Hesperian Health Guides
Pagbabagong puwedeng tumungo sa mas mabuting buhay
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 5: Usaping pangkalusugan ng mga batang babae > Pagbabagong puwedeng tumungo sa mas mabuting buhay
Nabubuo ang pagtingin ng babae sa sarili habang lumalaki siya. Mahalagang matutuhan ng babae ang magandang pagtingin sa sarili habang bata pa, para malubos niya ang sariling pag-unlad at makatulong mapabuti ang kanyang komunidad. Mas malamang matutunan ito ng batang babae kung pinapakitaan siya ng pagpapahalaga ng pamilya at komunidad niya.
Sa maraming lugar, pinapalaki ang mga batang babae sa paniniwalang mas mahalaga sa kanila ang mga batang lalaki. Tinuturuan silang ikahiya ang katawan at ang pagiging babae. Natututunan nilang tanggapin ang mas kaunting pag-aaral, mas kaunting pagkain, dagdag na abuso, at mas maraming trabaho kaysa sa kapatid na lalaki. Bukod sa direktang pagpinsala sa kalusugan, naibababa nito ang pagtingin ng babae sa sarili at ang kakayahang gumawa ng tamang desisyon para sa mas malusog na hinaharap. Pinapakita ng ganitong pagpapalaki na sa mata ng komunidad, hindi kasing-halaga ng lalaki ang mga babae.
Pero kapag kinikilala ng komunidad ang halaga ng bawat tao—lalaki man o babae—mararamdaman ng batang babae sa paglaki na kaya niyang bumuo ng mas magandang buhay para sa sarili, sa pamilya at sa mga kapitbahay.
Dagdag na impormasyon
mababang katayuan ng kababaihanAng pagtrato ng komunidad sa mga babae ay nakakaapekto rin sa pagtrato ng pamilya sa batang babae. Halimbawa, kung naniniwala ang komunidad na dapat matuto ng mga kasanayan ang babae, mas malamang na gustuhin ng mga pamilya roon na paaralin ang anak na babae hanggang kaya. Pero sa komunidad na ‘trabahong pambabae’ lang ang puwede sa kababaihan, at hindi sila pinapayagang dumalo sa anumang pagtitipon na pampubliko, mas malamang na hindi maniwala ang mga pamilya na kailangang may pinag-aralan ang mga anak na babae.
Maraming paraan para tulungan ang mga batang babae na bumuti ang pakiramdam sa sarili, at tulungan ang mga pamilya at komunidad na maintindihan na maaaring gumanda ang buhay ng mga batang babae. May ilang ideya sa mga susunod na pahina.
Magagawa ng batang babae para bumuti ang buhay
Maghanap ng makakausap na sa tingin mo ay makikinig at makakaunawa—kaibigan, kapatid o iba pang kamag-anak na babae. Makipag-usap tungkol sa mga pangamba at problema mo. Sama-sama, puwedeng pagkuwentuhan ninyo ang mga matatag na babae sa inyong komunidad, mga gustong abutin, at mga pangarap sa hinaharap.
Gumawa ng mga bagay na mahalaga sa tingin mo at ng iyong mga kaibigan. Kung may makita kang problema sa komunidad, magsasama-sama kayong magkakaibigan at kumilos para baguhin ito. Lalakas ang inyong loob kung makita ninyong bumuti ang komunidad dahil sa inyong pagsisikap.
Mga pagpapasya para sa mas mabuting hinaharap
May mga mahalagang desisyon na magagawa ka kasama ang iyong pamilya para lumikha ng bagong posibilidad sa hinaharap.
Edukasyon at pagsasanay. Makakatulong ang edukasyon para tumaas ang pagtingin mo sa sarili, gumanda ang hanapbuhay, at mabuhay na mas masaya at malusog. Para sa maraming batang babae, nagbubukas ng pinto ang edukasyon para sa mas mabuting hinaharap. Kahit hindi mo kayang mag-aral, may ibang paraan para matuto ng pagbasa at mga kasanayan.
Paghihintay bago mag-asawa.
Kausapin mo ang iyong pamilya na maghihintay ka muna na maging handa at makatagpo ng tamang kapartner. Maraming babae ang nakakatapos ng pag-aaral at nakakapagtrabaho muna bago magsimula ng sariling pamilya. Makakatulong ito na mas makilala mo ang sarili at kung ano ang gusto mo. Kung maghihintay ka, baka makatagpo ka pa ng kapartner na pareho sa iyo ang pagtingin sa buhay.