Hesperian Health Guides

Pagdadalaga at mga pagbabago sa iyong katawan

Sa kabanatang ito:

Nagbabago ang katawan ng lahat ng batang babae, pero may pagkakaiba sa bawat babae. Kaya huwag mag-alala kung hindi eksaktong kahawig ng katawan mo ang sa kapatid o kaibigang babae.

Paglaki. Malamang ang unang pagbabago ay ang mabilis na paglaki. Baka may panahong mas matangkad ka sa lahat ng lalaki na ka-edad mo. Madalas hihinto ang paglaki mga 1–3 taon tapos ng unang regla.

Pagbabago sa katawan. Bukod sa mabilis na paglaki, magbabago rin ang katawan mo. May mga natural na kemikal sa katawan na tinatawag na hormones na nagpapalaki sa katawan at nagbubunsod din ng mga pagbabago.

Dagdag na impormasyon
pag-unawa sa ating katawan

Hindi sabaysabay o pareho ang pagkakasunodsunod ng lahat ng mga pagbabago sa pagdadalaga.

Sa loob ng katawan. May iba pang mga pagbabago na hindi mo makikita. Lumalaki at nagbabago ng posisyon ang matris, mga tubo, obaryo at puwerta.

Ang nararamdaman mo. Sa pagdaan mo sa mga pagbabagong ito, mas napapansin mo ang iyong katawan. Maaari ding maging mas interesado ka sa mga lalaki, at sa iyong mga kaibigan. Baka may pagkakataong mahirap kontrolin ang iyong damdamin. Sa mga araw bago ang regla, mas karaniwan na may malalakas kang damdamin na sari-sari—tulad ng tuwa, galit at pag-aalala.

Buwanang regla

Palatandaan ang regla na puwede nang magbuntis ang katawan mo. Walang makakatiyak kung kailan siya eksaktong magsisimula ng pagregla. Madalas mangyari ito pagkatapos lumaki ang suso at magsimulang tumubo ang mga buhok sa katawan. Ilang buwan bago ang unang regla, maaaring may mapansing pamamasa mula sa puwerta, at mamantsahan ang panloob na saplot. Normal lang ito.

Natutuwa ang iba sa pagsisimula ng kanilang regla, laluna kung alam na nila ang mangyayari. Pero yung hindi nasabihan tungkol dito ay madalas nag-aalala sa pagsisimula ng pagdugo. Ang pagregla ay nangyayari sa lahat ng babae, na puwede mong tanggapin at ipagmalaki pa. Huwag kang maniwala sa magsasabing madumi o dapat ikahiya ito.

Pag-alaga sa sarili habang may regla

Pananatiling malinis. Mas gusto ng maraming babae ang napkin, pad, o sapin na gawa sa tiniklop na tela, bulak o materyal na sumisipsip sa dugo. Para maipuwesto, ginagamitan ito ng tali, imperdible o iniipit sa panloob na saplot. Dapat palitan ito ng ilang beses bawat araw, at kung gagamitin muli, labhan nang mabuti sa sabon at tubig.

pad para sumipsip ng dugo sa panahon ng pagregla
napkin o pad o pasador
tampon na may tali sa dulo
tampon

May nilalagay naman sa loob ng puwerta ang ibang babae na binibili o ginagawa mula sa bulak, tela o espongha. Ang tawag dito ay tampon. Kung gagamit ka nito, tiyakin na palitan nang 3 beses o higit pa bawat araw. Makakapagdulot ng malubhang impeksyon ang pagiwan sa loob ng tampon nang sobra sa isang araw.

Araw-araw, hugasan ng tubig ang labas ng ari para matanggal ang naiwan na dugo. Gumamit ng banayad na sabon kung kaya.

Aktibidad. Puwedeng ipagpatuloy ang lahat ng regular na ginagawa.

Mabuti sa katawan na maligo
kapag may regla.
tatlong babaeng naglalaro ng bola; isa ang nasa wheelchair o upuang de-gulong
dalawang kabataang babaeng naliligo gamit ang tubig sa batya at sabon
Maaaring makatulong ang pagehersisyo para mabawasan ang sakit na nararamdaman ng ilang babae habang may regla.



Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017