Hesperian Health Guides

Pamumuhay na may pagkabaog

Sa kabanatang ito:

babaeng nakahawak sa braso ng isa pang babae habang kausap niya ito
Naiintindihan ko ang pakiramdam mo. Hindi rin nga ako magkaanak.

Dahil sa pagkabaog, maaaring makadama ang babae o lalaki ng lungkot, pangamba, pangungulila, pagkabigo o galit.

Kapag nangyari ito, mahalagang malaman na hindi ka nag-iisa. Subukang makipag-usap sa mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo. Maaaring makatagpo ka rin ng mga magpartner na may parehong problema, at matutong magtulungan sa isa’t isa.

Naglalarawan ang mga kuwento sa ilalim kung paano umangkop sa pagkabaog ang ilang mga tao:

Pag-ampon ng bata: kuwento ni Lina
Si Lina ay 25 taong gulang at 3 beses nang nag-asawa. Napakalungkot niya dahil diniborsyo siya ng lahat ng kanyang asawa nang hindi siya magbuntis. Sa komunidad, pinag-uusapan at sinisisi siya ng mga tao. Malamang daw, gumamit siya bago mag-asawa ng kung anong mahika o salamangka para hindi siya mabuntis, at nabaog siya dahil sa lakas nito.


May anak ang lahat ng kapatid niyang babae, at minsan si Lina ang nag-aalaga sa kanila. May TB ang ate niya at malubha ang sakit nang manganak ng kambal. Tinanong ni Lina kung puwede niyang ampunin ang isa sa kambal, at pumayag naman ang ate niya. Pumunta si Lina sa health center at nagpatulong sa health worker sa pagpakain ng sanggol. Tinuruan siya kung paano gumamit ng tasa at kutsara para magpakain, at inareglo nila na pasusuhin ito sa umaga ng isang malusog na babae sa komunidad na may sanggol din. Gabi-gabi siyang binibigyan ng gatas mula sa suso ng isa pa niyang kapatid, at ito ang pinapainom niya mula sa tasa.

Hindi sigurado ang mga kaibigan at kapitbahay ni Lina na lalaking malusog ang sanggol.
babaeng may hawak na maliit na bata
Pero nang makita nilang lumaki at lumakas ang bata, natuwa at ipinagmalaki nila si Lina. Ang nangyari pa, kinilala si Lina na eksperto sa pagpapalaki ng mga ampon na bata. Kapag may inang namatay sa panganganak, ibinibigay ang sanggol kay Lina para maalagaan.


Malaki na ang kambal, at madalas sabihin ng mga tao na mas matangkad at malakas ang inampon ni Lina. Sinasabi rin nila na dahil ito sa mapagmahal na pangangalaga ni Lina.
— Bundoora, Australia


Pagbubuo ng buhay na walang anak: kuwento ni Sara at Tito
Maraming taong nagsikap magkaanak si Sara at Tito, pero hindi nila nagawa. Malungkot sila noong una, dahil sa kanilang komunidad, inaasahan ang mag-asawa na magkaroon ng pinakamaraming anak na kaya nila. Sa huli, nagpasya silang itigil ang pag-iisip na hindi kumpleto ang buhay nila kung walang anak, at magplano ng kinabukasan para sa kanila.

Nagpasya silang magsimula ng isang negosyo at magbiyahe sa iba’t ibang bayan at palengke para magtinda ng kaldero, kawali at ibang paninda. Kung may mga anak sila, mahirap talagang magbiyahe nang ganito.

may katandaang babae at lalaki; pareho silang mukhang masaya


Ngayong matanda na si Sara at Tito, sinasabi ng mga tao na magkahawig ang kanilang itsura at ugali. Nagmamahalan sila sa isa’t isa, nagbabahaginan ng kasiyahan, at marami ang kaibigan. Hindi sila lolo’t lola tulad ng mga kapitbahay nila, pero marami silang kuwentong kawili-wiling pakinggan. Ginagalang sila ng lahat sa komunidad.
— Lima, Peru

Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024