Hesperian Health Guides
Kung may problema ka sa paglabas ng dumi o ihi
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 23: Mga problema sa sistemang ihian > Kung may problema ka sa paglabas ng dumi o ihi
Kontrol sa pagdumi
Makakatulong ang impormasyong ito sa mga taong may matigas na dumi (constipation o pagtitibi) o hirap dumumi. Matutulungang lumabas ang dumi sa paraan at panahong pinakamadali sa iyo. Pinakamahusay gumana ang bituka kapag nakaupo kaysa nakahiga, kaya sikaping maalis ang dumi kapag nakaupo sa kubeta o arinola. Kung hindi kayang umupo, sikaping gawin na nakahiga sa kaliwang gilid.
Paano magtanggal ng dumi:
- Balutin ang kamay ng guwantes na plastik o goma, o plastik bag. Maglagay ng langis sa hintuturo (puwede ang mantika o mineral na langis).
- Ipasok sa puwit nang mga 1 pulgada (2 sentimetro) ang daliri na may langis. Maingat na galawin ang daliri nang paikot-ikot sa loob ng mga 1 minuto, hanggang magrelaks ang kalamnan at maitulak palabas ang dumi.
- Kung hindi lumabas nang kusa ang dumi, maglabas ng pinakamaraming makakaya gamit ang daliri.
- Linisin nang maige ang puwit at balat sa palibot nito, at maghugas ng kamay.
Pagkontrol sa pantog o sa pag-ihi
Minsan kailangang palabasin ang ihi mula sa pantog sa pamamagitan ng tubong goma o plastic na tinatawag na catheter. Huwag na huwag gumamit ng catheter maliban kung lubhang kinakailangan. Kahit maingat sa pag-catheter, maaari itong magdulot ng impeksyon sa pantog at bato. Kaya dapat gamitin lang ito kung ang tao’y may:
- punung-puno at masakit na pantog, at hindi maka-ihi.
- vesico-vaginal fistula (VVF).
- kapansanan o pinsala, at hindi maramdaman ang mga kalamnan na kumokontrol sa pag-ihi.
Paano magpasok ng catheter
1. Hugasan nang mabuti ang catheter gamit ang malinis at maligamgam na tubig at banayad na sabon. Banlawan ng malinis at maligamgam na tubig. | |
2. Hugasang mabuti ng sabon at malinis na tubig ang balat sa palibot ng ari. Tiyakin na malinis ang labasan ng ihi at mga tiklop ng balat sa paligid (vulva). Kapag walang sabon na banayad, gumamit lang ng malinis na tubig. Masisira ang balat pag matapang ang sabon. | |
3. Maghugas ng kamay. Pagkatapos maghugas, tanging bagay na isterilisado o malinis na malinis lang ang hawakan. | |
4. Maupo na di dumidikit ang ari sa anumang bagay. Maaring sa gilid ng silya o malinis na inidoro. Kung uupo sa lapag o sahig, lagyan ng malinis na tela sa ilalim at palibot ng ari. | |
5. Hugasan uli ang kamay ng alkohol o ng banayad na sabon at malinis na tubig, o magsuot ng isterilisadong gwantes. | |
6. Pahiran ang buong catheter ng isterilisadong pampadulas na natutunaw sa tubig (huwag langis o petroleum gel). Proteksyon ito sa malambot na balat ng ari at tubong ihian (urethra). Kung walang pampadulas, tiyakin na basa pa ito ng pinakuluang tubig, at maging maingat pag ipinapasok. | |
7. Kung ipapasok mo ang catheter sa sarili, gumamit ng salamin para makita kung saan ang butas ng ihian, at gamitin ang hintuturo at gitnang daliri para hawakan pabukas ang balat sa palibot ng puwerta. Ang butas ng ihian ay nasa ilalim ng tinggil, halos sa bukana ng puwerta. Kung nagawa mo na ito ng ilang beses, makakapa mo na ang butas at di na kailangan pa ang salamin. | |
8. Tapos, gamit ang gitnang daliri, hipuin ang bandang ilalim ng tinggil. May madadama kang parang maliit na uka o biloy, at sa ilalim lang nito ang butas ng ihian. Panatilihin ang gitnang daliri sa natumbok na lugar. Sa kabilang kamay, hawakan ang malinis na catheter 4–5 pulgada mula sa dulo, idikit ang dulo sa tinutumbok ng gitnang daliri, at maingat na giyahan ang catheter papasok sa butas hanggang sa magsimulang lumabas ang ihi. | Tiyakin na pababa ng posisyon ng catheter para makadaloy ang ihi. |
Malalaman mo kung sa puwerta papasok ang catheter sa halip na sa ihian, dahil madali itong papasok, pero walang ihi na lalabas. At saka kapag tinanggal mo, may kakapit na discharge (mucus mula sa puwerta). Banlawan ang catheter ng malinis na malinis na tubig at subukan ulit. |