Hesperian Health Guides

Pambungad

Sa kabanatang ito:

Nasa iyong mga kamay ang kalusugan ng kababaihan

Sa buong mundo, milyun-milyong kababaihan ang nakatira sa mga bahagi ng kanayunan o kalunsuran na walang doktor o na hindi abot-kaya ang pangangalagang pangkalusugan. Maraming babae ang nahihirapan at namamatay, kahit kayang maiwasan, dahil hindi nila maabot ang pangangalagang pangkalusugan at kulang sa malinaw at makabuluhang impormasyon sa kalusugan nila.

Sinulat ang librong ito para sa naturang mga babae, at para sa sinumang interesado na mapabuti ang kalusugan ng kababaihan. Gamit ang simpleng mga salita at daan-daang mga larawan, nagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa malawak na saklaw ng mga problema sa kalusugan ng kababaihan. Umaasa kaming lahat—bata man o nakatatandang babae at mga manggagawang pangkalusugan—ay may mapupulot ditong pakinabang o maging pansagip-buhay. Layunin naming maihatid ang ganitong impormasyon sa pinakamaraming babaeng kakayanin, sa pinakamaraming lugar na maaabot.

Hindi namin sinulat nang mag-isa ang librong ito. Para maging kapaki-pakinabang, nagtanong kami sa kababaihan sa palibot ng mundo tungkol sa mga pangangailangan, paniniwala at kaugalian nila sa kalusugan—at kung ano ang gusto nilang maisama sa libro. Nagkita ang mga grupo ng kababaihan sa maraming bansa para talakayin ang mga usaping pangkalusugan, at ibinalik sa amin ang resulta. Ipinakita nito sa amin na kahit sa kalusugang reproduktibo nakatutok ang serbisyong pangkalusugan ng kababaihan, kinakabig ng mga babaeng ito na mahalaga rin ang iba pang paksa sa kalusugan nila. Kaya sinasakop ng libro ang malawak na saklaw ng mga usapin na may kinalaman sa kalusugan ng kababaihan.

Tinulungan din kami ng mga naturang babae na maisulat ang librong ito. Tinulungang hubugin ng kanilang boses, karanasan at kuwento ang pagsusulat. Ginabayan kami ng kanilang mga komento tungkol sa ano ang pinakamahalaga, ano ang hindi malinaw o hindi tama, at kung kapaki-pakinabang ang impormasyon sa kanilang komunidad.

Kung nakakabasa ka, baka magagawa mong basahin ang librong ito para sa hindi nakakabasa. Kung may kilala kang masama ang kalusugan, kung maaari’y ibahagi mo ito sa kanila—hindi ito libro na para lang sa iisang babae. Habang nakakatuklas tayo ng mga kilos at kaisipang makakatulong lumutas sa problemang pangkalusugan ng kababaihan, nagiging mahalaga at hindi maiiwasang bahagi ng pagbabago ang sama-samang pagkilos at pagkatuto sa isa’t isa.


WWHND 2010 inside cover.png


Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024