Hesperian Health Guides

Pagpapasya tungkol sa boyfriend at pagtatalik

Sa kabanatang ito:

Mahirap ang mga desisyon tungkol sa lalaki. Nagsisimulang makaramdam ang karamihan ng kabataan ng pagmamahal o sekswal na damdamin habang nagkakaedad. Hindi pambihira ang magisip na humipo o hipuin ng iba sa paraang sekswal. (Maaari pa ngang mag-isip ng ganito patungkol sa kapwa babae.) Pero madalas nauuna ang ganitong damdamin kaysa sa kahandaan na isagawa ito.

dalawang kabataang lalaki na nag-uusap

batang babaeng mag-isang nakatayo at may batang lalaking iniisip

May gusto kaya siya sa akin?

Nakikipagtalik ang mga kabataang babae sa maraming dahilan. Ang iba ay gustong magkaanak. Ang iba ay nakakadama ng kasiyahan o pagnanais ng iba. Sa pakiramdam naman ng iba, wala silang magagawa dahil obligasyon nila ito bilang asawa. Ang iba’y napipilitang ipagpalit ang seks sa pera o iba pang kailangan para mabuhay, tulad ng pagkain, damit para sa mga anak nila, o lugar na matitirhan.

Makipagtalik lamang kung nakapagpasya kang handa ka na at alam mong proteksyunan ang sarili mula sa kapahamakan. Maaaring masiyahan ang magpartner sa seks, pero hindi puwede kung may takot o kahihiyan.

Sa tingin naman ng iba, mas mamahalin sila ng lalaki kung makikipagtalik. Naitatanim ng iba sa isip ng babae na kailangan niyang makipagtalik kahit hindi pa siya handa.

Walang dapat makipagtalik kung hindi niya gusto. Makipagtalik ka lang kung makapagpasya kang handa ka na. Maaaring ikasiya ng magpartner ang pagtatalik, pero mahirap masiyahan sa isang bagay kung natatakot o nahihiya ka.

Kung handa ka na sa isang sekswal na relasyon, palagi mong proteksyunan ang sarili laban sa pagbubuntis at sakit. Para sa dagdag na kaalaman kung paano, tingnan ang mga kabanata tungkol sa “Pagpaplano ng pamilya,” “Impeksyon na naihahawa sa pagtatalik,” “HIV/AIDS,” at “Kalusugang sekswal”.

Pagkakaroon ng relasyon na walang pagtatalik

babae at lalaking nakaupo sa bangko at magkaakbay

Sa pagbubuo ng mapagmahal na relasyon, kailangan ng panahon, malasakit, respeto at tiwala ng magkabilang panig. Hindi lang pakikipagtalik ang paraan para ipakita mong may pagtingin ka sa isang tao. Hindi nangangahulugang magmamahalan kayo dahil sa pagtatalik.

Dagdag na impormasyon
pamimilit na makipagtalik

Maaari kayong magbigay ng panahon sa isa’t isa na walang seks. Sa pag-uusap at pagpapalitan ng karanasan, may malalaman kayong mas mahalaga sa isa’t isa—ang pagtingin ninyo sa buhay, mga desisyon na gagawin nang magkasama, anong klaseng partner at magulang ang inyong kalalabasan, at ano ang pakiramdam ninyo sa plano sa buhay ng bawat isa. Ang paghipo sa isa’t isa (na walang pagtatalik) ay nagbibigay ng kasiyahan at hindi peligroso, huwag lang mauwi sa kawalan ng kontrol at pagtatalik na hindi ka pa handa.

Kausapin mo ang iyong boyfriend. Kung tiyak mong tama siya para sa iyo, pero hindi ka pa tiyak sa pagtatalik, mag-usap kayo ng mga paraan sa paghihintay. Baka lumabas na hindi rin siya handa. Kung nirerespeto n’yo ang isa’t isa, makakapagpasya kayo nang magkasama.

Kausapin mo ang iyong mga kaibigan. Baka matuklasan mong may kaibigan kang babae na mabigat din ang mga kaharap na pagpipilian. Puwedeng magtulungan kayo sa pagbubuo ng magandang relasyon na walang seks. Pero timbangin mo nang mabuti ang payo ng isang kaibigan na nakikipagtalik na. Baka kumbinsihin ka niyang gawin ang isang bagay na ginagawa na niya, para gumaan ang loob niya tungkol dito. Ang tawag dito ay ‘peer pressure’ o tulak ng pakikisama.

Proteksyon kung handa ka nang makipagseks

kabataang babae at lalaking magkatabing nakaupo
Kung may pagpapahalaga nga siya sa iyo, poprotektahan ka niya. Kung pinipilit niya ang pakikipagseks, baka sarili lang ang pinapahalagahan niya.

Kung makapagpasya kang handa ka na sa isang sekswal na relasyon, kailangan mong proteksyunan ang sarili mula sa pagbubuntis at sakit. Maraming paraan para gawing mas ligtas ang pagtatalik. Ibig sabihin nito, kailangang magplano ka bago makipagtalik.

Kausapin mo ang iyong boyfriend bago makipagtalik. Ipaalam mo sa kanya kung gaano kahalaga na maproteksyunan mo ang sarili. Kung nahihirapan kayong pag-usapan ito, baka sa simula, ibang magpartner kunwari ang pinag-uusapan ninyo.

Dagdag na impormasyon
mas ligtas na pagtatalik
batang babaeng nakikinig sa nakatatandang babae habang magkasama silang naglalakad

Maraming komunidad ang may mga tauhang sinanay sa pagbibigay ng condom at iba pang paraan ng kontrasepsyon. Makipag-usap sa kanila o magtanong sa health worker kung saan makakakuha nito. Kung nahihiya kang magtanong, maghanap ng mapagkakatiwalaang tao na tutulong sa iyo. May ibang klinika ng pagpaplano ng pamilya na may ispesyal na serbisyo para sa mga kabataan, at maaaring may sinanay na peer counselor o kabataang tagapayo na makakapagbigay sa iyo ng impormasyon.

Dahil hindi mo naman malalaman sa tingin lang kung may INP o HIV/ AIDS ang isang lalaki, mas ligtas lang ang pagtatalik kung gagamit ka palagi ng condom. Kung may lumalabas na nana o likido mula sa titi ng lalaki, o may pagsusugat ito, may impeksyon siya at halos tiyak na maipapasa sa iyo!

Kung nakipagtalik ka at may napansin kang bagong discharge o lumalabas mula sa iyong puwerta, pagsusugat sa iyong ari, o sakit sa iyong puson, posibleng may INP ka. Tingnan ang bahagi tungkol sa “Impeksyon na naihahawa sa pagtatalik.”


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017