Hesperian Health Guides
Sa susunod na ilang oras
HealthWiki > Bagong Kapag Walang Doktor > Kabanata 27: Bagong Panganak na Sanggol at Pagpapasuso > Sa susunod na ilang oras
Mga nilalaman
Mga gamot para sa bagong panganak na sanggol
Kung may gonorrhea (tulo) o chlamydia ang nanay (dalawang klase ng impeksyon sa ari), maaaring mahawa ang mata ng sanggol habang sinisilang, na makakapagdulot ng matinding problema sa mata at pagkabulag. Karaniwang pangyayari na may impeksyon sa ari ang nanay pero hindi niya alam. Para matiyak na hindi mahawa ang mata ng sanggol, pinakamahusay na suriin kapwa ang babae at lalaki kung may gonorrhea o chlamydia, at kung mayroon ay gamutin ang impeksyon na naihahawa sa pagtatalik. Para makaiwas sa impeksyon sa mata mula sa gonorrhea o chlamydia, lagyan ang bawat mata ng sanggol ng kaunting erythromycin o tetracycline ointment sa loob ng isa o dalawang oras pagkapanganak.
Sa mga lugar na karaniwan ang hepatitis B o kanser, mahusay na bakunahan ang sanggol laban sa hepatitis B sa unang araw pagkapanganak. Mapipigilan nito na mahawa ang sanggol ng hepatitis B mula sa nanay. Karaniwang pangyayari din na may hepatitis B ang babae pero hindi niya alam.
Suriin ang sanggol
- Kamukha lang ba siya ng iba pang mga sanggol?
- Pareho ba ng laki, hugis at posisyon ang mga bahagi ng katawan na nasa kanan at kaliwa?
- Wala bang punit o pinsala ang balat? Tingnan laluna sa ibabang bahagi ng likod. Minsan may maliit na butas doon na kailangang maoperahan kaagad.
- Normal ba ang kanyang ari? (Karaniwan lang at hindi delikado ang pamamanas sa unang araw.)
- Nakaihi na ba siya? Maaaring hindi umihi ang sanggol sa unang araw. Pero dapat makaihi na siya nang ilang beses sa ikalawang araw, at tuwing ilang oras sa susunod na mga araw. Kung hindi sapat ang pag-ihi, o kung madilim ang kulay ng ihi at malakas ang amoy, kailangan niyang dagdagan ang pagsuso. O nangyayari din pero madalang, maaaring may problema siya sa bato.
- Nakadumi na ba siya? Kung hindi, magsuot ng guwantes at maingat na ipasok ang pinakamaliit mong daliri sa butas ng puwit para matiyak na hindi ito sarado. Kung walang butas, kailangan niya ng operasyon.
May pagkakaiba na hindi mahalaga, at mayroon din na maaaring palatandaan ng seryosong problema. Kung may isang pagkakaiba ang sanggol, maging alerto na posibleng may iba pa at minsan nasa loob iyon ng katawan, Kaya dapat bantayan nang mabuti ang ganitong mga sanggol kung normal ang paghinga, kulay, at pag-ihi.
Hugis ng ulo
Normal lang na patulis ang ulo ng sanggol o may malaking paglobo tulad nito, laluna matapos ang matagal na paglabor. Mawawala ang paglobo sa loob ng ilang araw.
May pagdurugo sa ilalim ng anit ang ilang sanggol, na tinatawag na hematoma o lamog. Malambot ito kung didiinan. Hindi ito delikado, pero maaaring tumagal ng isang buwan o higit pa bago mawala.
Biyak sa labi at biyak sa ngalangala
Madaling makita ang biyak sa labi (sungi o cleft lip). Hindi palaging kapansin-pansin ang biyak sa ngalangala o ibabaw ng bibig (cleft palate). Magpasok ng malinis na daliri sa bibig ng sanggol para masalat kung sarado ang ibabaw. Nagiging delikado ang biyak sa labi o ngalangala kung pahihirapan ang sanggol na sumuso.
Para makasuso, subukang takpan ng daliri ang biyak sa labi, para mabuo ang paglapat ng bibig sa suso. Para sa biyak sa ngalangala, ipasok ang utong at maitim na bahagi sa palibot nito (areola) nang malalim sa bibig ng sanggol, sa kabilang banda ng biyak. Kung hirap pa rin ang sanggol, bigyan siya ng gatas mula sa suso gamit ang malinis na kutsara o pampatak hanggang sa lumaki siya at mas kayanin na sumuso. Dalasan ang pagpakain para manatili siyang malusog. Para matuto ng manu-manong pagpalabas ng gatas at pagpakain mula sa kutsara, mag-click dito.
Kapag 3 buwan na ang sanggol, kaya nang ayusin ng operasyon ang biyak sa labi. Kaya namang ayusin ng operasyon ang biyak sa ngalangala matapos ang 1 taon. Libre sa maraming bansa ang ganitong operasyon at malaki ang kabutihang maidudulot sa buhay ng bata. Magtanong ng impormasyon sa klinika o ospital.
Dislokasyon o pagkalinsad ng balakang, dysplasia
Napapanganak ang ilang bata na linsad ang balakang – kalas ang buto ng binti mula sa tamang kabitan nito sa balakang. Kadalasan, naaayos lang itong mag-isa sa loob ng ilang mga araw o linggo.
Baluktutin ang paa para mahawakan mo nang magkadikit ang itaas at ibabang bahagi. Ilapat ang dulo ng daliri mo sa balakang ng sanggol. Pagkatapos isa-isang igalaw ang paa nang mabagal at pabilog – palabas, palibot, pababa, at pataas ulit. Kung ang isang paa ay mas maagang napapahinto, umiigtad, o may tunog ng buto kapag ibinuka mo nang malaki, maaaring may dislokasyon ito.
Ipabitbit sa nanay ang sanggol na nakabuka ang paa katulad nito. Suriin muli ang sanggol makaraan ang dalawang linggo. Kung may maramdaman o madinig ka pa rin na pag-igtad o pagtunog ng buto, humingi na ng tulong. Kayang maiwasan ang panghabangbuhay na kapansanan ng isang simpleng pagkakabitan ng mga paa ng sanggol para manatiling nakabuka sa loob ng ilang linggo.
Baluktot ang dulo ng paa (club foot)
Kung nakabaluktot na papasok o mali ang pagkahugis ng paa ng sanggol, subukang ihubog ito pabalik sa tamang posisyon. Kung madaling gawin, ulit-ulitin nang ilang beses bawat araw. Unti-unting tutubo nang normal ang paa (o mga paa). Kung hindi madali na ihubog pabalik sa normal ang paa ng sanggol, dalhin siya sa pagamutan ilang araw matapos ipanganak. Kailangang ipasok sa cast ang paa para maituwid. Kung magagawa nang maaga, maiiwasan ang operasyon o kapansanan sa hinaharap.
Sobrang daliri sa kamay o paa
Kayang tanggalin ang sobrang daliri na maliit at walang buto sa pamamagitan ng paglagay ng mahigpit na tali sa palibot. Matutuyo at malalaglag ito. Kung malaki ang daliri o may buto, walang pinsalang maidudulot, at ligtas na hayaan na lamang ito.
Hindi problema ang kaunting balat sa
pagitan ng daliri ng paa na katulad nito.
Kung nag kadikit na ang dalawa o higit pang mga daliri, kailangan ng operasyon para mapagana sila nang tama.
Down syndrome
Maaaring kapansin-pansin agad pagkapanganak ang kapansanan na apektado ang pag-iisip o pagkatuto, o maaaring hindi ito mapansin hanggang sa medyo malaki na ang bata. Down syndrome ang isa sa karaniwang sanhi ng kabagalan sa pag-iisip. Makikita sa mga sanggol na may Down syndrome ang ilan o lahat ng mga palatandaang ito:
tumatawid sa palad
Hindi galing ang Down syndrome sa anumang ginawa ng nanay o ng ibang tao. Kung lampas sa edad 35 ang babae sa pagbuntis, mas malaki ang tsansa na magkaroon nito ang anak niya. Tulad ng ibang mga sanggol, kailangan ng mga sanggol na may Down syndrome ang parehong pagmamahal at atensyon, at may mga simpleng aktibidad na makakatulong sa kanila na matuto. Para sa dagdag na impormasyon, tingnan ang libro ng Hesperian na Disabled Village Children, May Kapansanang mga Bata sa Komunidad (Disabled Village Children), sa kabanata 32.
Pangangalaga sa mga batang may kapansanan
Marami sa mga pisikal na pagkakaiba na nagbibigay ng problema sa bata ang kayang lunasan sa bahay ng pamilya sa tulong ng isang health worker. Pero malamang mas mahalaga pa sa anumang medikal na panlunas, kailangan ng may kapansanang bata ang pagmamahal, atensyon, oras sa paglalaro, oras sa pag-aaral, at responsibilidad, tulad ng iba pang bata. Hanapin ang mga talino at kakayahan na hatid ng bawat bata.
Pinakamahusay na paraan ng pagprotekta sa mga bata ang pag-aalaga sa mga nanay nila.
Mas matinding mga depekto pagkapanganak
Dahil sa sobrang tindi, ang ilang depekto pagkapanganak ay tutungo sa kamatayan ng sanggol. Masakit na panahon ito para sa pamilya at komunidad. Bilang health worker, matutulungan mo ang pamilya na mailabas nila ang kanilang lungkot at kawalan.
Paglilinis at pagbihis sa sanggol
Gusto ng maraming nanay na protektahan ang mga sanggol nila mula sa "masamang hangin" sa pamamagitan ng maraming damit o kumot. Puwedeng masobrahan ng init ang sanggol! Sapat na ang dagdag na isang patong ng damit. |
Punasan para maalis ang anumang dugo at ang unang inilabas na tae ng sanggol (malagkit na maitim na sangkap na meconium ang tawag) pero huwag siyang paliguan. Pagkalipas ng dalawa o tatlong araw, dapat paliguan ng pamilya nang regular ang sanggol para malinis ang gatas, laway, libag at tae.
Sa pagbihis sa sanggol, magdagdag lang ng isa pang patong sa dami ng damit na kailangan ng nakatatanda. Sa unang isa o dalawang linggo, takpan ang ulo ng sanggol – kumakawala sa ulo ang malaking bahagi ng init. Magpalit agad ng damit o lampin kapag basa na o may tae. Kung pumula ang balat o magkaroon ng butlig-butlig sa ilalim ng lampin, makakatulong na mawala ito ang pag-alis muna sa nakatakip na damit o lampin.