Hesperian Health Guides

Buwanang regla

Sa kabanatang ito:

Humigit-kumulang minsan bawat buwan sa kapanahunang reproduktibo ang babae, may madugong likidong lumalabas mula sa kanyang matris at dumadaan sa puwerta palabas ng katawan. Tumatagal ito ng ilang araw. Buwanang ‘period’ o ‘regla’ ang tawag dito. Isa itong prosesong nakakabuti sa katawan, at bahagi ng paghahanda ng katawan para sa posibleng pagbubuntis.

kababaihan mula sa iba’t ibang kultura na nagsasalita
Sa buong mundo, maraming pangalan ang kababaihan sa kanilang buwanang regla.
Nakikita ko ang buwan.
Nandito ang
buwanang
ugali ko.
May bisita
ako mula
sa Russia.
May
buwanang
pagdurugo
ako.
May period
ako.
Umiiyak si
Maria.
Bumibisita
ang kaibigan
ko.

Tinuturing ng karamihan ng babae na normal na bahagi ng kanilang buhay ang buwanang regla. Pero madalas, hindi nila alam kung bakit ito nangyayari, at bakit nagbabago ito minsan.

Ang buwanang siklo ng pagregla

Magkakaiba sa bawat babae ang buwanang siklo. Nagsisimula ito sa unang araw ng regla. Nireregla tuwing 28 araw karamihan ng babae. Pero kasindalas ng 20 araw o kasindalang ng 45 araw ang iba.

Nagbabagu-bago sa buong takbo ng buwanang siklo ang dami ng mga hormone na estrogen at progesterone na ginagawa ng obaryo. Sa unang hati ng siklo, karamihan estrogen ang ginagawa. Ito ang sanhi ng pamumuo ng makapal na lining ng dugo at himaymay sa matris. Ginagawa ang lining para kung mabuntis ang babae, magkakaroon ng malambot na kanlungan para sa paglaki ng kanyang dinadala.

Mga 14 na araw bago matapos ang siklo, kapag handa na ang malambot na lining, may nilalabas na itlog mula sa isang obaryo. Obulasyon (ovulation) ang tawag dito. Pagkatapos, dumadaan ang itlog sa isang tubo papunta sa matris. Sa panahong ito, mabunga o fertile ang babae at puwede siyang mabuntis. Kung nakipagseks kamakailan lamang ang babae, puwedeng sumanib ang semilya ng lalaki sa itlog. Pertilisasyon (fertilization) ang tawag dito, na maaaring tumungo sa pagbubuntis.

Puwedeng maranasan ng babae ang pagbabago ng agwat sa pagitan ng pagregla habang siya’y tumatanda, pagkatapos niyang manganak, o dahil sa kagipitan o tensyon.

Sa huling 14 na araw ng siklo—hanggang sa magsimula ang susunod na regla—gumagawa din ng progesterone ang babae. Pinaghahanda ng progesterone ang lining ng matris para sa pagbubuntis. Sa karamihan ng mga buwan, hindi napepertilisa ang itlog, kaya hindi na kailangan ang lining sa matris. Humihinto ang mga obaryo sa paggawa ng estrogen at progesterone, at nagsisimulang masira ang lining. Kapag nailabas mula sa katawan ang lining sa buwanang pagregla, lumalabas din ang itlog. Ito ang simula ng bagong siklo. Pagkatapos ng regla, nagsisimulang gumawa muli ang obaryo ng mas maraming estrogen, at may bagong lining na namumuo.

Ang buwanang siklo
apat na drawing na nagpapakit ng pagbabago sa panloob ng ari ng babae sa takbo ng kanyang buwanang pagregla
Sa panahon ng pagregla, nasisira ang lining.
dugo
Katatapos ng regla
tubo (fallopian tubes)
obaryo
lining ng matris
matris
puwerta
Sa paglalabas
ng itlog ng
isang obaryo
(obulasyon)...
... kumakapal ang
lining.
itlog
5 araw matapos
ang obulasyon,
lalong kumakapal
ang lining.
Sa karamihan ng babae, 28 araw tumatagal ang buong siklo ng pagregla— tulad ng siklo ng buwan.

Mga problema sa pagregla

Kung may problema ka sa pagregla, subukang kausapin ang iyong nanay, kapatid na babae o kaibigan. Baka pareho kayo ng problema at makatulong sila.

Pagbabago sa pagdurugo

Dagdag na impormasyon
abnormal na pagdurugo
pagtanda

Minsan ay hindi naglalabas ng itlog ang obaryo. Kapag nangyari ito, mas kaunting progesterone ang ginagawa ng katawan, na magbabago sa dami at dalas ng regla. Ang mga batang babae na kasisimula lang magregla—o mga babaeng kahihinto lang sa pagpapasuso—ay puwedeng magregla tuwing ilang buwan lang, o kumonti o sumobra ang lakas. Sa kalaunan, madalas nagiging mas regular ang kanilang siklo.

Minsan, nagkakaroon ng pagdurugo sa gitna ng buwan ang mga babaeng gumagamit ng kontraseptibong may hormone. Tingnan Hormonal na paraan ng pagpaplano ng pamilya para sa dagdag na impormasyon.

Ang mga nakatatandang babae na hindi pa nagme-menopause ay puwedeng lumakas o dumalas ang regla kumpara noong mas bata pa sila. Habang lumalapit sa menopause, puwedeng huminto ang regla nang ilang buwan, at pagkatapos ay magsimula ulit.

Pananakit kasabay ng regla

Sa pagregla, umiimpis ang matris para itulak palabas ang lining. Puwedeng itong magdulot ng pananakit sa puson o ibabang parte ng likod, na tinatawag minsan na paghilab o pamumulikat. Puwedeng sumakit bago magsimula ang regla o sa pagsisimula nito.

Ano ang gagawin:
hinlalaki na nakadiin sa malaman na bahagi ng palad
Puwedeng maibsan ang maraming klase ng pananakit kung didiinan nang malakas ang malambot na lugar sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo. Tingnan para sa ibang lugar na maaaring diinan para mabawasan ang masakit na pagregla.
  • Himasin ang puson. Tutulong itong pakalmahin ang namimilipit na kalamnan.
  • Punuin ng mainit na tubig ang botelyang plastik o anumang sisidlan, at ilapat ito sa puson o ibaba ng likuran. Puwede rin ang makapal na telang binabad sa mainit na tubig.
  • Uminom ng tsaa na gawa sa luya o mansanilya. Maaaring may alam na ibang tsaa o lunas sa ganitong klaseng sakit ang mga babae sa iyong komunidad.
  • Patuloy na gawin ang regular na trabaho.
  • Subukang maglakad o mag-ehersisyo.
  • Uminom ng gamot para sa katamtamang pananakit. Epektibo ang ibuprofen sa masakit na pagregla.
  • Kung malakas din ang iyong regla at wala nang tumatalab na lunas, puwedeng makatulong ang pag-inom ng kontraseptibong pildoras na mababa ang dose (low-dose) sa loob ng 6 hanggang 12 buwan.

Pre-mentrual syndrome (PMS)

babaeng mukhang masama ang pakiramdam, nakahawak sa kanyang noo at tiyan

May mga babaeng masama ang pakiramdam ilang araw bago magregla. Maaaring mayroon silang isa o higit pang grupo ng mga palatandaan na tinatawag na pre-mentrual syndrome (PMS). Puwedeng mapansin ng mga babaeng may PMS ang

  • masakit na suso
  • parang puno ang puson
  • hindi makadumi o constipation
  • sobrang pagod
  • masakit na kalamnan, laluna sa ibabang likuran o sa puson
  • pagbabago sa pamamasa ng puwerta
  • dagdag na langis o taghiyawat sa mukha
  • sobrang tindi o mas mahirap kontrolin na damdamin

Maraming babae ang may isa sa mga palatandaang ito bawat buwan. Ang iba naman ay meron ng lahat. Puwedeng iba ang palatandaan sa bawat buwan. Maraming babae ang hindi mapalagay sa mga araw bago magregla. Pero may ilan ding nagsasabi na mas malikhain at mas kaya nilang magtrabaho sa panahong ito.

Ano ang gagawin:

Sa bawat babae, iba-iba ang tumatalab para ibsan ang PMS. Para malaman kung ano ang tatalab, subukan ang iba’t ibang bagay. Sundin muna ang mga payo para sa masakit na pagregla.

apat na babaeng naglalaro ng basketball
Puwedeng makatulong ang ehersisyo sa mga palatandaan ng PMS.

Puwede ring makatulong ang mga ideyang ito:

  • Bawasan ang asin. Nag-iimbak ng dagdag na tubig ang katawan dahil sa asin, na nagpapasama pa sa pakiramdam na puno ang puson.
  • Subukang umiwas sa caffeine (na nasa kape, tsaa at ibang soft drinks tulad ng cola).
  • Subukang kumain ng pagkaing butil na buo (whole grains), mani, sariwang isda, karne, gatas o iba pang pagkain na mataas sa protina. Kapag ginamit ng katawan ang mga pagkaing ito, inilalabas din ang anumang sobrang tubig, kaya mababawasan ang pakiramdam na puno ang puson.
  • Subukan ang mga halamang gamot. Tanungin ang nakatatandang babae sa komunidad kung ano ang tumatalab.



Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017