Hesperian Health Guides

Ang HIV test

Sa kabanatang ito:

May Rapid HIV testing sa maraming health centers at ospital na libre o mura. Kalimitan, makukuha mo ang resulta sa mismong araw ng pagsusuri.

Kapag pumasok sa katawan ang HIV, gumagawa agad ang katawan ng antibodies para labanan ang virus. Madalas kayang ma-detect ang antibodies na ito sa dugo pagkaraan ng 2–4 linggo.

Naghahanap ang HIV test ng mga antibodies na ito sa dugo. Ito ang tanging paraan para malaman kung may impeksyon ng HIV. Hindi ito test para sa AIDS.

Kung positibo ang HIV test, may impeksyon ka ng virus at gumawa na ang katawan mo ng antibodies sa HIV. Kahit na maayos na maayos ang pakiramdam mo, puwede mong maipasa ang virus sa iba.

Kung negatibo ang HIV test, isa sa mga ito ang kahulugan:

  • wala kang impeksyon ng HIV, o
  • may impeksyon ka, pero hindi pa nakakagawa ng sapat na antibodies sa HIV para lumabas na positibo ang test

Kung nag-negatibo ka sa HIV test pero sa tingin mo ay may impeksyon ka, ulitin mo ito pagkalipas ng 6 na linggo. Minsan kailangan ding ulitin ang positibong resulta. Matutulungan ka ng health worker na magpasya.

Ang HIV test ay dapat palaging gawin na:

  • may pahintulot mo.
  • may pagpapayo (counseling) bago at pagkatapos ng test.
  • may privacy. Walang dapat makaalam sa resulta maliban sa iyo at sa gusto mong makaalam nito.

Kailan ka dapat magpa-HIV test?

Maaaring mas mahalaga na baguhin ang di ligtas na mga gawi kaysa sa magpa-HIV test. Pero baka gustuhin ninyong magpartner na magpasuri kung:

  • gusto ninyong magpakasal (o magsimula ng tapat na sekswal relasyon sa isa’t isa) o magkaanak.
  • buntis ka at nag-aalala na baka positibo sa HIV.
  • may palatandaan ka, ang partner mo, o ang iyong sanggol ng AIDS.
  • nagkaroon ka o ang partner mo ng di ligtas na pagtatalik.

Bentahe na malaman ang resulta ng test

Kung kaya, magpasama sa isang taong pinagkakatiwalaan mo sa pagkuha ng resulta ng HIV test.

Kung negatibo ang test, puwedeng aralin mo kung paano magprotekta sa sarili para manatiling negatibo at hindi kailanman magka-HIV.

Kung positibo ang test, puwede mong:

  • pigilan ang pagkalat ng HIV sa iyong partner o sanggol.
  • lunasan nang maaga ang anumang problema sa kalusugan.
  • baguhin ang pamumuhay para manatili kang malusog nang mas matagal.
  • kunin ang suporta ng ibang taong may HIV sa inyong komunidad.
  • planuhin ang hinaharap para sa sarili at pamilya.

Disbentahe na malaman ang resulta ng test

Maaaring iba’t iba ang maramdaman mo kapag nalaman mong may impeksyon ka. Normal ang sobrang pagkabigla sa simula at pagtanggi na positibo ang resulta. Maaari ring makadama ka ng galit at kawalan ng pag-asa, at sisihin ang sarili o iba.

Madalas makakatulong na makipag-usap sa iba, halimbawa’y sa health worker na nagbigay ng resulta o sa taong malapit sa iyo. Pero mag-ingat sa pagsasabihan mo. Baka sisihin ka ng iyong asawa o partner, kahit na may HIV din siya. Baka matakot ang iba at ipagtabuyan ka, dahil hindi nila nauunawaan ang HIV at paano ito naikakalat. Kung kakayanin, makipagkita sa isang bihasa na HIV counselor, na makakatulong sa pagpapasya mo kung sino ang sasabihan at paano haharapin ang pagbabago sa iyong buhay.

Pagpapayo o counseling

babaeng nakikipag-usap sa magpartner na kasama niyang nakaupo sa lamesa Gawain ng counselor (tagapayo) na makinig at makipag-usap sa isang tao at pamilya niya para tulungan silang harapin ang mga alalahanin, problema at pangamba, at gumawa ng sariling pagpapasya

Mahalaga ang counseling sa buong buhay ng taong may HIV, hindi lang noong nalaman na may impeksyon siya. Kung may impeksyon ka, puwedeng matulungan ka ng bihasang tagapayo na:

Dagdag na impormasyon
kalusugan ng pag-iisip
  • magpasya kung sino ang sasabihan na may HIV ka, at paano.
  • hanapin ang suporta ng ibang taong may HIV rin.
  • makuha ang pangangalagang kailangan mo mula sa mga health center.
  • makuha ang suportang kailangan mo mula sa pamilya.
  • maintindihan kung paano manatiling malusog sa pinakamatagal na posible.
  • magplano para sa iyong hinaharap.
  • matuto kung paano maging sekswal sa ligtas na paraan.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017