Hesperian Health Guides
Pagkilos para sa pagbabago
Mga nilalaman
Sa South Africa, may unyon ang mga katulong sa bahay—ang Domestic Workers’ Union—para tulungan silang magdemanda ng mga batas para protektahan ang sarili. Nagsimula sila sa pagbabahaybahay at pagtuturo sa mga tao gamit ang mga babasahin at pahayag sa radyo. Ngayon isa na silang pambansang unyon. Kumikilos sila kasama ang ibang unyon ng mga katulong sa ibang bansa para makakuha ng makatarungang oras ng pagtatrabaho, tamang sahod, social security na benepisyo, at iba pang batayang proteksyon.
Ang mga unyon tulad ng South African Domestic Workers’ Union ay napakagandang paraan para mag-organisa at protektahan ang mga karapatan ng manggagawa. Pero madalas mahirap magsimula ng lokal na unyon dahil walang mas malaking unyon na susuporta, o dahil ayaw ng kompanya. Sa ganitong sitwasyon, may iba pang paraan na kumilos at tulungan ng kababaihan ang bawat isa.
Sa simula ng sama-samang pagkilos ng kababaihan para sa mas mahusay na kalagayan, minsa’y natatakot silang mawalan ng trabaho o tratuhin nang masama kung malaman ng employer. Sa mga kasong ito, mahalagang may tiwala ang mga babae sa mga kasamahan nila sa pag-oorganisa. Kung hindi makapag-usap sa trabaho, baka pinakamahusay na magpulong nang sikreto sa bahay o sa komunidad.
Para magsimulang mag-organisa sa inyong pinagtatrabahuhan:
- Makipag-usap sa mga katrabaho mo para makatukoy ng magkakaparehong problema at posibleng paraan ng paglutas sa mga ito.
- Magpulong nang regular bilang grupo para mabuo ang tiwala at masuportahan ang isa’t isa. Tiyaking maisama ang mga babaeng bago sa trabaho at ipadama ang pagtanggap sa kanila. Tandaan, may lakas sa pagkakaisa ng marami.
Kapag organisado na kayo bilang isang grupo o asosasyon ng manggagawa, baka makadama na kayo ng sapat na lakas para sumapi sa isang unyon o magbuo ng sariling unyon. Mas malamang na hindi kayo hahadlangan ng kompanya kung organisado na kayo.
Ano ang puwedeng gawin ng inyong organisasyon
Kapag natukoy na ang magkakaparehong problema at mga posibleng solusyon, magpasya kayo kung aling problema ang kayang baguhin at ano ang kailangang gawin para mabago ito. Kahit na ayaw ng kompanya ng anumang pagbabago, puwede kayong makagawa ng maraming bagay para sa inyong sarili. May ilang halimbawa sa susunod na pahina.
Turuan ang isa’t isa tungkol sa kaligtasan. Malamang alam na ng mga babaeng matagal na sa isang trabaho ang pinakaligtas na paraan ng paggawa noon. Hilingin sa kanilang magbahagi ng mga ideya kung paano gawing mas madali at mas ligtas ang trabaho.
Tulungan ang mga bagong babae. Maaaring takot sumali sa grupo ninyo ang mga bagong babae, lalo na kung hindi kayo suportado ng employer. Pero mahalaga pa ring ibahagi sa kanila ang inyong nalalaman tungkol sa kaligtasan, dahil habang mas ligtas ang bawat babae sa trabaho, mas ligtas din ang kalagayan para sa inyo.
Dagdag na impormasyon
relasyong nagtutulunganSuportahan ang isa’t isa. Maraming babae ang nakakaranas ng away sa kanilang tahanan kapag nagsimulang magtrabaho, dahil nagbabago ang papel nila sa pamilya. Magpalitan ng payo kung paano lulutasin ang mga ito, at sa pagbalanse ng gawaing bahay at pangangalaga ng bata sa trabahong may kinikita. Ang ibang mga babae’y nagtutulungan pa ng pangangalaga ng mga anak ng bawat isa. Maaaring mag-organisa ng day care, kung saan may babaeng binabayaran para mag-alaga ng mga bata para makapagtrabaho ang iba. O puwede ring magsalitan ang mga babae sa pag-aalaga ng mga bata.
Puwede n’yo ring subukang makipagpulong sa mga lalaki para pagusapan ang pinapasan na trabaho ng mga babae. Halimbawa:
Sa mga workshop ng Center for Health Education, Training and Nutrition Awarenesss (CHETNA) sa India, pinapalista ang mga babae’t lalaki ng kanilang araw-araw na mga gawin. Marami ang nagugulat kapag nalaman na mas maagang nagsisimula ang trabaho ng babae kaysa sa lalaki, mas huling natatapos, at bihirang magkaroon ng pagkakataong magpahinga. Nakatulong itong makita ng mga lalaki na hindi makatarungan ang hatian ng trabaho sa pagitan ng mga lalaki at babae. Mula rito, nakakapag-usap sila tungkol sa mas patas na paghahati ng trabaho, base sa pangangailangan ng pamilya, at hindi lang ayon sa mga papel batay sa gender.
Dagdag na impormasyon
kapag nagtatrabaho ang nanay sa labas ng bahayKung kaya ninyo, makipagnegosasyon sa inyong employer para sa mas magandang kondisyon sa trabaho, tulad ng:
- arugaan o day care para sa mga bata sa pinagtatrabahuhan
- mga pahinga para makagamit ng kasilyas.
- isang pribadong lugar para manu-manong makapagpalabas ng gatas (para sa mga nanay na may sanggol).
- mas mataas na sahod.
- maternity leave may bayad kapag may bagong sanggol ang babae, at karapatang bumalik sa parehong trabaho).