Hesperian Health Guides

Problema mula sa alkohol at iba pang droga

Sa kabanatang ito:

Pangkaraniwang mga problema sa kalusugan

babaeng payat at mukhang sakitin
Maaaring mapinsala nang permanente ng droga at alkohol ang iyong kalusugan.

Mas madalas at mas matinding magkasakit ang mga taong malakas maglasing at magdroga kaysa iba. Mas malamang magkaroon sila ng:

  • masamang nutrisyon, na nagdudulot ng dagdag pang mga sakit.
  • kanser, at mga problema sa puso, atay, sikmura, balat, baga at sistema ng ihian—kasama na yung nagdudulot ng permanenteng pinsala.
  • pinsala sa utak o kombulsyon.
  • mas mabilis na namumuong sakit mula sa HIV na impeksyon.
  • pagkawala ng alaala—nagigising na hindi alam ang nangyari.
  • mga problema sa kalusugan ng pag-iisip, halimbawa’y nakakakita ng kakaibang mga bagay o nakakarinig ng mga boses (halusinasyon), nagdududa sa ibang mga tao, nagkakaroon ng mga flashback o mga alaalang parang totoong-totoo, o nagkakaroon ng matinding panlulumo o pagkabalisa.
  • pagkamatay dahil sa sobrang dami sa isang gamitan (overdose).


Dagdag pa, mas madalas mapinsala o mamatay sa aksidente ang mga taong ito (at kapamilya nila) dahil gumagawa ng masamang desisyon o sumusuong sa di-kinakailangang panganib, o dahil puwedeng mawalan ng kontrol sa katawan habang gumagamit ng alkohol o droga. Kung makikipagtalik na walang proteksyon, maghihiraman ng heringgilya ng droga, o ipagpapalit ang seks sa droga, nasa panganib silang magka-hepatitis, HIV at mga impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP).

Hinaharap ng mga ngumunguya ng tabako ang karamihan ng panganib sa kalusugan ng paninigarilyo.

Mga drogang nginunguya. Ang pagngata ng tabako at pagmama ng buyo (betel, ikmo, hitso) ay madalas sumisira sa ngipin at gilagid, nagdudulot ng singaw sa bibig, kanser sa bibig at lalamunan at iba pang pinsala sa kabuuan ng katawan. Ang khat (isang halamang may droga mula sa Africa at Arabia) ay puwedeng magdulot ng problema sa sikmura at konstipasyon. Maraming nginunguyang droga ang nagdudulot ng dependence.

Pagsinghot ng mga pandikit (glue) at pantunaw (solvent). Maraming mahihirap ng tao, laluna mga batang kalye, ang sumisinghot ng mga pandikit at pantunaw para malimutan ang kanilang gutom. Lubhang nakakasugapa ito at nagdudulot ng seryosong problema sa kalusugan, tulad ng problema sa paningin, kahirapang mag-isip at makaalala, marahas na asal, kawalan ng kontrol sa katawan, malalang pangangayayat, at maging pagpalya ng puso at biglaang pagkamatay.

Maaaring mas masama sa kababaihan ang mga droga at alkohol

buntis na babaeng naninigarilyo, umiinom ng alak at nagdodroga, katabi ng salitang HUWAG!
Kapag umiinom ng alkohol, naninigarilyo o gumagamit ng droga ang buntis na babae, ‘yun din ang nangyayari sa sanggol.
HUWAG!

Dagdag sa mga problemang dinaranas ng sinumang umaabuso ng droga o alkohol, may ispesyal na problema ang kababaihan:

  • Kumpara sa lalaki, mas malamang magkasakit sa atay ang babaeng gumagamit ng maraming alkohol o droga.
  • Maraming bata at matandang babae ang natutulak sa pagtatalik na hindi nila gusto kapag sila’y gumagamit ng alkohol o droga. Maaaring magresulta ito sa hindi gustong pagbubuntis, mga INP at maging HIV.
  • Kung ginamit habang buntis, maaaring maging sanhi ang droga at alkohol ng mga batang may depekto pagkapanganak at kapansanan sa pag-iisip, tulad ng:
- problema sa puso, buto, ari, ulo at mukha.
- mababang timbang pagkapanganak.
- mabagal na paglaki.
- kahirapang matuto.

Maaari ding ipanganak ang sanggol na may adiksyon sa droga at dumanas ng parehong palatandaan ng withdrawal tulad ng nakatatanda.

Mas matinding hiya ang nadadama ng kababaihan

Sa karamihan ng mga komunidad, mas mahigpit na kinokontrol ang asal ng babae sa publiko kaysa sa asal ng lalaki. Madalas tinuturing na normal para sa lalaki na gumamit ng alkohol o droga, pero hindi para sa babae. Kung mawalan ng kontrol sa inaasal niya ang babae dahil sa sobrang alkohol o droga, kinakabig siyang ‘pakawalang babae,’ kahit na hindi siya nakikipagtalik sa iba.

Para maiwasan ang hiya na katambal ng lantaran na pag-abuso ng droga o alkohol, mas malamang gawin niya ito nang tuloy-tuloy sa mahabang panahon, sa halip na maramihang paggamit sa isang upuan. Sa ganitong paraan, mas madali niyang makontrol ang inaasal. Mas malamang mailihim niya ang pag-aabuso at maipagpaliban ang pagpapagamot. Lahat ng mga asal na ito’y nagpapalubha sa pinsala mula sa pag-abuso ng alkohol o droga.



Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017