Hesperian Health Guides
Trabahong may mga kemikal
Iwasan ang lahat ng hindi kailangang pagdikit sa mga kemikal.
Maraming mga babae ang may kontak sa mga mapanganib na kemikal, madalas na walang kamalay-malay. Marami kasing modernong gamit sa araw-araw na buhay at trabaho ang may mga tagong kemikal. Ang ilan ay puwedeng makapinsala nang husto, tulad ng:
- pestisidyo, pataba, pamatay ng damo, pampaligo ng hayop.
- pintura, thinner at pantanggal ng pintura, mga pantunaw.
- panggatong, pampakintab ng palayok na may tingga (lead).
- panlinis na produktong may bleach at sosa (lye).
- mga produktong pang-ayos o pang-estilo ng buhok.
Mga nilalaman
Mga problema sa kalusugan
Agad na pumipinsala sa katawan ang ilang kemikal. Ang iba’y may pinsala na sa bandang huli na lumalabas, kahit huminto ka na sa paggamit ng kemikal na iyon. Sandali lang ang tagal ng ilang pinsala. Ang ibang pinsala naman ay permanente na.
Pag-iwas:
Para mabawasan ang panganib sa kalusugan mula sa paggamit ng mga nakakapinsalang kemikal, sikaping:
Ilayo ang mga kemikal sa mga bata. Palaging maging alerto sa babala ng lason, o sa larawang ito, sa marka ng mga produkto. |
- iwasan na malagyan ng kemikal sa balat. Sa paggamit ng kemikal sa bahay, magsuot ng gomang guwantes na pangkusina (o plastik na bag). Sa pagsasaka gamit ang mga pestisidyo at iba pang kemikal, magsuot ng mas makapal na guwantes at magbotas. Kung hindi, papasok sa katawan ang kemikal mula sa lupa.
- maghugas ng kamay matapos humawak ng kemikal. Kung gumagamit ng matapang na kemikal tulad ng pestisidyo, magpalit ng damit at maghugas ng buong katawan bago kumain o pumasok sa bahay. Magguwantes na goma sa paglaba ng mga damit na ito.
- iwasang malanghap ang singaw mula sa kemikal. Magtra - baho sa lugar na libre ang daloy ng hangin. Hindi makakaprotekta ang tela o papel na maskara mula sa paglanghap ng singaw.
- ilayo ang mga kemikal sa pagkain. Huwag na huwag gamitin para sa pagkain o tubig ang dating lalagyan ng kemikal, kahit pa nahugasan na ito. Ang lalagyan na mukhang napakalinis ay maaaring may sapat pang kemikal para makalason sa tubig at pagkain. Huwag gumamit ng spray malapit sa pagkain o kung mahangin ang panahon.
Kung pumasok ang kemikal sa mata, banlawan ito agad ng tubig. Isige-sige sa loob ng 15 minuto. Huwag patuluin ang pinambabanlaw na tubig sa kabilang mata. Kung nasunog ang mata, magpatingin sa isang health worker.