Hesperian Health Guides
Pagtakas at pagdating
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 29: Mga refugee at napalikas na kababaihan > Pagtakas at pagdating
Kapag nasa bagong tirahan na, maaaring makaharap ng babae ang sitwasyon na ibang-iba sa lumang tahanan niya. Madalas nalalagay ang mga babaeng galing sa mga maliit na komunidad sa malaki at masikip na mga kampo na iba sa tradisyunal na baryo o bayan ang pagkakaayos. O maaaring mapadpad sila sa mga lungsod kung saan madalas umiiwas silang mahuli ng mga awtoridad ng gobyerno. Ang ilang refugee ay napadpad libu-libong milya ang layo sa mga bansang pumayag sa pagpasok at permanenteng pananatili nila.
Ang pagkakaroon ng dokumento mula sa United Nations o sa mga awtoridad ng bansang pinaglipatan ay maaaring magbigay sa mga refugee ng ilang proteksyon laban sa puwersahang pagpapaalis (deportasyon).
Madalas hinaharap pa ng babae ang ilan sa mga kahirapang ito:
- paninirahan sa hanay ng mga taong ayaw na naroon siya o hindi kapareho ang lengguwahe sa kanya.
- hindi alam kung makakabalik pa siya agad sa dating tahanan o kailangang umiwas pa sa loob ng ilang taon.
- pangangailangan ng mga papeles na patunay na refugee siya.
- pag-angkop sa mga bagong relasyon sa pamilya.
- paninirahan sa panganib kung may giyera na malapit.
- pangangailangan sa serbisyo para sa kalusugan ng pag-iisip at medikal na pangangalaga dahil sa panggagahasa o sekswal na pandarahas
Maaaring magbigay ng kaunting proteksyon sa babae ang pagtira sa isang kampo ng mga refugee at pagkilala ng bagong gobyerno o ng United Nations sa katayuan niya na refugee. Pero walang ganitong proteksyon ang mga pinalikas na babae at mas lalo pang nasa peligro.