Hesperian Health Guides
Ano'ng aasahan pagkatapos magpalaglag
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 15: Pagpapalaglag at mga kumplikasyon nito > Ano'ng aasahan pagkatapos magpalaglag
Dapat magsimula ang pagregla mga 4–6 na linggo pagkalipas ng pagpapalaglag. Pero puwede kang mabuntis muli pagkaraan ng 11 araw.
Pagkatapos magpalaglag, dapat mawala paglipas ng isang araw ang mga palatandaan ng pagbubuntis tulad ng pagkaduwal at masakit na suso. Kung hindi ito mawawala, maaaring buntis ka pa rin—sa matris man o isa sa mga tubo mo. Isa itong emerhensya. Magpatingin agad sa isang health worker.
Maaaring pagod ka at may bahagyang paghilab o pananakit isang araw matapos magpalaglag. Duduguin ka mula sa puwerta nang hanggang 2 linggo. Pero pagkatapos ng unang araw, dapat hindi ito lalakas pa sa mahinang regla. Dapat magsimula ang susunod mong normal na regla mga 4–6 na linggo matapos magpalaglag. Maaaring mas mahuli ito kung lampas sa 5–6 na buwan ang pagbubuntis mo.
Kung wala kang nakausap bago magpalaglag, baka makatulong na may makausap ka ngayon. Maaaring guminhawa ka kung bubuksan mo ang iyong damdamin sa taong pinagkakatiwalaan mo.
Paano alagaan ang sarili pagkatapos magpalaglag:
- Para makaiwas sa impeksyon, uminom ng 100 mg ng doxycycline, 2 beses, sa araw ng pagpapalaglag. (Pero kung nagpapasuso ka, mas mabuti ang 500 mg ng erythromycin 4 na beses bawat araw sa loob ng 7 araw.)
- Huwag makipagtalik o magpasok ng anumang bagay sa puwerta sa loob ng di bababa sa 2 araw matapos huminto ang pagdurugo.
- Kung may paghilab o pananakit, magpahinga at magpatong ng mainit na lalagyan ng tubig sa iyong puson. O uminom ng paracetamol o ibuprofen.
- Para maibsan ang pananakit at pagdurugo, himasin o masahehin nang madalas ang iyong puson. Makakatulong ito na umimpis ang matris tungo sa normal na laki at mabawasan ang pagdurugo.
- Uminom ng maraming likido para mas mabilis kang makabawi.
- Makakabalik ka sa iyong normal na aktibidad kapag maayos na ang pakiramdam mo, madalas sa loob ng isang araw.