Hesperian Health Guides
Ano ang mga sanhi ng pagkabaog
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 14: Pagkabaog > Ano ang mga sanhi ng pagkabaog
Mga nilalaman
Pagkabaog sa lalaki
Mga pangunahing sanhi ng pagkabaog sa lalaki:
- Hindi sapat ang nabubuong semilya. O hindi kayang lumangoy ng semilya papunta sa tubo ng babae, o hindi makapertilisa ng itlog.
- Nagkaroon ng beke (mumps) pagkatapos magbinata na puminsala sa bayag. Puwede pa ring labasan ang lalaki, pero walang semilya ang tamod.
- Hindi makalabas ng titi ang semilya dahil may mga peklat sa tubo mula sa impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP). (STI).
- May pamamaga sa mga ugat sa scrotum (varicocele).
- May problema sa pakikipagtalik dahil:
- hindi tumitigas ang titi.
- tumitigas ang titi pero hindi tumatagal ang pagtigas sa pakikipagtalik.
- masyadong mabilis labasan, bago pa makapasok ang titi nang malalim sa puwerta.
- Mga sakit tulad ng diabetes, tuberkulosis, at malaria
Pagkabaog sa babae
Maiiwasan ang pagkabaog na sanhi ng impeksyon. Para sa dagdag na impormasyon, tingnan "Kumplikasyon ng INP" at "Paano maiwasan ang mga inp".
Mga pangunahing sanhi ng pagkabaog sa babae:
- May mga peklat sa mga tubo o sa loob ng matris. Maaaring mapigilan ng peklat sa tubo na makadaloy ang itlog, o na makalangoy ang semilya papunta sa itlog. Makakapigil naman ang peklat sa loob ng matris sa pertilisadong itlog na dumikit sa dingding ng matris. Minsan nagkakapeklat ang babae pero hindi niya alam dahil hindi naman masama ang pakiramdam niya. Pero paglipas ng ilang taon, malalaman niyang baog na siya.
Pagkabaog sa babae |
1. baradong tubo |
2. hindi naglalabas ng itlog ang obaryo |
3. fibroids |
fibroid
|
Ang pagpepeklat ay maaaring dulot ng:
- impeksyon mula sa hindi nagamot na INP na umakyat papunta sa matris o tubo (pelvic inflammatory disease o PID).
- di ligtas na pagpapalaglag o problema sa panganganak na nagdulot ng pinsala o impeksyon sa matris.
- hindi malinis na kondisyon nang ipasok ang IUD, na naging sanhi ng impeksyon.
- problema mula sa operasyon sa puwerta, matris, tubo o obaryo.
- Hindi naglalabas ng itlog (walang obulasyon). Maaaring hindi nakakagawa ang katawan ng sapat na kailangang hormone sa tamang panahon. Kung kulang sa 25 araw o lampas sa 35 araw ang pagitan ng pagregla, maaaring may problema sa obulasyon.
Minsan ay hindi naglalabas ng itlog ang babae kung mabilis siyang nagbawas ng timbang, o kung masyado siyang mataba. - May mga tumutubo sa matris (fibroids). Maaaring makapigil ng pertilisasyon ang fibroids, o maging mahirap ang pagpapatuloy ng pagbubuntis.
- Ang mga sakit tulad ng diabetes, tuberkulosis at malaria ay makakapinsala rin sa pertilidad ng babae.
Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017