Hesperian Health Guides

Pangangalaga sa mga taong may AIDS

Sa kabanatang ito:

Maaaring tumagal ang mga problema sa kalusugan na dulot ng AIDS. Kakain ang mga problemang ito ng maraming lakas at yaman ng taong maysakit at ng kanyang pamilya.

Kung may AIDS ka, malamang ay kailangan mong regular na magpatingin sa isang health worker o pumunta sa klinika para magpagamot ng impeksyon o kumuha ng medisina para sa HIV. Pero puwedeng hindi mo kailangang ma-ospital. Maaaring mas maginhawa ka sa bahay, inaalagaan ng pamilya sa nakasanayan mong kapaligiran.

Sikaping maghanap ng health worker, klinika o doktor na pinagkakatiwalaan mo na bihasa sa AIDS. Tapos, sa kanya ka na palaging pumunta kapag may problema, o kapag hindi tumatalab ang remedyong pambahay. Tipid sa oras, pagod at pera ang pagpunta sa klinika na kilala ka na, at makakatulong na hindi ka ma-ospital.

may sakit na kabataang babae na nakahiga sa kama habang inaalagaan ng nakatatandang babae

Madalas mas mahal pa ang pagtigil sa ospital kaysa sa pagkain at medisina na kailangan para sa mahusay na pangangalaga sa bahay

Sinusubukan ng mga programa para sa HIV ang pagbisita sa mga bahay ng mga community health workers. Makakatulong ito sa pamilya na maalagaan sa bahay ang taong may HIV. Maaaring manatili ang mga batang babae sa paaralan sa pamamagitan ng suportang pangkomunidad na tulad nito.

Kung nag-aalaga ka ng taong may AIDS, tiyaking maasikaso mo rin ang iyong mga pangangailangan. Sikaping matulungan ka ng kapamilya, kaibigan at kasamahan sa komunidad. Maaring makatulong ang mga samahan sa komunidad, grupong pangrelihiyon, samahan ng kabataan at grupong damayan ng mga taong may AIDS.

babaeng nakaupo sa tabi ng kabataang babaeng nakahiga, hawak ang kanyang kamay

Habang nakaratay sa kama si Rosa dahil sa mga kumplikasyon ng AIDS, nanatiling masiyahin ang nanay niya. Araw-araw, pinaliliguan niya ang anak, binibihisan ng maayos na damit, at naglalagay ng bulaklak sa tabi ng kama. Hindi nagugutom si Rosa, pero inaayos ng nanay niya ang pagkain sa paraan na kaaya-ayang kainin. Kinakausap si Rosa ng pamilya tungkol sa pang-araw-araw na buhay, at sa kanilang trabaho at komunidad. Dala ng masayang pakikitungo nila at positibong pagsasalita, nadama ni Rosa na hindi siya pinagtatabuyan. Kahit madalas ay pagod at masama ang pakiramdam ni Rosa, inaareglo ng pamilya na mabisita siya ng mga kaibigan sa mga sandaling medyo maginhawa siya. Nagbigay-buhay sa pamamahay ang musika, kuwentuhan at masayang pananaw. Nadama ni Rosa na minamahal at pinapahalagahan siya, at hindi masisira ng AIDS ang malapit na relasyon niya sa pamilya, at anumang panahon na mayroon pa siya.

Pag-iwas na maimpeksyon ng HIV sa bahay

WWHD10 Ch15 Page 252-1.png

Sa ilang simpleng pag-iingat, halos walang panganib na maipasa ang HIV mula sa taong may impeksyon papunta sa ibang nasa paligid niya. Mas malaki pa nga ang panganib na maimpeksyon—halimbawa ng pagtatae—ang taong may HIV kaysa sa mahawa ng HIV ang nag-aalaga sa kanya. Hugasang maige ang kamay ng sabon at tubig bago at pagkatapos mangalaga

Ang pagbigay ng ginhawa at kabaitan ay kasing halaga ng kalinisan sa pagaalaga sa taong may HIV/AIDS.

  • Gumamit ng malinis na tubig sa paghuhugas ng pinggan at pagkain bago magluto at kumain.
  • Panatilihing malinis ang sapin ng kama at damit para manatiling maginhawa ang maysakit at maiwasan ang problema sa balat. Para linisin ang mga damit o sapin na namantsahan ng dugo, pagtatae,
    — ihiwalay ang mga ito sa ibang lalabhan.
    babaeng gumagamit ng pitsel para banlawan sa malaking palanggana ang namantsahang kumot
    — hawakan ang bahaging walang mantsa at banlawan ng tubig para maalis ang anumang likido ng katawan.
    — labhan ang kumot, sapin at damit sa masabon na tubig at isampay - nang nakabilad sa araw, kung maaari - para matuyo.
    — kung meron, magdagdag ng bleach sa masabong tubig at ibabad ng 10 minuto bago labhan, at magsuot ng guwantes o plastic na supot sa kamay.
  • Kasama sa mahusay na pangangalaga sa bahay ang pagtiyak na may sapat na pagkaing masustansya at malinis na inumin ang taong may AIDS.

  • Iwasang hawakan ng walang balot na kamay ang anumang likido mula sa katawan. Gumamit ng piraso ng plastic o papel, guwantes, o malaking dahon para panghawak ng maruming bendahe, damit, dugo, suka o dumi.
  • Huwag makigamit ng anumang bagay na nadidikit sa dugo. Kasama na rito ang pang-ahit, karayom, anumang nakakahiwa ng balat, at sepilyo. Kung kailangang maghiraman, i-isterilisa muna bago gamitin ng ibang tao.
  • Panatilihing may takip ang sugat—sa nangangalaga at sa may HIV o AIDS. Sunugin o ibaon ang mga gasa o bendahe na hindi puwedeng labhan ulit.

Karamihan ng trabaho sa pag-aalaga ng maysakit sa bahay ay ginagawa ng mga babae, na madalas ay siyang tagapangalaga ng pamilya.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017