat ng kababaihan, kaya sanhi ng problema sa likod at leeg at iba pang problema sa kalusugan ang pagkolekta at pagkarga nito. Tingnan "Pagbubuhat at pagdadala ng mabibigat na bagay".
Pag-iwas:
Para sa impormasyon kung paano lunasan ang mga impeksyong ito, tingnan ang Where There Is No Doctor.
Kung nakatira ka sa may ilog sa ibaba ng pagawaan na nagtatapon ng kemikal sa tubig, sikaping ma-organisa ang komunidad para ipaglaban ang mas maayos na kondisyon. Isang halimbawa ng karanasan ng komunidad ang nasa "Louise Waithira Nganga".
Tumutulong ang malinis na tubig para manatiling malusog ang lahat. Sa buong mundo, kumikilos nang sama-sama ang mga tao para mapahusay ang kalusugan sa pamamagitan ng mga proyektong patubig sa komunidad. Pero madalas hindi kasali ang kababaihan sa mga pulong at desisyon, halimbawa kung saan ilalagay ang mga gripo o bomba para sa komunidad, saan huhukay ng balon, at anong sistema ang gagamitin.