Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Problema ng lahat ang HIV

Mahalagang alam ng lahat sa komunidad kung paano naikakalat ang HIV/AIDS at paano ito iiwasan. Pero hindi makakatulong ang kaalamang ito hangga’t hindi nila nauunawaan din na puwedeng magka-HIV lahat—kahit sila. Kung iniisip ng mga tao na hindi sila tatablan ng AIDS, hindi sila kikilos para iwasan ang impeksyon.

Labanan ang AIDS, hindi ang mga taong mayroon nito.

Ang pagbunton ng sisi sa anumang grupo ng tao (tulad ng mga nasa prostitusyon, mga bakla, o mga nagdodroga) ay nagbubunga ng maling akala na piling grupo lang ang delikadong maimpeksyon. Totoo na may ilang tao, tulad ng nasa prostitusyon, na maaaring mas malaki ang tsansa na magka-HIV (dahil kailangan nilang makipagtalik sa maraming lalaki). Pero may panganib ang lahat na magka-AIDS—laluna ang mga kabataang babae. At kailangang tumanggap ang lahat ng tao sa komunidad ng responsibilidad sa paglaban dito.

Mahalaga ring tandaan na nilalabanan ang mga kondisyong nagbubunsod sa pagkalat ng HIV—hindi ang mga taong may HIV.

Paano ka makakatulong sa pagpigil sa HIV

Sa komunidad

Dagdag na impormasyon
sekswal na kalusugan

Sanayin ang mga lalaki bilang outreach workers. Puwede silang pumunta kung saan nagtitipon ang kalalakihan at makipag-usap sa kanila tungkol sa HIV.

Edukasyon ang isa sa pangunahing paraan ng pagkilos ng komunidad sa pagpigil sa HIV. Narito ang ilang mungkahi:

  • Magsanay ng kababaihan—bata at nakatatanda—na maging tagapagturo sa mga kaedad nila. Sa paisa-isa o grupong talakayan, matutulungan ang kababaihan na maintindihan ang katawan at sekswalidad. Maituturo din ang kumpiyansa at kasanayan na igiit ang mas ligtas na pagtatalik.
  • Sabihin ang totoo sa panganib ng kababaihan na magka-HIV. Tulungang makita na may ugat ang HIV sa kahirapan at sa kakulangan ng kababaihan ng kontrol sa sekswal na relasyon nila.
lalaking nagpapakita ng condom sa dalawang lalaking nasa lamesa na may mga botelya


  • Gumamit ng dula at media para tulungan ang kababaihang tanggapin na OK lang aralin ang HIV at pag-iwas dito. Halimbawa, gumawa ng dula o komiks para ipakita na puwedeng kausapin ng ‘mabuting’ babae ang partner niya tungkol sa HIV; o puwedeng bumili ng condom at hilingin sa asawa o boyfriend na gumamit.

    Puwede ring ipakita ang iba’t ibang pakahulugan ng pagiging lalaki o babae. Tulungan ang mga tao na kulitin kung tama nga na “dapat maraming katalik ang lalaki,” at “dapat walang muwang sa seks ang mga babae.” Ipakita na delikado ang mga kaisipang ito sa kalusugan ng lalaki at babae.
  • Tulungan ang mga magulang, guro at iba pang nakatatanda—laluna yung huwaran ng komunidad—kung paano maging komportable sa pakikipag-usap sa kabataan tungkol sa seks at HIV.
  • Tiyakin na kayang makakuha ang lahat ng impormasyon at serbisyo sa sekswal na kalusugan, kasama na ang condom, para maiwasan ang pagkalat ng HIV sa komunidad.
  • Dalhin ang talakayan sa mga tipunan sa komunidad—tulad ng mga bar, iskuwelahan, pulong pangrelihiyon at base militar
Eto ang isang halimbawa kung paano magtulungan ang kababaihan para protektahan ang sarili mula sa HIV:
Para tumulong labanan ang pagkalat ng HIV, nagsimula ng isang ‘welga sa pagtatalik’ ang mga babae sa Palestina, isang maliit na bayan sa hilagang-silangang Brazil. Matapos malaman ng mga babae na isang lalaking may HIV ang nakipagtalik sa di ligtas na paraan sa di-bababa sa 2 babae sa bayan, nagpasya silang huminto sa pakikipagtalik sa mga asawa’t boyfriend nila. Iginiit nila na magpa-HIV test muna ang mga partner nila, at mas ligtas na pagtatalik na ang gagawin, bago sila pumayag na simulan muli ang pakikipagtalik.

Bago makipagtalik, iginigiit na ng mga babae ang mas ligtas na paraan at katibayan na nag-HIV test. Sabi ng isang babae, “Kung ayaw niya ng mas ligtas na pagtatalik, hindi na kami magsisiping muli.”

Kung isa kang health worker

Tiyaking alam ng mga tao sa inyong komunidad kung saan puwedeng magpa-HIV test, at paano makakuha ng pangangalaga at ART na panlunas kung kailangan.

Kung magbibigay ang bawat health worker ng parehong impormasyon at serbisyo, makakatipid sa panahon, pera at lakas ang mga tao dahil hindi na sila maghahagilap ng pinakamahusay na panglunas.

Makakaganap ng napakahalagang tulong ang mga health worker para mahinto ang pagkalat ng HIV. Eto ang mga puwedeng gawin:

  • magbigay ng impormasyon kung paano naikakalat, at hindi naikakalat, ang HIV. Gawin sa lahat ng taong matingnan mo— laluna kung may ibang INP na sila.
  • hikayatin ang kalalakihan at kababaihan na mag-condom, kahit may iba na silang paraan ng kontrasepsyon.
  • gumamit ng pag-iingat laban sa HIV sa lahat ng taong matitingnan. Dahil mukhang malusog ang karamihan ng may HIV, ituring na parang may HIV ang lahat ng inaalagaan. Tuwing kailangan mong humiwa ng balat o humawak ng likido ng katawan, sundin ang payo sa Pag-iwas na maimpeksyon ng HIV sa bahay. Kasama na rito ang pagbigay ng iniksyon, pagtahi ng balat o laman, pagpapaanak, o pag-eksamin sa puwerta ng babae.
  • gawing pribado, maingat sa pagtago ng personal na impormasyon, at bukas sa lahat—pati sa kabataan—ang serbisyong pangkalusugan
  • mag-imbita ng tao mula sa organisasyong nakatutok sa AIDS para makipagpulong sa mga health worker sa inyong lugar. Puwede siyang magturo ng pinakamahusay na gamutan sa mga impeksyong kumakapit sa mga taong may HIV at AIDS. Talakayin din ang ibang problemang hinaharap ng mga taong may HIV at AIDS. Magpasya kung paano tutulong batay sa kakayahan ngayon. Pag-isipan din kung paano dagdagan ang inyong kakayahan para masagot ang iba pang kailangan ng tao. Kung tutulong at magbabahagi sa isa’t isa ang mga health worker, hindi papasanin nang nag-iisa ang napakabigat na problemang ito.
Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017