Hesperian Health Guides
Kumplikasyon ng pagpapalaglag
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 15: Pagpapalaglag at mga kumplikasyon nito > Kumplikasyon ng pagpapalaglag
Mga nilalaman
Malakas na pagdurugo mula sa puwerta
Malakas na pagdurugo ang pinakamadalas na problema matapos magpalaglag. Karaniwan dulot ito ng mga piraso ng binubuntis na naiwan sa matris. Hindi makaimpis ang matris para sumara, kaya tuluy-tuloy ang pagdurugo. Hindi nakumpletong pagpapalaglag ang tawag dito. Kung matanggal ang mga piraso, madalas ay humihinto ang pagdurugo. Dulot minsan ng napunit na cervix ang pagdurugo, na kailangang tahiin para mapaampat.
Nakakapigil sa sakit, pagkabaog, at kamatayan ang maagang paglunas sa kumplikasyon ng aborsyon. Mabilis na maghanap ng tulong kung magkaroon ka ng problema matapos ang pagpapalaglag. HUWAG MAGHINTAY!
Sobra ang pagdurugo kung babad ang 2 malaking pads o tela sa isang oras, sa 2 magkasunod na oras. Delikado rin ang mabagal at tuluy-tuloy na pagtulo ng matingkad na pulang dugo. Kung mangyari ito, maaaring mabilis na maubusan ang babae ng delikadong dami ng dugo. Kung hindi agad makakuha ng tulong medikal, sikaping mapahinto ang pagdurugo.
Pagpahinto ng pagdurugo
Sa pagmasahe, maaaring matulungan ang matris na umimpis at ipitin pasara ang sarili. Puwedeng gawin ito sa sarili ng babae o ipagawa sa iba. Gawin ang paghimas o pagmasahe nang malakas sa puson habang nakahiga o nakapanimpuho (naka-squat).
Kung may piraso ng himaymay na naiwan sa matris o cervix, baka mailabas niya ito sa pamamagitan ng pagtimpuho at pagiri na parang dudumi o manganganak.
Kahit na mukhang gumagana ang mga panlunas na ito, maghanap ng tulong medikal sa pinakamaagang makakaya. Mangangailangan ang babae ng antibiotics, at maaaring kailangan pa ring simutin ang laman ng kanyang matris.
Tulong emerhensya para sa sobrang pagdurugo
Maaaring masundan ng mga health worker at iba pang may kasanayan sa pag-pelvic exam ang mga hakbang na ito para subukang mapahinto ang pagdurugo hanggang sa kaya nang simutin ang laman ng matris.
- Hugasan ang kamay mo at ang ari ng babae ng sabon at malinis na tubig.
- Magsuot ng malinis na latex o plastik na guwantes, o malinis na malinis na plastik na supot sa isang kamay. Hindi dapat humawak ng kahit ano ang kamay na may guwantes bago ipasok sa puwerta ng babae.
- Pahigain ang babae na lapat ang likod at magkahiwalay ang tuhod at paa. Tulungan siyang magrelaks.
- Kung may isterilisadong speculum (makakakuha ng tamang instrumento mula sa isang IUD kit, kung mayroon nito), ipasok ito sa puwerta para makita ang bukana ng matris. Kung may makita ka roon na mga himaymay o dugong natuyo o namuo, subukang ipitin ng isterilisadong forceps o clamps, at maingat na hatakin palabas.
- Kung wala kang speculum, abutin ang loob ng puwerta ng iyong kamay na may guwantes. Gumamit muna ng 1 daliri, pagkatapos ay 2 daliri.
- Kapain ang cervix. Kung kapain, mas matibay at makinis ito kaysa sa balat sa paligid. Ganito ang itsura ng cervix at ganito rin humigit-kumulang ang laki.
- Galawin ang daliri mo sa bukana at kapain kung may mga piraso ng binubuntis na nakausli doon. Kung kapain, para itong malambot na karne. Subukang tanggalin nang maingat. Kung masyadong madulas, tanggalin ang kamay mo at balutin ang dalawang daliri ng isterilisadong gasa, o malinis na tela na pinakuluan sa tubig. Subukan muli na tanggalin ang mga ito.
- Matapos matanggal ang mga piraso, ilagay ang nakaguwantes na kamay sa puwerta. Ipuwesto sa ilalim ng matris ang dalawang daliri. Gamit ang kabila mong kamay, himasin o masahehin ang kanyang puson para matulungang huminto ang pagdurugo. Dapat nasa pagitan ng dalawa mong kamay ang kanyang matris.
- Iniksyunan ang babae ng ergometrine (0.2 mg) sa malaking kalamnan, halimbawa sa pigi o hita. Pagkatapos, bigyan siya ng 0.2 mg na pildoras o iniksyon ng ergometrine tuwing 6 na oras sa loob ng 24 oras. Puwede rin gumamit ng misoprostol: magbigay ng 600 mcg sa bibig o magpasok ng 600 mcg sa puwit (magsuot ng guwantes).
- Magbigay agad ng antibiotics para mapigilan kaagad ang impeksyon. Malaki ang panganib niya sa impeksyon dahil bukas sa mga mikrobyo ang matris.
- Kung gising siya, bigyan mo ng maiinom. Kung walang malay, tingnan ang susunod na pahina.
- Dalhin kaagad sa ospital, kahit na sa tingin mo ay natanggal na ang mga himaymay at huminto na ang pagdurugo. Kailangan pa ring masimot ang laman ng matris. Kung hindi huminto ang pagdurugo, patuloy na himasin o masahehin ang kanyang puson habang dinadala sa ospital.
Gumamit ng isterilisadong forceps para magtanggal ng anumang himaymay na makita mo sa bukana ng matris. |
cervix, ang bukana ng matris |
Dagdag na impormasyon
paano mag-iniksyon
IHATID!
Shock
Ang shock ay isang kondisyong nakamamatay na maaaring magmula sa matinding pagdurugo. Puwede ring magdulot ng shock ang pagdurugo sa loob ng katawan.
DELIKADO! Ang malakas na pagdurugo ay maaaring magdulot ng SHOCK, na makakamatay. Isugod sa pagamutan.
Mga Palatandaan:
- napakabilis na tibok ng puso, lampas sa 100 beses bawat minuto para sa nakatatanda (adult)
- maputla, malamig, mamasa-masang balat
- maputla ang ilalim ng talukap ng mata, bibig at palad
- mabilis na paghinga, lampas sa 30 beses bawat minuto
- pagkalito o pagkawala ng malay (hinimatay)
Panlunas kung may malay:
- Pahigain ang babae na mas mataas ang paa kaysa sa ulo.
- Takpan siya ng kumot o mga damit.
- Kung kaya niyang uminom, pahigupin ng tubig o oresol (oral rehydration solution).
- Tulungan siyang manatiling kalmado.
- Kung alam mong gawin, magsimula ng mabilis na intravenous drip (IV o suwero) gamit ang matabang karayom, o simulan ang pagbigay ng likido sa puwit (rectal fluids).
Panlunas kung walang malay:
- Pahigain na nakapatagilid, mababa ang ulo at nakapatingala, at mataas ang paa.
- Kung para siyang nabubulunan, hilahin mo paharap ang dila niya.
- Kung masuka, linisin kaagad ang bibig. Tiyaking mababa ang ulo, nakapatingala at patagilid, para hindi niya mahinga ang suka papasok sa baga.
- Huwag bigyan ng kahit anong dadaan sa bibig hangga’t hindi siya nagigising nang isang oras.
IHATID!
- Kung alam mong gawin, magsimula ng mabilis na intravenous drip (IV o suwero) gamit ang matabang karayom. Kung hindi, simulan ang pagbigay ng likido sa puwit).
Huwag maghintay sa pagdating ng isang health worker. ISUGOD sa ospital o saanman may tulong medikal. Kailangan niya ng maagap na tulong medikal!
Impeksyon
Kung may impeksyon, mas malamang na mahina o bahagyang impeksyon ito kung ginawa ang pagpapalaglag nang mas maaga sa 3 buwan (12 linggo) pagkalipas ng huling pagregla.
Ang malubhang impeksyon ay yung kumalat na sa dugo (sepsis). Mas malamang na malubha ang impeksyon kung ginawa nang lampas 3 o 4 na buwan pagkatapos ng huling regla, o kung napinsala ang matris sa pagpapalaglag. Napakadelikado ng sepsis at maaari ring magdulot ng shock. Maaaring mangyari ang impeksyon kapag:
- may ipinasok na hindi malinis na kamay o bagay sa loob ng matris.
- may mga piraso ng pagbubuntis na naiwan sa loob ng matris at naimpeksyon iyon.
- may impeksyon na ang babae nang magpalaglag siya.
- nabutas ang dingding ng matris.
Palatandaan ng bahagyang impeksyon:
- kaunting lagnat
- bahagyang pananakit sa tiyan
Panlunas sa bahagyang impeksyon:
Para hindi lumala ang bahagyang impeksyon, gamutin ito kaagad ng mga medisinang nakalista sa ibaba. Kailangan ng lampas sa isang gamot dahil mula sa iba’t ibang klaseng mikrobyo ang mga impeksyon pagkatapos magpalaglag. Kung walang mabili o makuha sa mga gamot na nakalista sa ibaba, tingnan ang mga “Berdeng Pahina” para sa iba pa na tumatalab. Dapat gamitin ng babaeng nagpapasuso ang panlunas sa impeksyon sa matris matapos manganak.
Palatandaan ng malubhang impeksyon:
|
IHATID!
Panlunas para sa malubhang impeksyon:
- Dalhin agad ang babae sa isang health center o ospital.
- Simulan agad ang sumusunod na mga gamot, kahit papunta na kayo sa ospital. Kung kaya niyang lumunok, painumin siya ng mga gamot na ito kasabay ng maraming tubig:
Mga gamot para sa malubhang impeksyon pagkatapos magpalaglag
Panlunas: | ||
Ibigay ang isa sa mga kombinasyon ng gamot: | ||
Ibigay lahat ng 3 gamot | ||
ceftriaxone | 250 mg IM | 1 beses lang |
at | ||
doxycycline | 100 mg, iinumin | 2 beses bawat araw |
(iwasang gumamit ng doxycycline kung nagpapasuso) | ||
at | ||
metronidazole | 500 mg, iinumin o IV (suwero) | 3 beses bawat araw |
O KAYA | ||
---|---|---|
ampicillin | 2 g (2000 mg) IV o IM isang beses sa simula, tapos, 1 g (1000 mg) IV o IM sa mga susunod na dose | 4 na beses bawat araw |
at | ||
gentamicin | 80 mg IV o IM | 3 beses bawat araw |
at | ||
metronidazole | 500 mg, iinumin o IV | 3 beses bawat araw |
O KAYA | ||
Ibigay ang 2 gamot | ||
clindamycin | 900 mg IV | 3 beses bawat araw |
at | ||
gentamicin | 80 mg IV o IM | 3 beses bawat araw |
MAHALAGA! Kung hindi bumubuti ang babae sa loob ng 24 oras na sinimulan ang mga gamot, kailangan siyang dalhin na kaagad sa ospital | ||
Itigil ang pagbibigay ng gamot sa pamamagitan ng iniksyon o suwero (IV) kapag nawala na ng 48 oras ang mga palatandaan ng impeksyon. Pagkatapos, simulan ang pagpapainom ng gamot, kasabay ang maraming tubig. | ||
Kapag 48 oras nang nawala ang mga palatandaan | ||
Ibigay ang 2 gamot: | ||
doxycycline | 100 mg, iinumin | 2 beses bawat araw sa loob ng 10 araw |
(iwasan ang paggamit ng doxycycline kung nagpapasuso) | ||
at | ||
metronidazole | 500 mg, iinumin | 3 beses bawat araw sa loob ng 10 araw |
Pinsala sa loob ng katawan
Kadalasan dulot ng matalas na bagay na nakabutas sa matris ang panloob na pinsala mula sa aborsyon. Maaaring napinsala rin ang iba pang panloob na organo tulad ng mga tubo, obaryo, bituka at pantog.
Kapag may panloob na pinsala ang babae, maaaring may matinding pagdurugo siya sa loob ng tiyan pero walang pagdurugo sa puwerta.
Palatandaan (mayroon siyang ilan o lahat ng mga ito):
Makinig sa loob ng 2 minuto kung may tumutunog o lumalaguklok (gurgling sound). |
- matigas sa pakiramdam ang tiyan at walang tunog o lumalaguklok sa loob
- napakatinding sakit o paghilab sa tiyan o puson
- lagnat
- pagkaduwal at pagsuka
- sakit sa isa o dalawang balikat
Panlunas:
IHATID!
- Dalhin agad ang babae sa ospital o klinika na kayang mag-opera. Kailangang makumpuni agad ng siruhano (surgeon) ang pinsala sa loob, kung hindi’y maaaring tumungo sa impeksyon, shock at kamatayan.
- Huwag siyang bigyan ng kahit anong dadaan sa bibig—pagkain, inumin o kahit tubig—maliban kung lalampas sa 12 oras bago makarating sa health center. Kung lalampas nga sa 12 oras, bigyan lang siya ng pakaunti-kaunting higop ng tubig, o pasipsipin lang sa basang tela.
- Kung may palatandaan ng shock, lunasan siya para sa shock (tingnan Shock). Tiyaking walang nakabara sa bibig at nakakahinga siya.
- Bigyan siya ng gamot para sa impeksyo. Kung kaya, bigyan ng bakuna para sa tetano.
Pag-alalay sa damdamin matapos mahinto ang pagbubuntis
Maaaring may mabibigat na damdamin ang babae matapos magpalaglag, kahit na alam niyang tama ang ginawa niyang pagpapasya para sa sarili at pamilya. Maaaring makadama ang ilan ng magkahalong ginhawa, lungkot, dalamhati, pagsisisi, hiya, galit at maging pagmamahal. Karaniwan din sa mga babae na makadama ng lungkot at dalamhati kapag natapos ang pagbubuntis. Normal ang mga damdamin na ito, pero mapapalala lang kung itatago o magpapanggap na walang nangyari. Maraming babae ang nagsasabing nakatulong sa kanila ang pakikipag-usap sa ibang babae na may parehong karanasan.
Madalas, hindi nakakuha ng maayos na pangangalaga ang babaeng may seryosong problema sa kalusugan dulot ng pagpapalaglag. Maaaring bastos o nakakasakit ang pagtratong ginawa ng nagbigay serbisyo. Maaaring napakasakit o nakakatakot ang dinanas na aborsyon ng babae. Kung iligal ang pagpapalaglag, maaaring nangangamba ang babae na maparusahan.
Maaari ring makatulong sa mga babae ang paggawa ng ritwal ng pagmumuni para makabitaw sa nangyari at makapagpatuloy sa kanilang buhay. Halimbawa, maaaring maging simbolo ng pagsasara ang paglilibing o pagsunog ng bagay na may kinalaman sa pagpapalaglag. Sa ilang komunidad, nagtatanim ng puno ang babae o bumibisita sa sagradong lugar para magbigay ng alay.