Hesperian Health Guides

Problema sa kalusugan ng mga bagong sanggol

Sa kabanatang ito:

Maluwag at walang hirap ang paghinga ng malusog na sanggol. Dapat sumususo siya tuwing 2 hanggang 4 na oras at gumigising mag-isa kung gutom o basa. Dapat makinis ang balat niya, o may kaunti lang na pamumula o kaunting pagbubutlig na nawawala matapos ang ilang araw. Maaaring nasa panganib ang sanggol na hindi ganito ang ginagawa, at dapat mabilis na matulungan.

Kayang patayin ang sanggol sa loob ng ilang oras ng mga sakit na ilang araw o linggo bago pumatay sa nakatatanda.

Impeksyon

Napakadelikado ng impeksyon sa bagong panganak na sanggol at kailangan kaagad lunasan ng antibiotics. Depende kung gaano ka kalayo mula sa pagamutan at anong mga gamot ang mayroon ka, dapat kang magpatulong kaagad o ibigay mo na ang gamot – kahit habang papunta ka sa pagamutan.

Mga palatandaan ng panganib

NWTND Newb Page 12-1.png

umaalsa sa paghinga
lumalaki ang butas ng ilong
  • Mabilis na paghinga: lampas sa 60 na paghinga bawat minuto habang tulog o nagpapahinga.
  • Hirap huminga: umaalsa ang balikat sa paghinga, umuungol, lumalaki ang butas ng ilong sa pagsinghap, habang tulog o nagpapahinga.
  • Lagnat, lampas 37.5º C,
    o mababang temperatura, kulang sa 35.5º C.
  • Matinding pagbubutlig na maraming mga butlig o paltos. (Normal lang ang kaunting pagbubutlig.)
  • Hindi kumakain.
  • Bihirang gising, o parang walang reaksyon sa iyo.
  • Kombulsyon– walang malay at gumagalaw nang pabigla-bigla.

Maaaring mangahulugan ang anuman sa mga nasabing palatandaan na may impeksyon ang sanggol. Kung may higit sa isang palatandaan ang sanggol, mas malaki ang panganib niya at kailangan niya kaagad ng antibiotics. Kung isa lang ang palatandaan niya, pero hindi siya bumubuti nang mabilis, kailangan niya ng panlunas. Kung nilagnat ang nanay sa paglabor, maging mas alerto sa mga palatandaan ng panganib sa sanggol. Gayundin, ang sanggol na napadumi sa loob ng matris ay minsan napapasukan ng tae sa paghinga habang pinapanganak. (May buo-buong kulay tsokolate o medyo berde dahil sa tae ang kulay ng likido mula sa panubigan.) Makakapagdulot ito ng impeksyon sa baga sa loob ng ilang araw, kaya maging handa sa paggamot sa mga sanggol na ito sa unang palatandaan ng impeksyon.

Panlunas

Mag-iniksyon kaagad ng ampicillin at gentamicin. Ituloy ang pagbigay sa loob ng 5 araw. Depende sa timbang ng sanggol ang eksaktong dami ng gamot.

Dapat magsimulang bumuti ang sanggol sa loob ng 2 araw. Kung hindi pa siya bumubuti sa ika-2 araw, kailangan ng ibang antibiotics para siya maligtas. Humanap ng tulong medikal.

NWTND Newb Page 13-1.png
Sa mahabang kalamnan sa gilid ng binti mag-iniksyon ng gamot.

Pag-iyak

a man holding a crying baby while speaking to a woman.
Ako muna ang mag-alaga ng baby habangnagpapahinga ka.

Mas pala-iyak ang ibang sanggol kaysa sa iba. Malamang OK lang ang isang sanggol na pala-iyak kung normal ang iba niyang palatandaan ng kalusugan. Tingnan kung normal ang paghinga niya kung hindi siya umiiyak. Ang halos sige-sigeng pag-iyak, na madalas lumalala sa gabi, ay tinatawag na koliko (colic). Bubuti din yan sa bandang ika-3 buwan. Madalas mas mabigat ito para sa pamilya kaysa sa sanggol. Maging maalalahanin sa mga bagong ina. Tiyakin na nakukuha nila ang pahinga at tulong na kailangan nila.

Kung halos buong araw ang pag-iyak ng sanggol at hindi din siya kumakain, o hirap huminga, tandaan na maaaring palatandaan ito ng impeksyon.

Pagsusuka

NWTND Newb Page 14-1.png

Dumidighay na may halong gatas ang sanggol. Minsan marami ito at lumalabas mula sa bibig o ilong. Hindi problema ang pagdighay ng gatas hangga't madalas ang pagsuso at bumibigat ang sanggol. Subukang hawakan siya na nakapatayo pagkakain. Totoong sumusuka ang sanggol kung may puwersa mula sa katawan – sa halip na lumalabas lang ang gatas.

Mga palatandaan ng panganib
  • Paulit-ulit na pagsusuka, o walang makatagal sa sikmura
  • Pagsuka ng dugo
  • May mga palatandaan ng panunuyot (dehydration)


burping the baby.
Ipuwesto ang sanggol sa iyong balikat o tuhod at tapikin nang malumanay ang likod niya para dumighay pagkakain. Makakatulong itong mailabas ang hangin na nahigop niya habang sumususo.

Panunuyot (dehydration, kulang ng likido sa katawan)

Madaling matuyuan ang mga sanggol, at lubhang delikado sa mga sanggol ang panunuyot.

Mga sanhi
  • Pagtatae
  • Pagsusuka
  • Pagsuso na mas madalang sa minsan bawat 2–4 oras
  • Pagkain o pag-inom ng anuman na hindi gatas ng ina
    (tulad ng gatas sa lata o pakete, lugaw, o tubig)
  • Mainit na panahon
Mga palatandaan
  • Kaunti ang ihi, o ihi na madilim at matapang ang amoy
  • Tuyo ang bibig at dila
  • Matamlay ang mata o balat
NWTND Newb Page 15-1.png

Pero kahit sinong sanggol ay puwedeng matuyuan. Ang matinding panunuyot ay makakapagdulot ng paglalim ng mata, paglubog ng bumbunan (malambot na lugar sa tuktok ng ulo), pagbaba ng timbang, at kawalan ng sigla.

Panlunas

Sa unang palatandaan ng panunuyot, o kung nagtatae o nagsusuka ang sanggol, dalasan ang pagpapasuso, hangga't sumusupsop ang sanggol. Gisingin ang sanggol para uminom tuwing di bababa sa 2 oras. Puwede ka ring magbigay ng inumin para sa panunuyot (isang simpleng timpla ng tubig na may kaunting asin at asukal). Ibigay ang inuming ito matapos kang magpasuso. Nangyayari pero napakadalang, nagpapasuso nang tamang dalas ang nanay pero hindi sapat ang lumalabas na gatas (mag-click dito). Kung hindi bumuti sa loob ng ilang oras ang sanggol na may panunuyot, humanap ng tulong medikal para mapasukan siya ng likido.

Pagbubutlig

Nagkakaroon ng pagbubutlig, batik, at ibang kulay ng balat na karamihan ay hindi nakasasama at nawawala lang mag-isa. Ang pagbubutlig sa puwit ng sanggol ay dulot ng pagtagal na basa ng ihi o tae ang balat. Linisin ito nang mas madalas. Palitan ang lampin at damit kapag nabasa o nalagyan ng tae. Para sa mas matandang sanggol, kapag mainit-init ang panahon, puwede mong iwan na nakahubad ang puwit para maghilom. Makakatulong ang zinc oxide cream. Kung hindi maghihilom sa loob ng ilang araw, maaaring may impeksyon ng yeast. Gumamit ng nystatin cream. Kung maraming paltos o butlig ang sanggol, laluna kung mukhang may sakit o may lagnat ang sanggol, maaaring may impeksyon. Kung hindi magsimulang bumuti kaagad, o kung lumala ang anumang palatandaan ng impeksyon, magbigay ng antibiotics na nakalista dito.

Paninilaw o jaundice

Ang dilaw na balat o mata ay tinatawag na jaundice. Para sa sanggol na kayumanggi o maitim ang balat, tingnan ang mga mata. Hindi mapanganib ang paninilaw sa pagitan ng ikalawa at ikalimang araw matapos manganak. Pinakamahusay na panlunas ang mas madalas na pagsuso. Tutulong itong ilabas ang kemikal na nagpapadilaw sa kanya. Gisingin siya tuwing dalawang oras para sumuso. Nakakatulong din ang sinag ng araw. Ilantad sa araw na nakahubad ang sanggol sa loob ng mga 15 minuto, ilang beses bawat araw.

Mga palatandaan ng panganib
  • Nagsimula agad ang paninilaw – sa unang 24 oras ng buhay.
  • Mas huli ang simula ng paninilaw, pero sakop ang buong katawan.
  • Antukin ang sanggol na naninilaw, o hindi magising para kumain.

Humanap ng tulong para sa alinman sa mga palatandaang ito.

Mga mata

a goopy eye.

May mga maliit na butas na nagpapadaloy sa luha at langis para mamasa-masa ang mata. Kapag nabarahan ang mga ito, manlalagkit ang mga mata. Para luminis, punasahan ito ng maligamgam at basang tela.

Gumamit ng ibang tela para sa bawat mata. Sa ganitong paraan, kung may impeksyon sa isang mata, hindi kakalat sa kabila. Ang mapula at namamagang talukap ng mata na may madugong nana kapag 5 araw na ang sanggol ay malamang impeksyon ng chlamydia o gonorrhea sa mata. Painumin ng erythromycin ang sanggol – durugin at ihalo ito sa kaunting gatas mula sa suso. Kung hindi bumuti ang impeksyon sa mata sa isa o dalawang araw, kailangan ng ibang antibiotic para mapigilan ang pagkabulag. Humanap ng tulong.

Ang bumbunan

Dapat pantay ang bumbunan, ang malambot na lugar sa tuktok ng ulo. Ang nakalubog o nakaalsang bumbunan ay parehong palatandaan ng mga lubhang delikadong problema.

NWTND Newb Page 16-3.png
NWTND Newb Page 16-2.png
Ang nakalubog na bumbunan ay palatandaan ng panunuyot. Magbigay ng dagdag na gatas mula sa suso at inumin para sa panunuyot. Ang bumbunan na nakaalsaay palatandaan ng meningitis.

Ang cord sa pusod

Matapos putulin ang cord, hayaan lang ang naiwang bahagi. Huwag itong takpan. Ilayo ang mga lampin at damit. Iwasan na mahawakan, pero kung kailangan talaga, hugasan muna ang kamay ng sabon at tubig. Kung maging madumi o mabalot ng namuong dugo ang naiwang bahagi o ang pusod, linisin gamit ang sabon at tubig at malinis na malinis na tela.

Kung tatakpan ng nanay ang pusod ng benda o tela, tiyakin na malinis at maluwag ito, at palitan ang tela ilang beses bawat araw.

NWTND Newb Page 17-1.png
Lumayo sa pusod ng sanggol – at mailalayo mo rin ang impeksyon.

Matutuyo at malalaglag ang naiwang bahagi ng cord sa loob ng mga isang linggo. Kung pumula o uminit, bumaho, o magkanana ang paligid ng pusod, malamang naimpeksyon ito. Linisin nang mabuti at bigyan ang sanggol ng amoxicillin.

Kung nakangiwi ang sanggol, hindi makasuso, o parang naninigas, laluna kung mukhang may impeksyon ang paligid ng pusod, maaaring mayroon siyang tetano. Isa itong emerhensya.