Hesperian Health Guides
Pagpigil sa pag-abuso ng droga at alkohol
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 28: Alkohol at iba pang mga droga > Pagpigil sa pag-abuso ng droga at alkohol
Subukang makipagtalakayan sa iba bakit naging mahalagang bahagi sa buhay ng komunidad ang alkohol at droga. Paano ito nagsimula? Ano ang nagtutulak na gumamit ng mas marami? May bagong tulak ba na nagpapahirap sa mga lalaki’t babae na ikontrol ang paggamit? Paano mababawasan ang halaga sa komunidad ng droga o alkohol?
Kapag naunawaan na ng grupo ang mga dahilan ng problema, baka gustuhin ninyong pagsikapan na bawasan ang mga panlipunang tulak na uminom o magdroga.
Isang grupo ng mga lalaki’t babae sa Chiapas, Mexico ang nag-organisa laban sa alkoholismo bilang bahagi ng kilusan para sa demokrasya at katarungang panlipunan. Nakita nila na minsan pinipilit ng mga manginginom ang kagustuhan nila sa iba, tulad din ng paggamit ng pulis ng puwersa para kontrolin ang komunidad. Binalaan ng grupo ang mga naglalasing na nakakasakit sa iba, at nakialam sa mga kasong inaabuso ang babae ng lasing na asawa. Kapwa positibo at negatibo ang papel ng alkohol sa komunidad. Madalas umiinom ang mga shaman (albularyo) ng rum, isang sagradong simbolo, sa ritwal ng panggagamot. Naghanap ng mga paraan para labanan ang alkoholismo at panatilihin ang diwa ng tradisyon sa pagpapalit ng mga inuming hindi nakakalasing sa mga ritwal na ito.
Pagtulong sa kabataang humindi sa alkohol at droga
Maraming may edad na taong problemado sa droga at alkohol ang nagsimula noong bata pa. Puwedeng mukhang simpleng paraan ang droga’t alkohol para magsaya o takasan ang problema, laluna kung ginagamit din ng iba. Madalas nakakadama ang kabataan ng kalituhan at kawalang kapangyarihan sa maraming pagbabago na kailangang angkupan— tulad ng pagtubo ng katawan at bagong mga responsibilidad. Marami ring tulak ng paligid ang umiimpluwensya sa kabataan, laluna mula sa barkada, nakatatandang tao na iniidolo, at mga patalastas.
Isang paraan para mabawasan ang pag-abuso sa droga’t alkohol ang pagtulong sa kabataang matuto ng pag-ayaw sa mga tulak na nakakasama. Eto ang ilang ideya na gumana sa maraming mga komunidad:
Maghanap ng mga popular na taong puwedeng tumayong modelo at magsalita laban sa droga. Maaaring mas malakas ang dating sa kabataan ng mensahe kapag galing sa isang taong iniidolo nila. |
- Hikayatin ang mga paaralan sa komunidad na turuan ang kabataan sa mga problema ng paggamit ng droga at alkohol.
- Gawing mas mahirap ang pagbenta ng mga droga sa kabataan.
- Mag-organisa para matanggal ang mga patalastas na ginagawang glamoroso at moderno ang sigarilyo at alkohol.
- Maging magandang modelo. Kung malakas kang uminom o magdroga, malamang ganoon din ang gagawin ng iyong mga anak.
- Turuan ang mga anak mo sa mga problemang naidudulot ng droga at alkohol. Puwede nilang impluwensyahan ang mga kaibigan nila.
- Tulungan ang kabataang magsaya na walang droga at alkohol.
- Tulungan ang mga anak na makabuo ng kasanayan at pagpapahalaga sa sarili para makahindi sa mga tulak na uminom at magdroga.