Hesperian Health Guides

Paggamit at pag-abuso ng alkohol at mga droga

Sa kabanatang ito:

Bakit nagsisimulang gumamit ng alkohol at droga

Madalas nagsisimulang gumamit ng alkohol o droga ang tao dahil sa tulak ng nakapaligid sa lipunan. Maaring matulak ang mga bata’t matandang lalaki na uminom o gumamit ng iba pang karaniwang droga para patunayan ang pagkalalaki— na habang mas malakas maglasing o magdroga, mas ganap ang pagkalalaki.

Maraming mga babae ang nakakaharap na rin ng tulak panlipunan na uminom o gumamit ng droga. Maaaring madama nila na mukha silang nasa hustong edad na o mas moderno. O maaaring isipin nila na mas madali silang tatanggapin ng iba.

kabataang babae at lalaki na tumitingin sa karatula na nag-aadvertise ng beer
Hinihikayat ng ilang mga patalastas, musika at sine ang mga kabataan na uminom at gumamit ng droga.

Gumagamit din ng tulak panlipunan ang mga kompanyang gumagawa at nagbebenta ng alkohol at mga droga. Nilalarawan ng mga patalastas, laluna sa kabataan, na glamoroso ang paggamit ng mga droga at alkohol, at ito ang naghihikayat sa mga tao na bumili. Pinapalabas din ng mga kompanyang gumagawa o nagbebenta ng alkohol na talagang madali at masaya ang pagbili, kaya lalo pang napapabili ang mga tao. Lubhang nakasasama ang ganitong klase ng tulak dahil madalas ni hindi namamalayan ng mga tao na may epekto pala sa kanila.

Kailan nagiging pag-abuso ang paggamit

Anuman ang dahilan sa pagsisimula, madaling humantong sa pag-abuso ang paggamit ng alkohol at droga. Pag-abuso na ito kung mawalan ang tao ng kontrol kung kailan gagamit, kung gaano karami ang gagamitin, at sa inaasal niya kapag gumagamit ng alkohol o droga.

Narito ang ilang pangkaraniwang palatandaan na inaabuso na ng tao ang droga o alkohol. Sila’y:

  • nakakaramdam na kailangan uminom o magdroga para makaraos sa araw o gabi. Maaaring gamitin nila sa di karaniwang oras o lugar, halimbawa’y sa umaga, o kapag sila’y nag-iisa.
  • nagsisinungaling sa dami ng ginagamit nila o ng iba, o tinatago ito.
  • nagkakaproblema sa pera dahil sa laki ng ginagastos sa pagbili ng alkohol o droga. Gumagawa ng krimen ang ilang tao para may perang pambili ng droga o alkohol.
  • nakakasira sa mga pagdiriwang dahil sa dami ng nainom nilang alkohol o nagamit na droga.
  • nahihiya sa kanilang inaasal habang gumagamit ng droga o alkohol.
  • hindi kasinghusay ng dati ang trabaho o hindi kasingdalas ang pagpasok sa trabaho dahil sa paggamit ng alkohol o droga.
  • nagkakaproblema sa marahas na asal. Maaaring maging marahas ang lalaki sa kanyang asawa, anak o mga kaibigan.

Kung binabago ang buhay mo ng paggamit ng droga, panahon na para huminto o magbawas. Mas mabuting huminto bago mo mapinsala ang sarili, ang pamilya o mga pakikipagkaibigan mo.

Bakit inaabuso ng tao ang mga droga at alkohol

Maraming tao ang humahantong sa pag-abuso ng mga droga at alkohol para takasan ang problema nila sa buhay.

Ginagawa ito ng lahat ng klase ng tao. Pero mas malamang subukan ito ng mga taong may magulang na nag-abuso rin ng alkohol o droga. Mayroon kasing ‘kahinaan’ sa pag-abuso ng mga droga o alkohol na maaaring maipasa ng magulang sa anak. At habang pinapanood ng mga bata ang magulang nila na gumagamit ng alkohol o droga para takasan ang problema, natututo sila ng parehong asal.

batang lalaki na nanonood sa lalaking umiinom ng alak mula sa botelya; may dalawang botelyang wala nang laman sa tabi

Karaniwan din ang pag-abuso ng alkohol o droga sa mga taong walang nadadamang pag-asa na mabago ang miserableng kondisyon ng buhay. Ang mga taong naitaboy mula sa kanilang tahanan o may desperadong problema—tulad ng pagkawala ng hanapbuhay, pagkawala ng miyembro ng pamilya, o paghiwalay ng kapartner—ay nasa dagdag na panganib din na mag-abuso ng droga at alkohol.

Madalas nagsisimulang mag-abuso ng alkohol o droga ang mga babae dahil wala silang nadadamang anumang kontrol sa buhay nila o kapangyarihan na baguhin ito. Maaaring nadadama nilang nakaasa lang sila sa kapartner o lalaking kapamilya, o nakakapit sa awa nito. At kung mababa ang katayuan ng kababaihan sa komunidad, magiging mahirap para sa kanila na pahalagahan ang sarili.

Sa kasamaang-palad, pinapalala pa ng droga at alkohol ang mga problemang nabanggit, at lalong bumababa ang tingin ng mga tao sa kakayahan nilang paunlarin ang buhay. Sa halip na maghanap ng paraan para mapabuti ang kalagayan, ang karamihan ng taong umaabuso ng droga o alkohol ay nag-uubos ng panahon, oras at kalusugan sa para iwasan at kalimutan ang mga problema nila.



Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017